Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 18-19

Kamatayan sa Nagkasala

18 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ano(A) ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin’?”

“Ako ang buháy na Diyos,” sabi pa ni Yahweh, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.

“Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga sagradong burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. Sinusunod(B) niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.

10 “Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at hindi sumunod sa alinman sa mga tuntuning ito, 11 bagkus ay nakikisalo sa mga handaan sa mga sagradong burol, sumisiping sa asawa ng iba, 12 nang-aapi ng mahihirap, nagnanakaw, hindi marunong magbayad ng utang, sumasamba sa diyus-diyosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, 13 at nagpapatubo. Palagay ba ninyo'y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.

14 “Halimbawa namang siya ay may anak. Nasaksihan ng anak na ito ang kasamaan ng kanyang ama, ngunit hindi niya ito pinarisan. 15 Hindi siya nakisalo sa mga handaan sa sagradong burol, hindi sumamba sa mga diyus-diyosan, hindi sumiping sa asawa ng iba. 16 Hindi rin siya gumawa ng masama kaninuman, hindi nanamsam ng sangla, at hindi nagnakaw. Siya ay matulungin sa nangangailangan, 17 lumalayo sa kasamaan, hindi nagpapatubo sa pautang, sumusunod sa aking Kautusan at lumalakad ayon sa aking mga tuntunin. Mabubuhay ang anak na iyon. Hindi siya mamamatay dahil sa kasamaan ng kanyang ama. 18 Ang kanyang ama ay mamamatay sapagkat nagnakaw at gumawa ng masama sa kanyang kapwa.

19 “Maaaring itanong mo kung bakit hindi dapat pagdusahan ng anak ang kasalanan ng ama. Sapagkat matuwid ang mga gawa ng anak, sumunod siyang mabuti sa aking mga tuntunin, kaya dapat siyang mabuhay. 20 Ang(C) nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan.”

Matuwid ang Tuntunin ng Diyos

21 “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. 22 Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. 23 Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ni Yahweh. “Ang ibig ko nga, siya'y magsisi at magbagong-buhay. 24 Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.

25 “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. 26 Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. 27 At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. 28 Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay. 29 Maaari ngang sabihin ninyong hindi tama ang ginagawa ko. Sasabihin ko namang ang ginagawa ninyo ang hindi tama.

30 “Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo't tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. 31 Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay sapagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. 32 Hindi(D) ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.”

Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel

19 Ihayag mo ang iyong panaghoy para sa mga pinuno ng Israel.

Sabihin mo:

Ang iyong ina ay parang isang leon.
Pinalaki niya ang kanyang mga anak,
    nakatira siyang kasama ng karamihan sa piling ng mababangis na leon.
Isa sa kanyang mga anak ay tinuruan niya;
    kaya ito ay natutong manila at manlapa ng tao.
Nang mabalitaan ito ng mga bansa sa paligid,
    hinuli siya sa patibong, ikinulong at dinala sa Egipto.
Naghintay siya nang naghintay hanggang sa mawalan ng pag-asa;
kaya, inaruga ang isa pang anak niya,
    na nang lumaki'y naging isang mabangis na leon.
Sumama siya sa ibang leong tulad niya
    at siya'y natutong manlapa ng tao.
Iginuho niya ang mga tanggulan ng kalaban,
    at kanyang winasak ang kanilang mga bayan.
Ang buong lupain, lahat ng mamamayan,
    ay nangingilabot sa kanyang atungal.
At nagkaisa laban sa kanya ang mga bansa sa palibot.
Iniumang nila ang kanilang mga lambat
    at siya ay nahulog sa kanilang patibong.
Siya ay ikinulong nila't dinala sa hari ng Babilonia;
    pinabantayan siyang mabuti.
Mula noon, ang ungal niya'y di na narinig
    sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay tulad ng baging ng ubas,
    itinanim sa tabi ng batis.
Sapagkat sagana sa tubig, kaya ito ay lumago at namunga nang marami.
11 Matitigas ang kanyang mga sanga,
    bagay na setro ng hari.
Ito'y tumaas, umabot sa mga ulap.
    Namumukod nga sa taas, namamalas ng lahat.
12 Ngunit dahil sa matinding galit, ito ay ibinuwal,
bunga nito ay nalanta sa ihip ng hangin.
Ang puno ay natuyo, sa huli ay sinunog.
13 At ito nga'y itinanim sa disyerto,
    sa lupaing tuyung-tuyo, kaunti ma'y walang katas.
14 Ang punong iyon ay nasunog,
    bunga't sanga ay natupok,
    kaya't wala nang makuhang gagawing setro.

Ito ay isang panaghoy at paulit-ulit na sasambitin.

Santiago 4

Kaaway ng Diyos ang Kaibigan ng Sanlibutan

Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ang espiritung inilagay ng Diyos sa atin ay punô ng matitinding pagnanasa.”[a] Ngunit(A) ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”

Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.

Huwag Humatol sa Kapwa

11 Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang naninira o humahatol sa kanyang kapatid ay naninira at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito. 12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magparusa. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?

Huwag Magmalaki

13 Makinig(B)(C) kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming mananatili roon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.” 14 Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. 15 Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!

17 Ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa ay nagkakasala.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.