Read the New Testament in 24 Weeks
Kautusan o Pananampalataya?
3 Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Sa harap mismo ng inyong mga mata ay ipinakita ang pagkamatay ni Jesu-Cristo sa krus! 2 Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? 3 Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling kapangyarihan! 4 Wala na bang halaga sa inyo ang mga naranasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. 5 Dahil ba sa pagsunod ninyo sa kautusan ay ipinagkakaloob ng Diyos ang Espiritu sa inyo at gumagawa kayo ng mga himala, o dahil sa pananampalataya na inyong narinig tungkol kay Cristo?
6 Tulad(A) ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na matuwid.” 7 Kung(B) gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. 8 Bago(C) pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.” 9 Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya.
10 Ang(D) lahat ng nagtitiwala sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Malinaw(E) na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[a] 12 Ang(F) Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng itinatakda ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.”
13 Tinubos(G) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus at sa pamamagitan ng pananalig ay matanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Ang Kautusan at ang Pangako
15 Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-saysay ni madaragdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. 17 Ito(H) ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang isang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon at ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon. 18 Kung(I) ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako.
19 Kung ganoon, ano ang silbi ng Kautusan? Idinagdag ito upang maipakita kung ano ang paglabag, at may bisa ito hanggang sa dumating ang anak na pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Kapag may tagapamagitan, nangangahulugang higit sa isang panig ang gumagawa ng kasunduan—subalit ang Diyos ay iisa.
Ang mga Anak at ang mga Alipin
21 Ang ibig bang sabihin nito'y salungat ang Kautusan sa mga pangako [ng Diyos]?[b] Hinding-hindi! Kung ang kautusang ibinigay ay nakapagbibigay-buhay, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya sa Kautusan. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibinibigay sa lahat ng sumasampalataya.
23 Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y nakakulong sa Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ang naging taga-disiplina natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-disiplina.
26 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 27 Si Cristo mismo ang inyong isinuot na parang damit nang kayo'y nabautismuhan sa inyong pakikipag-isa sa kanya. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At(J) kung kayo'y kay Cristo, kayo'y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.
4 Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana, hindi siya nakakahigit sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. 2 Sa halip, siya'y nasa ilalim pa ng mga tagapangasiwa at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng kanyang ama. 3 Gayundin naman, tayo noon ay nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito hanggang sa tayo'y dumating sa hustong gulang. 4 Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan 5 upang(K) palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos.
6 At dahil kayo'y[c] mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na tumatawag sa Diyos ng “Ama, Ama ko!” 7 Ginawa na kayo ng Diyos na mga anak at hindi na mga alipin, at kung gayon kayo'y mga tagapagmana niya.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia
8 Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga bagay na hindi totoong mga diyos. 9 Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon? 10 May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon! 11 Nangangamba akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.
12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako, sapagkat ako'y naging katulad na ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong ang pagkakasakit ko noon ang naging dahilan kaya ko ipinangaral sa inyo ang Magandang Balita. 14 Gayunman, hindi ninyo ako itinakwil o hinamak, kahit na naging pagsubok sa inyo ang aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ngayon ang kasiyahang iyon? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon. 16 Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?
17 Pinapahalagahan nga kayo ng mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sila ang inyong pahalagahan. 18 Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako! 19 Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Cristo sa inyo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat gulung-gulo ang isip ko tungkol sa inyo.
Ang Paghahambing kina Hagar at Sara
21 Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sinasabi(L) roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae. 23 Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. 25 Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia,[d] at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Ayon(M) sa nasusulat,
“Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak!
Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila
kaysa babaing may asawa.”
28 Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. 29 Kung(N) noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon. 30 Ngunit(O) ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.