Read the New Testament in 24 Weeks
1 Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—
Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. 2 Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.
Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan.
Isang Buháy na Pag-asa
3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa 4 na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.
6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.
Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat(A) nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon(B) sa kasulatan,
“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Ang Batong Buháy at ang Bayang Pinili
2 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, 3 sapagkat(C) “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”
4 Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, 6 sapagkat(D) sinasabi ng kasulatan,
“Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Kaya(E) nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon.”
8 At(F)
“Ito ang batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9 Ngunit(G) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(H) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.
Maging mga Alipin ng Diyos
11 Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman na nakikidigma sa inyong mga sarili. 12 Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating.
13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, 14 at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, subalit huwag ninyong gawing dahilan sa paggawa ng masama ang inyong kalayaan. Sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos. Igalang ninyo ang Emperador.
Tularan ang Pagtitiis ni Cristo
18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait at mapagbigay kundi pati ang malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan. 22 Hindi(I) siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang(J) siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa(K) kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.
Katuruan para sa mga Mag-asawa
3 Kayo(L) namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. Sa gayon, kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal. Kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila, 2 sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. 3 Ang(M) inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. 4 Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos. 5 Iyan ang pagpapagandang ginawa noong unang panahon ng mga babaing banal na umasa sa Diyos. At sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa. 6 Tulad(N) ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan.
7 Kayo(O) namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina. At sila'y kasama ninyong tatanggap ng buhay na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito upang walang maging sagabal sa inyong mga panalangin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.