Read the New Testament in 24 Weeks
Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumagana? 2 Huwag nawang mangyari! Paanong mangyayari na tayong namatay na sa kasalanan ay mabubuhay pa sa kasalanan? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? 4 Kung gayon, (A) sa pamamagitan ng bautismo ay namatay na tayo at inilibing na kasama niya upang kung paanong si Cristo ay muling binuhay sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo naman ay lumakad sa panibagong buhay. 5 Sapagkat kung nakiisa tayo kay Cristo sa kamatayan tulad ng sa kanya, tiyak na tayo ay makakasama niya sa muling pagkabuhay na tulad ng sa kanya. 6 Dapat nating malaman ito: na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya sa krus, upang ang makasalanang pagkatao ay mamatay, at nang hindi na tayo pagharian pa ng kasalanan. 7 Sapagkat ang sinumang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan. 8 At kung tayo'y namatay kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. 9 Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na mamamatay; hindi na siya paghaharian pa ng kamatayan. 10 Nang siya'y namatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ito'y para sa lahat ng panahon. Ngunit nabubuhay siya ngayon at ang buhay niya ay para sa Diyos. 11 Gayundin naman kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan, subalit nabubuhay dahil sa inyong kaugnayan kay Cristo Jesus.
12 Kaya't huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang huwag na ninyong sundin ang mga hilig nito. 13 Huwag na rin ninyong ialay sa kasalanan ang anumang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, bilang namatay na at muling binuhay, at ialay sa kanya ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid. 14 Hindi na kayo dapat pang pagharian ng kasalanan, yamang wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ano ngayon? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala dahil hindi na tayo sakop ng Kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na kaninuman ninyo ialay ang inyong sarili bilang alipin, kayo'y alipin ng inyong sinusunod, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o pagsunod na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating alipin ng kasalanan ay buong-pusong sumunod sa aral na doo'y ipinagkatiwala kayo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayon ay mga alipin na kayo sa pagiging matuwid. 19 Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng tao dahil sa kahinaan ng inyong pagkatao. Kung paanong inialay ninyo bilang alipin ang mga bahagi ng inyong pagkatao sa karumihan at sa kasamaang nagdudulot pa ng lalong kasamaan, ngayon naman ay ialay ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng pagiging matuwid na humahantong sa kabanalan. 20 Sapagkat nang alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo sakop ng pagiging matuwid. 21 Ano naman ang naging bunga ng mga bagay na iyon na nasa inyo noon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang kinahinatnan ng mga iyon! 22 Subalit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang bunga nito'y kabanalan, at ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Paglalarawan mula sa Pag-aasawa
7 Hindi ba ninyo alam, mga kapatid—sinasabi ko ito sa inyong nakauunawa ng Kautusan—na ang Kautusan ay may kapangyarihan lamang sa isang tao habang siya ay nabubuhay? 2 Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang asawang babae ay nakatali sa kanyang asawang lalaki habang ito ay nabubuhay. Kung mamatay na ang lalaki, napalaya na ang babae sa Kautusang nagtatali sa kanya sa lalaki. 3 Kaya nga, kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buháy pa ang kanyang asawa, ituturing siyang isang mangangalunya. Ngunit kung mamatay ang kanyang asawa, malaya na siya sa Kautusan, at hindi mangangalunya kahit mag-asawa ng ibang lalaki. 4 Gayundin naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, upang kayo'y maging pag-aari ng iba, sa kanya na muling binuhay, mula sa kamatayan upang tayo'y magbunga para sa Diyos. 5 Noong tayo'y nabubuhay pa sa laman, ang mga makasalanang pagnanasa, sa pamamagitan ng Kautusan, ay nag-uudyok sa ating mga bahagi upang magbunga tungo sa kamatayan. 6 Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa Kautusan, matapos tayong mamatay sa dating umaalipin sa atin, upang maging alipin tayo sa bagong buhay sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi sa pamamagitan ng lumang nakasulat na tuntunin.
Ang Pagkaalipin sa Kasalanan
7 Ano ngayon ang (B) ibig nating sabihin? Kasalanan ba ang Kautusan? Huwag nawang mangyari! Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan. Hindi ko sana nakilala ang kasakiman kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag kang maging sakim.” 8 Sinamantala ng kasalanan ang pagkakataon upang sa pamamagitan ng Kautusan ay gumawa sa aking kalooban ng lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, patay ang kasalanan. 9 Noong una, nabubuhay akong hiwalay sa Kautusan. Ngunit nang dumating ang utos, muling nabuhay ang kasalanan, 10 at ako'y namatay. Ang Kautusan na dapat sanang magbigay sa akin ng buhay ang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat (C) sinamantala ng kasalanan ang pagkakataong nakita nito sa Kautusan upang ako ay dayain, at sa pamamagitan ng Kautusan ay pinatay ako. 12 Kaya ang Kautusan ay banal at ang tuntunin ay banal, matuwid, at mabuti.
13 Nangangahulugan bang ang mabuting bagay ang nagdulot sa akin ng kamatayan? Huwag nawang mangyari! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting Kautusan. Nangyari ito upang ipakita ang kasalanan bilang kasalanan, at upang sa pamamagitan ng Kautusan ay mapatunayan na ang kasalanan ay napakasama.
14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, at aliping ipinagbili sa kasalanan. 15 Hindi (D) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat kung ano ang nais kong gawin ay hindi ko ginagawa, at kung ano ang kinamumuhian kong gawin ay siya namang aking ginagawa. 16 At kung ginagawa ko ang hindi ko nais, sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang anumang mabuting naninirahan sa aking likas na pagkatao. Sapagkat ang pagnanais na gumawa ng mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito maisagawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuti na nais kong gawin, kundi ang masama na ayaw kong gawin ang aking ginagawa. 20 At kung ang ayaw kong gawin ang aking ginagawa, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 21 Kaya nga natuklasan ko ang isang tuntunin: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit sa akin. 22 Sa kaloob-looban ng aking pagkatao ay nasisiyahan ako sa Kautusan ng Diyos. 23 Subalit may nakikita akong ibang kautusan sa mga bahagi ng aking pagkatao na nakikipaglaban sa kautusan ng aking pag-iisip, at binibihag ako sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking pagkatao. 24 Napakalungkot kong tao! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa aking isip ako ay alipin sa Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ako'y alipin sa kautusan ng kasalanan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.