Old/New Testament
Mga bayan na ibibigay sa mga Levita.
35 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa mga (A)kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,
2 (B)Iutos mo sa mga anak ni Israel, na kanilang bigyan ang mga Levita sa mana na kanilang pagaari, ng mga bayan na matahanan; at ang mga (C)pastulan sa palibot ng mga bayang yaon ay ibibigay ninyo sa mga Levita,
3 At mapapasa kanila ang mga bayan upang tahanan; at ang kanilang mga pastulan ay sa kanilang mga kawan, at sa kanilang mga pagaari, at sa lahat nilang mga hayop.
4 At ang mga pastulan sa mga bayan, na inyong ibibigay sa mga Levita, ay isang libong siko sa palibot mula sa kuta ng bayan hanggang sa dakong labas.
5 At ang inyong susukatin sa labas ng bayan sa dakong silanganan ay dalawang libong siko, at sa dakong timugan ay dalawang libong siko, at sa dakong kalunuran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilagaan ay dalawang libong siko, na ang bayan ay sa gitna. Ito ang magiging sa kanila'y mga pastulan sa mga bayan.
6 At ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang (D)anim na bayan na ampunan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao: at bukod sa rito ay magbibigay kayo ng apat na pu't dalawang bayan.
7 Lahat ng mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay (E)apat na pu't walong bayan: inyong ibibigay sangpu ng kanilang mga pastulan.
8 At tungkol sa mga bayan na (F)pagaari ng mga anak ni Israel na inyong ibibigay ay kukuha kayo ng (G)marami sa marami; at sa kaunti ay kukuha kayo ng kaunti: bawa't isa ayon sa kaniyang mana na kaniyang minamana ay magbibigay sa kaniyang mga bayan sa mga Levita.
9 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, (H)Pagkaraan ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,
11 (I)Ay pipili nga kayo ng mga bayan na maging mga bayang ampunan sa inyo, upang ang nakamatay ng tao na pumatay ng sinomang tao na hindi (J)sinasadya, ay makatakas doon.
12 At ang mga bayang yaong ay magiging sa inyo'y pinaka ampunan laban sa manghihiganti; upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa maitayo sa kapisanan na hatulan.
13 At ang mga bayan na inyong ibibigay ay (K)anim na bayang ampunan sa inyo.
14 (L)Magbibigay kayo ng tatlong bayan sa dako roon ng Jordan, at tatlong bayan ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan; siyang magiging mga bayang ampunan.
15 Sa mga anak ni Israel, (M)at sa taga ibang lupa, at sa makikipamayan sa kanila ay magiging ampunan ang anim na bayang ito: upang ang bawa't nakamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon.
16 (N)Nguni't kung kaniyang saktan ang kaniyang kapuwa ng isang kasangkapang bakal, na ano pa't namatay, siya nga'y mamamatay tao; ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
17 At kung kaniyang saktan ng isang batong tangan niya sa kamay na ikamamatay ng isang tao, at namatay nga, mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
18 O kung kaniyang saktan ng isang almas na kahoy na tangan niya sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, ay mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
19 Ang manghihiganti sa dugo ay (O)siyang papatay sa pumatay: pagka nasumpungan niya ay kaniyang papatayin.
20 At kung kaniyang itinulak sa kapootan, o kaniyang hinagis na (P)binanta, ano pa't siya'y namatay;
21 O sa pakikipagkaalit ay sinaktan niya ng kaniyang kamay, na ano pa't siya'y namatay: siya na sumakit ay walang pagsalang papatayin; siya'y mamamatay tao: ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay, pagka nasumpungan niya.
Bayang ampunan para sa nakamatay.
22 Nguni't kung sa kabiglaanan ay kaniyang (Q)maitulak na walang pakikipagkaalit, o mahagisan niya ng anomang bagay na hindi binanta,
23 O ng anomang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kaniyang maihagis sa kaniya, na ano pa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinagaakalaan ng masama:
24 Kung gayo'y ang (R)kapisanan ang siyang hahatol sa sumakit at sa manghihiganti sa dugo, ayon sa mga kahatulang ito:
25 At ililigtas ng kapisanan ang nakamatay sa kamay ng manghihiganti sa dugo, at siya'y pababalikin ng kapisanan sa kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan: at siya'y tatahan doon hanggang sa pagkamatay ng (S)pangulong saserdote, (T)na pinahiran ng banal na langis.
26 Nguni't kung ang nakamatay ay lumabas sa anomang dahilan, sa hangganan ng kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan;
27 At masumpungan siya ng manghihiganti sa dugo sa labas ng hangganan ng kaniyang bayang ampunan, at patayin ng manghihiganti sa dugo ang nakamatay, ay hindi siya magiging salarin sa dugo,
28 Sapagka't siya'y nararapat na tumira sa kaniyang bayang ampunan, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote: nguni't pagkamatay ng dakilang saserdote ang nakamatay ay makababalik sa lupain ng kaniyang pagaari.
Batas tungkol sa mamamatay tao.
29 At ang mga bagay na ito ay magiging isang (U)palatuntunan sa kahatulan sa inyo, sa buong panahon ng inyong mga lahi sa lahat ng inyong mga tahanan.
30 Sinomang pumatay sa kaninoman, ay papatayin ang pumatay sa (V)patotoo ng mga saksi: nguni't ang isang saksi ay hindi makapagpapatotoo laban sa kaninomang tao upang patayin.
31 Bukod sa rito, huwag kayong tatanggap ng suhol sa buhay ng pumatay na nagiging salarin sa pagpapatay: kundi siya'y walang pagsalang papatayin.
32 At huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninomang tumakas sa kaniyang bayang ampunan, upang bumalik na manahan sa kaniyang lupain, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote.
33 Kaya't huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong kinaroroonan; (W)sapagka't ang dugo ay nagpaparumi ng lupain: at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na nabubo doon, kundi sa (X)pamamagitan ng dugo niyaong nagbubo.
34 (Y)At huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong tinatahanan, na ako'y tumahan sa gitna niyan: sapagka't (Z)akong Panginoon ay tumatahan sa gitna ng mga anak ni Israel.
Batas tungkol sa pagaasawa ng mga tagapagmanang babae.
36 At ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak (AA)ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay nagsilapit, at nagsalita sa harap ni Moises at sa harap ng mga prinsipe, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel:
2 At sinabi nila, Ang (AB)Panginoon ay nagutos sa aking panginoon na ibigay sa sapalaran ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel: at (AC)inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Salphaad na aming kapatid sa kaniyang mga anak na babae.
3 At kung sila'y magasawa sa kaninoman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin nga ang mana nila na mula sa mana ng aming mga magulang, at sa idaragdag sa mana ng lipi na kinauukulan nila: sa gayo'y aalisin sa manang naukol sa amin.
4 At (AD)pagjujubileo ng mga anak ni Israel, ay idaragdag nga ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinaukulan: sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga magulang.
5 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon na sinasabi, Ang lipi ng mga anak ni Jose ay (AE)nagsasalita ng matuwid.
6 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Salphaad, na sinasabi, Magasawa sila sa kaninomang kanilang magalingin; (AF)nguni't sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama magasawa sila.
7 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang (AG)mana ng mga anak ni Israel sa iba't ibang lipi: sapagka't ang mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa mana ng lipi ng kaniyang mga magulang.
8 At (AH)bawa't anak na babae na nagaari sa anomang lipi ng mga anak ni Israel ay magasawa sa isa ng angkan ng lipi ng kaniyang ama, upang ang mga anak ni Israel ay magmana bawa't isa ng mana ng kaniyang mga magulang.
9 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana sa ibang lipi; sapagka't ang mga lipi ng mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa kaniyang sariling mana.
10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayong ginawa ng mga anak na babae ni Salphaad:
11 Sapagka't si (AI)Maala, si Tirsa, si Holga, at si Milca, at si Noa, na mga anak na babae ni Salphaad ay nagsipagasawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.
12 Sila'y nagasawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.
13 Ito ang mga utos at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel (AJ)sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.
10 At siya'y umalis doon, (A)at pumasok sa mga hangganan ng Judea at sa dako pa roon ng Jordan: at ang mga karamihan ay muling nakipisan sa kaniya; at, ayon sa kaniyang kinaugalian, ay muling tinuruan niya sila.
2 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, at siya'y tinanong, Matuwid baga sa lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa? (B)na siya'y tinutukso.
3 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?
4 At sinabi nila, Ipinahintulot ni Moises na ilagda ang kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay siya.
5 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay inilagda niya ang utos na ito.
6 Nguni't buhat nang pasimula ng paglalang, Lalake at babaing ginawa niya sila.
7 Dahil dito'y (C)iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa;
8 At ang dalawa ay magiging isang laman; kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman.
9 Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.
10 At sa bahay ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.
11 At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa:
12 At (D)kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya.
13 At dinadala nila (E)sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila'y kaniyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad.
14 Datapuwa't nang ito'y makita ni Jesus, ay nagdalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't (F)sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.
15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.
16 At (G)kinalong niya sila, at sila'y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.
17 (H)At nang siya'y umalis na lumalakad sa daan, ay may isang tumakbong lumapit sa kaniya, at lumuhod sa harap niya, at siya'y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walang hanggan?
18 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, ang Dios.
19 Nalalaman mo ang mga utos, Huwag kang pumatay, Huwag kang mangalunya, (I)Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Huwag kang magdaya, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.
20 At sinabi niya sa kaniya, Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking ginanap mula sa aking kabataan.
21 At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, (J)sumunod ka sa akin.
22 Datapuwa't siya'y nahapis sa sabing ito, at siya'y yumaong namamanglaw: sapagka't siya'y isang may maraming mga pagaari.
23 At lumingap si Jesus sa palibotlibot, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!
24 At nangagtaka ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Datapuwa't si Jesus ay muling sumagot at nagsabi sa kanila, Mga anak, kay hirap na (K)magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga magsisiasa sa mga kayamanan!
25 Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.
26 At sila'y (L)nangagtatakang lubha, na sinasabi sa kaniya, Sino nga kaya ang makaliligtas?
27 Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, Hindi maaari ito sa mga tao, datapuwa't hindi gayon sa Dios: sapagka't ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa Dios.
28 Si Pedro ay nagpasimulang magsabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo.
29 Sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio,
30 Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan (M)ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay.
31 Datapuwa't maraming nangauuna ay mangahuhuli; at nangahuhuli na mangauuna.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978