Old/New Testament
19 Maaaring sabihin mo, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Tama iyan. Ngunit pinutol sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, at ikaw naman ay idinugtong dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmataas, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga likas na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw man ay hindi niya panghihinayangan. 22 Kaya't masdan ninyo ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos: kabagsikan sa mga humiwalay, ngunit kabutihan sa iyo, kung mananatili ka sa kanyang kabutihan. Kung hindi, puputulin ka rin. 23 At kung sila'y hindi magpupumilit sa di-pagsampalataya, muli silang idudugtong, sapagkat kaya ng Diyos na sila'y muling idugtong. 24 Kung ikaw na sangang galing sa ligaw na olibo ay naidugtong sa inaalagaang olibo kahit salungat sa likas na paraan, lalo pang maaaring idugtong ang mga likas na sanga sa sarili nitong puno.
Ang Panunumbalik ng Israel
25 Mga kapatid, hindi ko nais na kayong mga Hentil ay maging mataas ang tingin sa sarili. Kaya't nais kong maunawaan ninyo ang hiwagang ito. Nagkaroon ng pagmamatigas ang isang bahagi ng Israel, hanggang makapasok ang kabuuang bilang ng mga Hentil. 26 Sa (A) ganitong paraan maliligtas ang buong Israel. Gaya ng nasusulat,
“Magbubuhat sa Zion ang sasagip sa atin;
aalisin niya ang kasamaan mula sa lahi ni Jacob.”
27 “At ito (B) ang aking pakikipagtipan sa kanila,
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, naging kaaway sila ng Diyos alang-alang sa inyo. Tungkol naman sa paghirang, sila'y mga minamahal ng Diyos alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi maaaring bawiin ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos. 30 Dati kayong mga suwail sa Diyos subalit ngayo'y kinahabagan dahil sa kanilang pagsuway. 31 Ngayon nama'y sila ang naging suwail upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ng habag ng Diyos. 32 Sapagkat ibinilanggo ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang mahabag siya sa lahat.
33 Napakalalim(C) ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi maabot ng isip ng tao ang kanyang hatol, at hindi masiyasat ang kanyang mga paraan!
34 “Sapagkat sino (D) ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
o sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “Sino (E) ang nakapagbigay sa Diyos ng anuman,
upang siya'y bayaran ng Diyos?”
36 Sapagkat (F) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.