Old/New Testament
Karagdagang Parusa sa Babilonia
51 Sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, magpapadala ako ng isang tagapagwasak ng Babilonia at ng mga hukbo nito. 2 Magsusugo ako sa Babilonia ng mga dayuhang wawasak dito na tulad sa malakas na hanging tumatangay sa ipa. Sa araw na iyon ng kanyang kapahamakan, iiwan nilang walang laman ang lupain paglusob nila mula sa lahat ng panig. 3 Huwag ninyong hayaang mahatak ng mamamana ang kanyang busog, o maisuot ang kanyang kasuotang pandigma. Huwag ninyong paliligtasin ang sinuman sa mga binata; lipulin ninyo ang lahat ng kawal. 4 Bayaan ninyong mahandusay sila sa lansangan ng Babilonia; patay at mga sugatan sa gitna ng lansangan. 5 Sapagkat ang Israel at ang Juda ay hindi pinabayaan ng kanilang Diyos na si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat; subalit ang lupain nila ay punô ng kasalanan laban sa Banal na Diyos ng Israel. 6 Takasan ninyo ang Babilonia, iligtas ninyo ang inyong sarili, kung hindi'y makakasama kayo sa pagpaparusa sa kanyang kasalanan; sapagkat ito'y panahon ng paghihiganti ni Yahweh, at ipalalasap sa kanya ang ganap niyang kaparusahan. 7 Ang(A) Babilonia ay isang gintong kopa sa kamay ni Yahweh, upang lasingin ang buong sanlibutan. Ininom ng mga bansa ang kanyang alak, kaya sila'y nalasing. 8 Bigla ang pagbagsak at pagkasira ng Babilonia. Iyakan ninyo siya. Kumuha kayo ng panlunas para sa kanyang sugat; baka siya'y gumaling pa. 9 Gagamutin(B) sana namin ang Babilonia, ngunit huli na ang lahat. Iwan na natin siya at magsiuwian na tayo sa ating mga bayan; sapagkat abot na hanggang langit ang kanyang kapahamakan.”
10 Tayo'y pinawalang-sala ni Yahweh; halikayo, ipahayag natin sa Zion ang ginawa ng ating Diyos.
11 Ihasa ang mga pana, ihanda ang mga kalasag.
Ginising ni Yahweh ang damdamin ng mga hari ng Media sapagkat balak niyang wasakin ang Babilonia, bilang paghihiganti ni Yahweh dahil sa pagwasak sa kanyang Templo. 12 Itaas ninyo ang watawat laban sa mga kuta ng Babilonia. Higpitan ninyo ang pagbabantay; magtakda kayo ng mga bantay. Humanda kayong sumalakay, sapagkat binalak at ginawa ni Yahweh ang sinabi niya tungkol sa Babilonia. 13 Kayong(C) naninirahan sa tabi ng maraming ilog, na sagana sa kayamanan, dumating na ang inyong wakas; tiyak na ang inyong kasasapitan. 14 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay sumumpa; ang sabi niya: “Ang Babilonia ay ipasasalakay ko sa makapal na tao tulad ng mga umaatakeng balang; at isisigaw nila ang tagumpay laban sa iyo.”
Awit ng Pagpupuri
15 Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan;
iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan.
16 Sa dagundong ng kanyang tinig, umuugong ang tubig sa kalangitan;
pinaiilanlang niya ang mga hamog mula sa mga sulok ng sanlibutan.
Pinakikislap niya ang mga kidlat sa gitna ng ulan,
at pinalalabas niya sa taguan ang mga hangin.
17 Sa ganitong kalagayan ay magiging mangmang at walang kaalaman ang lahat ng tao.
Bawat panday ay inilalagay sa kahihiyan ng nililok niyang diyus-diyosan;
sapagkat hindi tunay na diyos at walang buhay ang kanyang ginawa.
18 Walang kabuluhan ang mga iyon, at dapat sumpain
malilipol sila pagdating ng araw ng pagpaparusa sa kanila.
19 Ang Diyos ni Jacob ay hindi gaya ng mga ito;
sapagkat siya ang lumikha ng lahat,
at ang Israel ang hinirang niya;
Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang pangalan niya.
Ang Martilyo ni Yahweh
20 Ikaw ang aking martilyo at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo'y dudurugin ko ang mga bansa;
sa pamamagitan mo'y ibabagsak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo'y aking wawasakin ang mga hukbong nakakabayo,
at ang mga hukbong nakakarwahe,
22 ang lalaki at ang babae,
ang bata at ang matanda,
ang binata at ang dalaga,
23 ang pastol at ang kawan,
ang magsasaka at ang katulong na mga baka,
ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.
Ang Parusa sa Babilonia
24 “Paparusahan ko sa harap ninyo ang Babilonia at ang mga mamamayan nito dahil sa mga kasamaang ginawa niya sa Zion,” sabi ni Yahweh. 25 “Ako'y galit sa iyo, ikaw na mapangwasak na bundok. Winasak mo ang buong sanlibutan. Paparusahan kita. Gugulong kang pababa mula sa kabatuhan, at gagawin kitang bundok na tinupok. 26 Walang batong makukuha sa iyo upang gawing panulok, o kaya'y pundasyon. Sa halip, mananatili kang wasak habang panahon. 27 Itaas ninyo sa lupain ang isang bandila, iparinig ninyo sa mga bansa ang pag-ihip ng trumpeta. Pahandain ang mga bansa para digmain siya; tawagin ang mga kahariang laban sa kanya—ang Ararat, ang Mini at ang Askenaz. Pumili kayo ng pinuno laban sa kanya, magpadala kayo ng mga kabayo na kasindami ng mga uod na nagiging balang. 28 Humanda sa paglaban sa kanya ang mga bansa, ang mga hari sa Medo, kasama ang kanilang mga pinuno't kinatawan, at ang bawat lupaing nasasakupan nila. 29 Nanginginig at namimilipit sa sakit ang lupain, sapagkat hindi nagbabago ang pasya ni Yahweh laban sa Babilonia. Sisirain niya ang lupaing ito; wala nang maninirahan dito. 30 Tumigil na sa pakikipaglaban ang mga mandirigma ng Babilonia, at nanatili sa kanilang kuta. Sila'y pinanghinaan na ng loob na parang mga babae. Sinunog na ang kanilang mga tahanan, nawasak na ang kanilang mga pintuan. 31 Nagkakasalubong sa pagtakbo ang mga inutusan. Sinasalubong ng isang sugo ang kanyang kapwa sugo. Sasabihin nila sa hari ng Babilonia na nasakop na ang lahat ng panig ng kanyang lunsod. 32 Naagaw ang mga tawiran. Sinunog ang mga kuta. Sindak na sindak ang mga kawal. 33 Ang Babilonia ay parang giikang niyayapakan. Sandali na lamang at darating na ang panahon ng pag-ani sa kanya.”
34 Ang Jerusalem ay kinatay at nilamon ng Babilonia. Ginawa niya itong parang sisidlang walang laman. Para siyang dambuhala at ako'y nilulon. Kinuha ang magustuhan at itinapon ang iba. 35 Sabihin ninyong mga taga-Zion, “Mangyari sa Babilonia ang karahasang ginawa niya sa amin.” Sabihin naman ninyong mga taga-Jerusalem, “Pananagutan niya ang paghihirap na tiniis namin.”
Tutulungan ni Yahweh ang Israel
36 Kaya sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Ipagtatanggol kita at ipaghihiganti. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at bukal. 37 Wawasakin ko ang Babilonia. Ito'y gagawing tirahan na lang ng mga asong-gubat, magiging isang katatakutan at tampulan ng paghamak. Wala na ring maninirahan doon. 38 Sila'y uungal na parang mga leon. 39 At dahil sila'y mga ganid, ipaghahanda ko sila ng isang handaan, at lalasingin ko, hanggang mawalan sila ng malay; mahimbing sa pagtulog habang panahon, at hindi na magising.” 40 Dadalhin ko silang gaya ng mga tupang patungo sa katayan, at gaya rin ng mga lalaking tupa at barakong kambing.
Ang Pagkawasak ng Babilonia
41 “Nasakop ang Babilonia, naagaw ang lupaing hinahangaan ng buong sanlibutan. Nakakapangilabot tingnan ang kinasapitan niya! 42 Tumaas ang tubig ng dagat at natabunan ng nagngangalit na alon ang Babilonia. 43 Kinatakutan ang kanyang mga lunsod. Natuyo ang kanyang lupain na parang disyerto; ayaw panirahan, o daanan man ng sinumang tao. 44 Paparusahan ko si Bel, ang diyos ng Babilonia, at dudukutin sa kanyang bibig ang mga nalulon niya. Hindi na siya pupuntahan ng mga bansa. Bumagsak na ang pader ng Babilonia. 45 Bayan ko, lisanin ninyo siya! Iligtas ng bawat isa ang kanyang sarili mula sa matinding galit ni Yahweh! 46 Huwag manghina ang inyong loob, at huwag kayong matakot sa balitang kumakalat sa lupain; may mapapabalita sa loob ng isang taon, iba't iba bawat taon. Balita tungkol sa karahasan o mga pinuno laban sa pinuno. 47 Kaya darating ang panahon na paparusahan ko ang mga diyus-diyosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong lupaing ito, at mapapatay ang lahat ng mamamayan niya. 48 Kung(D) magkagayon, ang langit at ang lupa at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat sasalakayin siya ng mga tagawasak mula sa hilaga,” sabi ni Yahweh. 49 “Dapat(E) ibagsak ang Babilonia bilang kapalit ng mga napatay sa Israel; sapagkat ang Babilonia ang dahilan ng mga napatay sa buong sanlibutan.”
Ang Mensahe ng Diyos para sa mga Israelita sa Babilonia
Sinabi ni Yahweh sa mga Israelita na bihag sa Babilonia, 50 “Kayong nakaligtas sa kamatayan, magpatuloy kayo at huwag kayong titigil! Alalahanin ninyo si Yahweh kung kayo'y nasa malayong lugar na, gayundin ang Jerusalem. 51 Kami'y napahiya dahil nakarinig kami ng paghamak. Nalagay kami sa kahiya-hiyang katayuan sapagkat dumating ang mga dayuhan at pumasok sa banal na dako sa bahay ni Yahweh. 52 Makikita ninyo, darating ang panahong paparusahan ko ang kanyang mga diyus-diyosan; maririnig ang daing ng mga sugatan sa buong lupain. 53 Kahit na maabot ng Babilonia ang langit, kahit tibayan niya ang kanyang kuta, darating pa rin ang wawasak sa kanya.”
Iba pang Kapahamakang Sinapit ng Babilonia
54 Sinabi pa ni Yahweh,
“Pakinggan ninyo ang iyakan mula sa Babilonia,
ang panaghoy dahil sa kanyang pagkawasak.
55 Sapagkat ginigiba ni Yahweh ang Babilonia,
at pinatatahimik ang kanyang malakas na sigaw.
Ang kanyang mga alon ay parang ugong ng malakas na tubig,
matining ang alingawngaw ng kanilang tinig.
56 Sumalakay na sa Babilonia ang tagawasak.
Binihag ang kanyang mga mandirigma.
Pinagbabali ang kanilang mga pana
sapagkat si Yahweh ay Diyos na gumaganti,
magbabayad siya nang buo.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at mga matatalino,
ang kanyang mga tagapamahala, tagapag-utos at mandirigma.
Mahihimbing sila habang panahon at hindi na magigising.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
58 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang malawak na pader ng Babilonia ay mawawasak
at masusunog ang matataas niyang pintuang-bayan.
Nagpapakahirap sa walang kabuluhan ang mga tao.
Pinapagod nila ang kanilang sarili para mauwi lamang sa apoy.”
Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia
59 Ito naman ang iniutos ng Propeta Jeremias sa punong eunuko na si Seraias, ang anak ni Nerias at apo ni Maasias, nang siya'y magpunta sa Babilonia, kasama ni Haring Zedekias ng Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari nito. 60 Itinala ni Jeremias sa isang kasulatan ang lahat ng kapahamakang darating sa Babilonia, at lahat ng bagay na nasulat tungkol dito. 61 Ang sabi ni Jeremias kay Seraias: “Basahin mong lahat ang nakasulat dito pagdating mo sa Babilonia. 62 Pagkatapos ay sabihin mo, ‘Yahweh, sinabi mong ang lupaing ito'y iyong wawasakin. Wala nang maninirahan dito, maging tao o hayop, at mananatili itong wasak habang panahon.’ 63 Pagkabasa(F) mo sa kasulatang ito, itali mo sa isang bato at ihagis sa gitna ng Ilog Eufrates, 64 sabay ang pagsasabing, ‘Gayon lulubog ang Babilonia, at hindi na lilitaw, dahil sa parusang ipadadala ko sa kanya.’” Hanggang dito ang mga pahayag na natipon ni Jeremias.
Ang Kasaysayan ng Pagbagsak ng Jerusalem(G)
52 Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari sa Juda, at labing-isang taóng naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina'y si Hamutal, anak ni Jeremias ng Libna. 2 Tulad ng masamang ginawa ni Jehoiakim, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 3 Nagalit si Yahweh sa Jerusalem at sa Juda kaya sila'y itinakwil niya. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
4 Noong(H) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay sa Jerusalem ang buong hukbo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Kinubkob nila iyon, at nagtayo sila ng mga toreng bantayan sa palibot. 5 Ang pagkubkob ay tumagal hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekias. 6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taóng iyon, 7 nagkaroon(I) ng matinding taggutom sa lunsod. Walang makain ang mga mamamayan. Nang makita ito ni Haring Zedekias, gumawa sila ng butas sa pader ng lunsod at tumakas nang gabing iyon kasama ang mga sundalo. Dumaan sila sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari. Nakatakas sila patungong Araba, kahit napapaligiran ng mga hukbo ng Babilonia ang buong lunsod. 8 Ngunit hinabol ng hukbo ng Babilonia ang hari, at inabutan si Zedekias sa kapatagan ng Jerico; nagkawatak-watak ang kanyang mga kasama at iniwan siya. 9 Binihag ang hari at dinala sa hari ng Babilonia na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Doon siya hinatulan. 10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan niya. Pinatay rin sa Ribla ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 Pagkatapos,(J) dinukit ng hari ang mga mata ni Zedekias, ginapos, dinala sa Babilonia, at ibinilanggo hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Giniba ang Templo(K)
12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, si Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay ng hari, ay nagpunta sa Jerusalem. 13 Sinunog(L) niya ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay doon, pati ang mga tahanan ng mga kilalang tao. 14 Ang pader sa palibot ng Jerusalem ay iginuho ng mga sundalo ng Babilonia sa pangunguna ng kapitan ng mga bantay. 15 Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa. 16 Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa mga ubasan at bukirin.
17 Sinira(M) nilang lahat ang mga haliging tanso sa Templo ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na dagat-dagatang tanso, at dinala nila sa Babilonia ang mga tinunaw na tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo. 19 Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga kopa, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak. 20 Hindi na makayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh. 21 Ang isa sa mga haligi'y walong metro ang taas at lima't kalahating metro ang bilog. Walang laman ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon. 22 Ito'y may kapitel na tanso rin, dalawa't kalahating metro ang taas. May palamuti itong parang lambat at mga prutas na granada sa palibot. Ang lahat ng ito'y yari sa tanso. Ang isa pang haligi, na may mga palamuti ring granada ay kahawig ng unang haligi. 23 May siyamnapu't anim na lahat ang palamuting granada na nakikita, ngunit isandaang lahat ang nagawa na makikita sa buong palibot.
Binihag ang mga Taga-Juda at Dinala sa Babilonia(N)
24 Kinuha ng kapitan ng mga bantay ang punong paring si Seraias, at si Zepanaias, ang pangalawang pari, pati ang tatlong pinuno sa Templo. 25 Kumuha rin siya sa lunsod ng isang pinuno na mamamahala sa mga mandirigma, pitong lalaki sa konseho ng hari na naroon pa sa lunsod, isang kalihim ng kapitan at siyang nagsasanay sa mga tao para sa pakikidigma, at may animnapung lalaking naroroon pa rin. 26 Sila'y dinala ni Nebuzaradan sa harapan ng hari ng Babilonia sa Ribla, na nasa lupain ng Hamat, 27 sila'y ipinahampas ng hari ng Babilonia saka ipinapatay. Gayon naging bihag at inalis sa sariling lupain ang taga-Juda.
28-30 Ito ang bilang ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ni Nebucadnezar:
Noong ika-7 taon ng kanyang paghahari 3,023
Noong ika-18 taon ng kanyang paghahari 832 mula sa Jerusalem
Noong ika-23 taon ng kanyang paghahari 745 na dinalang-bihag ni Nebuzaradan
Lahat-lahat ay 4,600 katao.
31 Noong ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkakabihag ni Haring Jehoiakin ng Juda, pumalit na hari sa Babilonia si Evil-merodac. Naging mabuti ito kay Haring Jehoiakin ng Juda at pinalabas siya sa bilangguan; 32 pinakitaan ng kagandahang-loob, at binigyan pa ng katungkulang mas mataas kaysa mga haring kasama niya sa Babilonia. 33 Kaya't hinubad na ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilanggo, at namuhay sa kalinga ng hari sa natirang mga taon ng kanyang buhay. 34 Araw-araw, ang kanyang pangangailangan ay ibinibigay ng hari ng Babilonia, habang siya'y nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Ang Pagsamba Dito sa Lupa at Doon sa Langit
9 Ang naunang tipan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. 2 Itinayo(A) ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; 3 ang(B) ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. 4 Naroon(C) ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. 5 At(D) sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit hindi ngayon ang panahon para ipaliwanag nang isa-isa ang lahat ng ito.
6 Ganoon(E) ang pagkakaayos sa loob ng kanilang toldang sambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. 7 Ngunit(F) tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa kanyang mga kasalanan at para sa mga kasalanang hindi sinasadyang nagawa ng mga tao. 8 Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. 9 Simbolo lamang ang mga iyon na tumutukoy sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nakakapagpalinis ng budhi ng mga sumasamba roon. 10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas lamang, na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.
11 Ngunit dumating[a] na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. 13 Kung(G) ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating[b] mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.
15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.
16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, 17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. 18 Maging ang naunang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng walang dugo. 19 Matapos(H) ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga baka [at ng mga kambing][c] at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinag-utos niya na tuparin ninyo.” 21 Winisikan(I) din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. 22 Ayon(J) sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.
Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo
23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.
25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin(K) naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.