Old/New Testament
Ang Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Kaya bilang mga minamahal na anak, tularan ninyo ang Diyos. 2 (A) Mamuhay kayo sa pag-ibig, kung paanong inibig tayo ni Cristo at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang isang mabangong handog at alay sa Diyos. 3 Tulad ng nararapat sa mga banal, hindi dapat mabanggit man lamang tungkol sa inyo ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan, o kasakiman. 4 Hindi rin dapat magkaroon sa inyo ng kalaswaan, ni hangal na usapan, o magagaspang na birong wala sa lugar, sa halip ay ang pagpapasalamat. 5 Sapagkat alam na alam ninyo ito na walang mapakiapid, o taong marumi ang pamumuhay, o sakim, na isang uri ng taong sumasamba sa mga diyus-diyosan, ang tatanggap ng pamana sa kaharian ni Cristo at ng Diyos. 6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga suwail na anak. 7 Kaya't huwag kayong makikibahagi sa kanila. 8 Sapagkat kayo noon ay kadiliman, ngunit ngayon sa Panginoon kayo ay liwanag. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag.— 9 Sapagkat ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti, matuwid at totoo. 10 Alamin ninyo kung ano ang kaaya-aya sa Panginoon. 11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang kapakinabangang gawa ng kadiliman, sa halip ay ilantad ninyo ang mga ito. 12 Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga patagong ginagawa ng mga taong ito. 13 Lahat ng mga bagay na inilantad ng liwanag ay makikita. 14 Sapagkat anumang bagay na nakikita ay nagiging liwanag. Kaya nga't sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay,
at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”
15 Kaya't mag-ingat kayo sa uri ng inyong pamumuhay, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong. 16 (B) Lubos ninyong gamitin ang pagkakataon, sapagkat ang mga araw ay masasama.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.