Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Hebreo 12-13

Ang Pagdisiplina ng Panginoon

12 Kaya nga, dahil napapalibutan tayo ng ganoon karaming mga saksi, iwaksi natin ang bawat bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanang mahigpit na pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiyaga ang takbuhing inilagay sa ating harapan. Ituon natin kay Jesus ang ating paningin, sa kanya na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, ipinagwalang-bahala niya ang kahihiyan nito, at ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. Pag-ukulan ninyo ng pansin si Jesus na nagtiis ng ganoong matinding poot mula sa mga makasalanan, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.

Hindi pa umaabot sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nakalimutan (A) na ninyo ang salitang nagpapalakas ng loob sa inyo bilang mga anak,

“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang pagtutuwid ng Panginoon;
    huwag manghina ang iyong loob kung ikaw ay kanyang sinasaway;
sapagkat ang minamahal ng Panginoon ay kanyang itinutuwid,
    at ang bawat itinuturing na anak ay hinahagupit.”

Magtiis kayo alang-alang sa pagtutuwid. Mga anak ang turing sa inyo ng Diyos; mayroon bang anak na hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung hindi kayo dinidisiplina, at lahat naman ay dinidisiplina, kayo'y mga anak sa labas, at hindi tunay na mga anak. Bukod dito, tayo bilang tao ay mayroong mga magulang na dumidisiplina sa atin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay? 10 Dinidisiplina tayo ng ating mga magulang sa maikling panahon ayon sa kung ano ang sa tingin nila ay mabuti sa atin. Gayundin naman, dinidisiplina tayo ng Diyos para sa ikabubuti natin, upang tayo'y maging banal ding katulad niya. 11 Lahat ng disiplina habang dinaranas ay tila hindi kanais-nais kundi masakit; subalit pagkatapos, ito ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga sinanay dito.

12 Kaya't (B) itaas ninyo ang mga kamay ninyong nanghihina at patataging muli ang mga tuhod ninyong nanlulupaypay. 13 Tuwirin (C) ninyo ang landas na inyong lalakaran, upang huwag malinsad ang pilay, sa halip ay gumaling.

Babala laban sa Pagtanggi sa Biyaya ng Diyos

14 Pagsikapan ninyong mamuhay na may kapayapaan sa lahat ng tao; sikapin din ninyong mamuhay na may kabanalan, sapagkat kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon. 15 Tiyakin (D) ninyo na walang sinuman ang mahulog mula sa biyaya ng Diyos; pagsikapan ninyong walang sumibol na ugat ng kapaitan at baka mahawa rito ang marami. 16 Tiyakin (E) ninyong walang sinuman sa inyo ang maging mapakiapid at walang galang sa Diyos katulad ni Esau. Sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili niya ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam (F) ninyo na pagkatapos ng mga ito, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakwil sapagkat wala na siyang pagkakataon upang magsisi, bagama't lumuluha pa niyang pinagsikapang makakuha ng pagpapala.

18 Sapagkat (G) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahahawakan, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos, 19 sa tunog ng trumpeta, at sa tinig na ang mga nakarinig ay nakiusap na huwag na itong magsalita pa ng anuman sa kanila. 20 Sapagkat (H) hindi nila makayanan ang ipinag-utos: “Kahit na hayop na tumuntong sa bundok ay babatuhin hanggang mamatay.” 21 Nakasisindak (I) ang tanawin kaya’t sinabi ni Moises, “Nanginginig ako sa takot!” 22 Sa halip, ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng buháy na Diyos, ang makalangit na Jerusalem, ang masayang pagtitipon ng di-mabilang na mga anghel, 23 ang kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at ang Diyos na Hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga matuwid na ginawang sakdal. 24 Lumapit (J) na rin kayo kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng mas mabuting bagay kaysa sinasabi ng dugo ni Abel.

25 Pag-ingatan (K) ninyong huwag itakwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakwil sa nagbabala sa kanila dito sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit! 26 Sa (L) panahong iyon ay niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y ganito ang pangako niya, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.” 27 Ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, samakatuwid ay ang mga bagay na nilikha, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya't yamang isang kahariang hindi mayayanig ang tinatanggap natin, magpasalamat tayo sa Diyos at mag-alay sa kanya ng kalugud-lugod na pagsamba, kalakip ang paggalang at pagkamangha, 29 sapagkat (M) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.

Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos

13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid. Buksan (N) ninyong lagi ang inyong tahanan para sa mga dayuhan. Ang ilang gumawa nito ay nagpapatuloy ng mga anghel nang hindi namamalayan. Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Ganoon din ang gawin ninyo sa mga inaapi, na parang kayo ay inaapi ding kasama nila. Kilalanin ang dangal ng pag-aasawa, at huwag dungisan ang pagsasama, sapagkat parurusahan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. Iwasan (O) ninyo ang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo kung ano'ng mayroon kayo, sapagkat sinabi ng Diyos, “Hinding-hindi kita iiwan, ni pababayaan man.” Kaya't (P) panatag nating masasabi,

“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.
Ano'ng magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nangaral sa inyo ng salita ng Diyos. Tandaan ninyo ang bunga ng kanilang pamumuhay at sundan ninyo ang halimbawa ng kanilang pananampalataya. Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman. Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo. Mabuti na ang ating mga kalooban ay patatagin ng kagandahang-loob ng Diyos, at hindi ng mga tuntunin tungkol sa mga pagkain. Wala namang pakinabang dito ang mga sumusunod sa mga tuntuning ito. 10 Tayo ay may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain doon. 11 Sapagkat (Q) dinadala ng Kataas-taasang Pari sa Dakong Kabanal-banalan ang dugo ng mga hayop bilang alay dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Ganoon din ang nangyari kay Jesus. Nagdusa siya sa labas ng lungsod upang sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo ay gawin niyang banal ang mga taong-bayan. 13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo upang danasin din natin ang pag-alipusta sa kanya. 14 Sapagkat sa lupang ito'y wala tayong lungsod na magtatagal, ngunit ang hinahangad natin ay ang lungsod na darating. 15 Kaya't sa pamamagitan ni Jesus ay patuloy tayong maghandog ng pagpupuri sa Diyos—ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan. 16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi sa iba, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa ganoong mga alay.

17 Sumunod kayo sa inyong mga pinuno at magpasakop sa kanila. Sila ang nagbabantay ng inyong mga kaluluwa, at mananagot sa Diyos tungkol sa tungkuling ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi mabigat sa loob ang pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Kung hindi, ito ay hindi makabubuti sa inyo.

18 Idalangin ninyo kami. Natitiyak naming kami ay may malinis na budhi at nagsisikap na mabuhay nang marangal sa lahat ng mga bagay. 19 Nakikiusap ako sa inyo na lalo ninyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.

Basbas at Pagbati

20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan, na sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan ay bumuhay mula sa kamatayan sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, 21 siya nawa ang magkaloob sa inyo ng lahat ng mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin sa atin ang nakalulugod sa kanyang paningin, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

22 Mga kapatid, nakikiusap ako na pagtiisan ninyo ang aking pagpapayo, sapagkat maikli naman ang sulat ko sa inyo. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung siya'y dumating agad, isasama ko siya pagpunta ko sa inyo.

24 Ipaabot ninyo ang aming pagbati sa lahat ng mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia. 25 Nawa'y sumainyong lahat ang biyaya ng Diyos. Amen.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.