Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Pedro 1-3

Mula kay Simon Pedro, isang lingkod[a] at apostol ni Jesu-Cristo—

Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos

Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang[b] kaluwalhatian at kadakilaan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.

Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. Ngunit kung wala sa inyo ang mga ito, kayo ay parang bulag at hindi nakakakita, at nakalimot na nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan.

10 Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang matiyak ninyo na kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, hindi kayo matitisod. 11 Sa ganitong paraan, kayo'y malugod na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya, kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. 13 Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. 14 Alam kong malapit ko nang iwan ang katawang ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y pumanaw na.

Ang mga Saksi sa Kadakilaan ni Cristo

16 Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi namin ibinatay sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan ng aming mga mata ang kanyang kadakilaan 17 nang(A) tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok.

19 Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuti na ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. 20 Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, 21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Mga Huwad na Guro

Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.

Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno[c] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Dahil(B) sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. Sinumpa(C) [at tinupok][d] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. Ngunit(D) iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.

Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Kaligayahan na nila ang hayagang magbigay kasiyahan sa kanilang pagnanasa. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14 Wala silang hinahanap kundi ang pagkakataong makiapid; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15 Lumihis(E) sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor[e] na nagpahalaga sa salapi kapalit ng paggawa niya ng masama. 16 Dahil sa kanyang kasalanan, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.

17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar. 18 Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya. 20 Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito. 22 Ang(F) nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang:

“Ang aso pagkatapos sumuka
    ay muling kinakain ang nailuwa na,”

at,

“Ang baboy na pinaliguan
    ay bumabalik sa putikan.”

Ang Pangakong Pagdating ng Panginoon

Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una(G) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa sarili nilang pagnanasa. Sasabihin nila, “Nangako siyang darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.” Sinasadya nilang hindi pahalagahan ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. Sa(H) pamamagitan din ng tubig—ng Malaking Baha—ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.

Mga(I) minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.

10 Ngunit(J) ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.[f] 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay(K) tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. 16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. May ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.

17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. 18 Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.