Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Paglilingkod ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus[a] alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. 3 Tulad ng naisulat ko na sa ilang salita, ipinaalam sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. 4 At(A) habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa lihim na panukalang isinakatuparan ni Cristo. 5 Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay mga tagapagmana rin tulad ng mga Judio, kabilang din sa iisang katawan, at may bahagi sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
7 Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 8 Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito, na ipangaral sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, 9 at upang maipaunawa sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. 10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. 11 Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo at sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. 13 Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(B) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.
20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.
Ang Pagkakaisa sa Espiritu
4 Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. 2 Kayo'y(C) maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. 3 Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. 4 May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos. 5 May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, 6 iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.
7 Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. 8 Ganito(D) ang sinasabi ng kasulatan:
“Nang umakyat siya sa kalangitan,
nagdala siya ng maraming bihag,
at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.”
9 Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.[b] 10 Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang buong sangnilikha. 11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, 13 hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.
20 Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at(E) ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
25 Dahil(F) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(G) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(H) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.