Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Nang mga araw na iyon ay dumating sa ilang ng Judea si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral. 2 “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang paghahari ng langit.”
3 Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito,
“Isang tinig ang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”
4 Nakasuot si Juan ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at may sinturong balat sa kanyang baywang. Ang kinakain niya ay mga balang at pulot-pukyutan. 5 Pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, ang mga mamamayan sa buong Judea, at ang mga nasa buong paligid ng Jordan. 6 Sila'y kanyang binabautismuhan sa Ilog Jordan, matapos silang magpahayag ng kanilang mga kasalanan. 7 Subalit nang makita niyang marami sa mga Fariseo at mga Saduceo ang dumarating sa kanya upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino'ng nagbabala sa inyo upang takasan ang darating na poot? 8 Mamunga kayo ng patunay ng pagsisisi. 9 At huwag na kayong mag-akala at sabihin sa inyong mga sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sinasabi ko sa inyo, May kakayahan ang Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito. 10 Kahit ngayo'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga puno. Kaya't ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 11 Kayo'y binabautismuhan ko sa tubig tungo sa pagsisisi, ngunit ang dumarating sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa akin, ni hindi nga ako karapat-dapat magdala ng kanyang mga sandalyas. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Hawak-hawak niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang giikan at tipunin ang kanyang mga trigo sa kamalig, ngunit ang ipa ay kanyang susunugin sa di-maaápulang apoy.”
Binautismuhan si Jesus(B)
13 Pagkatapos nito, mula sa Galilea ay pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya. 14 Pinigilan siya ni Juan. “Ako nga itong dapat magpabautismo sa iyo,” sabi niya, “ngunit ikaw pa ang lumalapit sa akin?” 15 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus, “Pumayag ka nang mangyari ito ngayon, sapagkat dapat nating gampanan ang buong katuwiran.” Sumang-ayon si Juan. 16 At nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Noon din ay nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng kalapati, at dumadapo sa kanya. 17 At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
Tinukso ng Diyablo si Jesus(C)
4 Pagkatapos, dinala ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Pagkatapos mag-ayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya ay nagutom. 3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, ipag-utos mong maging tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit sumagot si Jesus,
“Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’ ”
5 Kasunod nito'y dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod at inilagay siya sa tuktok ng templo. 6 Sinabi nito sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, tumalon ka mula riyan, sapagkat nasusulat,
‘Uutusan niya ang kanyang mga anghel na ingatan ka,’
at ‘Mga kamay nila sa iyo ay sasalo,
upang ang paa mo'y hindi masaktan sa bato.’ ”
7 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’ ” 8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan at ang dangal ng mga ito. 9 Sinabi nito sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga ito, kung yuyukod ka at sasamba sa akin.” 10 Sumagot sa kanya si Jesus, “Layas, Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoong Diyos ang iyong sasambahin
at siya lamang ang iyong paglilingkuran.’ ”
11 At iniwan siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain sa Galilea(D)
12 Nabalitaan ni Jesus na si Juan ay dinakip kaya't pumunta siya sa Galilea. 13 Nilisan niya ang Nazareth at siya'y nanirahan sa Capernaum na nasa tabing-dagat, sa nasasakupan ng Zebulun at Neftali, 14 upang matupad ang salita ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias:
15 “Ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali—
daang patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil—
16 Ang bayang itong nasasadlak sa kadiliman
ay nakakita ng malaking tanglaw,
Sa kanilang nakaupo sa lilim ng kamatayan
ay may liwanag na sumilang.”
17 Mula noon ay nagsimulang mangaral ng ganito si Jesus, “Magsisi kayo, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(E)
18 Habang naglalakad sa baybayin ng lawa ng Galilea, nakita ni Jesus ang magkapatid na si Simon (na binansagang Pedro) at si Andres, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda. 19 At sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. 21 Sa paglalakad pa niya ay nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka silang kasama ang kanilang ama at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag niya ang magkapatid. 22 Agad nilang iniwan ang bangka pati ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(F)
23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea sa pagtuturo sa mga sinagoga ng mga Judio at pagpapahayag ng Magandang Balita ng kaharian. Pinagagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Kaya't kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong Syria. Dinala sa kanya ang lahat ng maysakit, ang mga pinahihirapan ng iba't ibang uri ng sakit at kirot, ang mga sinasaniban ng mga demonyo, ang mga may epilepsiya, at ang mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 At sumunod sa kanya ang napakaraming tao mula sa Galilea at sa Decapolis, mula sa Jerusalem at Judea, at mula sa ibayo ng Jordan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.