Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Filipos 1-2

Mula(A) kina Pablo at Timoteo na mga lingkod[a] ni Cristo Jesus,

Para sa mga taga-Filipos na mga hinirang ng Diyos at sumasampalataya kay Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa[b] at mga tagapaglingkod:[c]

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.

Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.

Si Cristo ang Buhay

12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Nalaman(B) ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos.

15 Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin. 16 Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo. 18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng mga nangangaral.

Ang isa ko pang ikinagagalak 19 ay ang pag-asang ako'y makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. 22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.

27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos. 29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. 30 Ngayon,(C) kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.

Ang Halimbawa ni Cristo

Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
    hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
    at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
    At nang siya'y maging tao,
nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
    maging ito man ay kamatayan sa krus.
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(D) gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[d]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Maging Ulirang Anak ng Diyos

12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(E) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.

17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. 20 Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. 21 Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. 23 Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. 24 Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.

25 Inisip kong kailangan nang papuntahin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong sa akin. 26 Sabik na sabik na siya sa inyong lahat.[e] Nag-aalala siya dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoong siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan.

28 Kaya nga, nais kong makapunta na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. 29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. 30 Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang hindi ninyo kayang gampanan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.