Old/New Testament
Ang Pangitain tungkol sa Kasuklam-suklam na Gawain ng Israel
8 Ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon. Kaharap ko noon sa aming bahay ang pinuno ng Juda nang ako'y lukuban ng kapangyarihan ng Panginoong Yahweh. 2 Nagkaroon(A) ako ng pangitain. May nakita akong parang tao. Ang ibaba ng kanyang baywang ay parang apoy at sa itaas ay maningning na parang makinis na tanso. 3 Nakita kong iniunat ang tila kamay. Hinawakan ako nito sa buhok at itinaas sa kalagitnaan ng langit at ng lupa. Dinala ako sa Jerusalem, sa pagpasok sa patyo, sa gawing hilaga, sa may kinalalagyan ng rebulto na naging dahilan ng paninibugho ni Yahweh. 4 At(B) naroon ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, tulad ng nakita ko sa pangitain sa kapatagan.
5 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tumingin ka sa gawing hilaga.” Tumingin nga ako at sa pagpasok sa altar ay nakita ko ang diyus-diyosang sanhi ng kanyang paninibugho. 6 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ang kasuklam-suklam na bagay na ginagawa ng bayang Israel upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Higit pa riyan ang ipapakita ko sa iyo.”
7 At dinala niya ako sa may pinto ng patyo. Ang nakita ko'y isang butas sa pader. 8 Sinabi niya sa akin, “Lakihan mo ang butas ng pader.” Gayon nga ang ginawa ko at may nakita akong pinto. 9 Sinabi niya sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang kasuklam-suklam nilang gawain.” 10 Pumasok nga ako at sa palibot ng pader ay nakita ko ang larawan ng lahat ng hayop na gumagapang, nakakapandiring mga halimaw, at ang iba't ibang diyus-diyosan ng Israel. 11 Sa harap ng mga ito, nakatayo ang pitumpung matatanda ng Israel sa pangunguna ni Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa'y nagsusunog ng insenso. 12 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nakita mo ang ginagawa nila sa madilim na silid na ito? Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita roon sapagkat wala ako roon. 13 Masahol pa riyan ang makikita mo.”
14 Dinala niya ako sa pintuan sa hilaga ng pagpasok sa Templo, at doo'y may mga babaing nananangis para kay Tamuz. 15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Masahol pa riyan ang makikita mo.”
16 Dinala niya ako sa patyo sa loob ng Templo. Sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may nakita akong mga dalawampu't limang tao. Nakatalikod sila sa Templo, nakaharap sa silangan at sumasamba sa araw. 17 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Maliit na bagay ba ang ginagawa ng sambahayan ng Juda na punuin ng karahasan ang buong lupain? Lalo lang nila akong ginagalit sa ginagawa nilang iyan. 18 Kaya nga, paparusahan ko sila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila. Dumaing man sila sa akin, hindi ko sila diringgin.”
Ang Pagpuksa sa Masasama
9 Sumigaw si Yahweh, “Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lunsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” 2 Mula sa pintuan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi-tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso.
3 Noon, ang kaluwalhatian ni Yahweh na nasa pagitan ng mga kerubin ay tumaas papunta sa pasukan ng Templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng telang lino at may panulat sa baywang. 4 Sinabi(C) niya rito, “Libutin mo ang lunsod ng Jerusalem at lagyan mo ng tatak sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa roon.” 5 Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya, “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira 6 maliban sa mga may tanda sa noo. Patayin ninyong lahat ang mga tagaroon: matanda, binata, dalaga, babae at bata. Umpisahan ninyo sa santuwaryo.” Inuna nga nilang patayin ang matatandang pinuno ng bayan sa harap ng bahay. 7 Sinabi niya sa kanila, “Parumihin ninyo ang Templo at punuin ninyo ng bangkay ang patyo. Sige, umpisahan n'yo na!” Lumakad nga sila at pumatay nang pumatay sa lunsod. 8 Ako'y naiwang mag-isa.
Habang pumapatay sila, nagpatirapa ako at nanangis. Sinabi ko, “Panginoong Yahweh, aking Diyos, dahil ba sa galit mo sa Jerusalem ay uubusin mo ang nalalabing Israelita?”
9 Sinabi niya sa akin, “Napakalaki ng pagkakasala ng Israel at ng Juda. Dumadanak ang dugo sa lupain. Nawawala ang katarungan. Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita sapagkat umalis na ako sa lupain. 10 Kaya, pagbabayarin ko sila sa ginagawa nila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila.”
11 At bumalik ang lalaking nakasuot ng telang lino, at sinabi kay Yahweh, “Nagawa ko na po ang ipinagagawa ninyo sa akin.”
Umalis sa Templo ang Kaluwalhatian ni Yahweh
10 Tumingin(D) ako sa ulunan ng mga kerubin at may nakita akong parang trono na waring yari sa safiro. 2 Sinabi(E) ni Yahweh sa lalaking nakasuot ng telang lino, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong na umiikot sa ibaba ng kerubin. Dumakot ka ng baga at isabog mo sa buong lunsod.”
Gayon nga ang ginawa ng lalaking nabanggit. 3 Noon, ang mga kerubin ay nasa gawing timog ng Templo. Pagpasok ng lalaki sa patyo sa loob, ito'y napuno ng makapal na ulap. 4 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may kerubin at lumipat sa may pagpasok ng Templo. Napuno rin ito ng ulap at ang buong patyo'y nagliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. 5 Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay dinig hanggang sa patyo sa labas, wari'y ugong ng tinig ng Makapangyarihang Diyos.
6 Nang sabihin nga niya sa lalaking nakadamit ng lino na siya'y kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ibaba ng mga kerubin, pumunta ito at tumayo sa tabi ng isang gulong. 7 Ang isa sa mga kerubin ay dumakot ng baga na nasa kanilang kalagitnaan at ibinigay sa lalaki; at ito'y umalis. 8 Ang mga kerubin ay may mga tila kamay nga ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9 Nang(F) ako'y tumingin, nakita kong may isang gulong sa tabi ng bawat kerubin. Ang mga gulong ay kumikislap, tulad ng topaz. 10 Magkakamukha ang mga ito at parang iisa. 11 Sila'y nakababaling kahit saan, hindi na kailangang pumihit. Saanman gumawi ang nasa unahan, sumusunod ang iba nang hindi na pumipihit. 12 Ang(G) kanilang katawan, likod, kamay, pakpak, pati mga gulong ay puno ng mata. Ang mga kerubin ay tig-iisang gulong, 13 at ang tawag sa kanila ay “Mga Umiikot na Gulong.” 14 Bawat(H) kerubin ay tig-aapat ang mukha: kerubin, tao, leon, at agila.
15 Ang mga kerubin ay tumayo. Ito rin ang mga nilalang na buháy na nakita ko sa may Ilog Kebar. 16 Paglakad ng mga ito, lumalakad din ang mga gulong; pagtaas ng mga ito, tumataas din ang mga gulong. 17 Pagtigil nila, tumitigil din ang mga gulong. Pagtaas noong isa, sunod ang ikalawa pagkat iisa ang nagpapagalaw sa mga nilalang na buháy at sa mga gulong.
18 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may pagpasok ng Templo at nagpunta sa may ulunan ng kerubin. 19 Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.
20 Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila'y mga kerubin. 21 Sila'y tig-aapat ang mukha at tig-aapat din ang pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. 22 Ang mukha nila'y tulad din nang nakita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi ang isa ay doon din ang iba.
Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos
13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.
4 Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.
5 Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” 6 Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.
10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(E) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.
18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.
Panalangin
20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
Panghuling Pangungusap
22 Mga kapatid, hinihiling ko na pagtiyagaan ninyong pakinggan ang mga pangaral kong ito sapagkat hindi naman gaanong mahaba ang sulat na ito. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
24 Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng hinirang ng Diyos. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.
25 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. [Amen.][b]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.