Old/New Testament
21 Sa (A) Kautusan ay nasusulat,
“Sa pamamagitan ng mga taong may kakaibang wika,
at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga
ay magsasalita ako sa bayang ito,
subalit hindi nila ako pakikinggan,”
sabi ng Panginoon. 22 Kaya nga, ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay tanda hindi para sa mga sumasampalataya kundi sa mga hindi sumasampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng propesiya ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya, kundi sa mga sumasampalataya. 23 Kaya't kung nagkakatipon ang buong iglesya at ang lahat ay nagsasalita sa iba't ibang wika, at pumasok ang mga walang kaalaman o mga di-nanampalataya, hindi kaya nila sabihing kayo'y nababaliw? 24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at may pumasok na di-mananampalataya, o isang walang kaalaman, siya ay mahihikayat ng lahat na siya'y isang makasalanan. Siya ay pananagutin ng lahat, 25 yamang nailantad ang mga lihim ng kanyang puso, at ang taong iyon ay yuyukod,[a] at kanyang sasambahin ang Diyos, at siya'y magpapahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”
Kaayusan sa Pagsamba
26 Kaya ano'ng ibig kong sabihin, mga kapatid? Sa inyong pagkakatipon, bawat isa ay may awit, may aral, may pahayag, may wika, o kaya'y may pagpapaliwanag. Dapat isagawa ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay ng iglesya. 27 Kung mayroong nagsasalita ng ibang wika, dapat ay dalawa o pinakamarami na ang tatlo, at isa-isa silang magsasalita. Kailangang may magpaliwanag ng mga sinabi. 28 Ngunit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik na lamang sa iglesya ang tagapagsalita at makipag-usap sa kanyang sarili, at sa Diyos. 29 Hayaang magpahayag ng propesiya ang dalawa o tatlong tao, habang inuunawa naman ng iba ang ipinapahayag. 30 Kung may dumating na pahayag sa isang nakaupo, dapat munang tumahimik ang nauna. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring magpahayag ng propesiya, nang sunud-sunod, upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla. 32 Ang mga espiritu ng mga propeta ay nasa pamamahala ng mga propeta, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.
Gaya sa lahat ng mga kapulungan ng mga banal, 34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita, sa halip ay magpasakop, alinsunod sa sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kani-kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat hindi naaangkop para sa isang babae ang magsalita sa iglesya. 36 Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos? O dumating lamang ito sa inyo?
37 Kung inaakala ng sinuman na siya'y isang propeta, o may kaloob na espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang mga isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang hindi kumilala nito ay hindi rin dapat kilalanin. 39 Kaya, mga kapatid, naisin ninyong mabuti ang makapagpahayag ng propesiya, ngunit huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Gayunma'y dapat isagawa ang lahat ng mga bagay sa karapat-dapat at maayos na paraan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.