Old/New Testament
16 Samakatuwid ang pagpili ay hindi ayon sa kagustuhan o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa awa ng Diyos. 17 Sapagkat (A) sinasabi ng Kasulatan kay Faraon, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo ay maipakita ko ang aking kapangyarihan, at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya kinaawaan ng Diyos ang nais niyang kaawaan, at pinatitigas ang puso ng sinumang nais niyang pagmatigasin.
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Maaaring sabihin ninyo sa akin, “Kung gayo'y bakit sinisisi pa tayo ng Diyos? Sino ba ang maaaring sumalungat sa kanyang kagustuhan?” 20 Ngunit, (B) sino ka ba, O tao, na sasagot nang laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?” 21 Wala bang karapatan ang magpapalayok na bumuo mula sa isang tumpok ng putik ng isang sisidlan para sa mahalagang gamit at ng isa pang sisidlan para sa pangkaraniwang gamit? 22 Kung nais ipakita ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin ba niyang pagtitiisan ang mga sisidlan ng poot na inihanda para sa pagkawasak? 23 Hindi ba't ginawa niya ito upang ipakilala ang yaman ng kanyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na noong una pa ay inihanda na niya para sa kaluwalhatian? 24 Hindi ba kabilang tayo sa kanyang mga tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil? 25 Gaya (C) ng sinasabi niya sa aklat ni Hosea,
“Tatawagin kong ‘Bayan ko’ ang dating hindi ko bayan;
at ‘Minamahal’ ang dating hindi ko mahal.”
26 “At (D) sa mismong lugar kung saan sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’ ”
27 Ito (E) naman ang isinisigaw ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, ang kaunting nalabi lamang sa kanila ang maliligtas. 28 Sapagkat mabilis at tiyak na igagawad ng Panginoon ang kanyang hatol sa daigdig.” 29 Gaya ng sinabi (F) ni Isaias noong una,
“Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng mga anak,[a]
tayo sana'y naging tulad ng Sodoma,
at naging gaya ng Gomorra.”
Ang Israel at ang Ebanghelyo
30 Ano ngayon ang sasabihin natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid ay naging matuwid, at ito'y mula sa pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel na nagsikap maging matuwid batay sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit? Sapagkat sinikap nilang maging matuwid batay sa mga gawa, at hindi batay sa pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 gaya ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, (G) maglalagay ako sa Zion ng isang katitisurang bato,
isang malaking batong ikabubuwal ng mga tao,
ngunit ang sinumang sa kanya'y magtitiwala,
kailanman ay hindi mapapahiya.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.