Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Kasiyahan sa Langit
19 Pagkatapos ng mga ito, narinig ko ang tila malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit na nagsasabi,
“Aleluia!
Ang pagliligtas, kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa ating Diyos,
2 sapagkat (A) ang hatol niya ay tunay at makatarungan;
hinatulan niya ang tanyag na babaing mahalay
na sumira ng daigdig sa pamamagitan ng kanyang imoralidad
at ipinagbayad siya ng Diyos sa dugo ng kanyang mga lingkod.”
3 At (B) nagsalita silang muli,
“Aleluia!
Ang usok mula sa tanyag na lungsod ay pumapailanlang magpakailanpaman.”
4 At ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na buháy na nilalang ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. At sila'y nagsabi,
“Amen. Aleluia!”
5 Mula (C) sa trono ay lumabas ang isang tinig,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga lingkod niya,
kayong mga natatakot sa kanya,
mga hamak man o dakila.”
6 At (D) narinig ko ang parang tinig ng napakaraming tao, tulad ng lagaslas ng maraming tubig at tulad ng malalakas na dagundong ng kulog, na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat ang Panginoon nating Diyos
na Makapangyarihan sa lahat ay naghahari.
7 Magalak tayo at magdiwang,
luwalhatiin natin siya,
sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero,
at inihanda ng kanyang kasintahan ang kanyang sarili.
8 Binigyan siya ng pinong lino
makintab at malinis upang isuot niya”—
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At (E) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa handaan ng kasal ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” 10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sumamba sa kanya, subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapwa mo lingkod na kasama mo at ng iyong mga kapatid na naninindigan sa patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba! Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 Pagkatapos, (F) nakita kong bumukas ang langit, at doon ay lumitaw ang isang puting kabayo. Tapat at Totoo ang tawag sa nakasakay dito, at makatarungan siyang humahatol at nakikipagdigma. 12 Ang (G) mga mata niya ay parang ningas ng apoy, at sa ulo niya ay maraming korona. Mayroon sa kanyang nakasulat na pangalan na siya lamang ang nakakaalam. 13 Ang (H) suot niyang damit ay itinubog sa dugo, at siya'y tinatawag sa pangalang Ang Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo ng langit na nakasuot ng pinong lino, puti at dalisay ay sumusunod sa kanya; sila'y nakasakay sa mga puting kabayo. 15 Mula (I) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang matalas na tabak na pantaga sa mga bansa, at siya ay maghahari sa kanila gamit ang tungkod na bakal. Tatapak-tapakan niya ang mga ubas sa pisaan upang lumabas ang katas ng bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Sa kanyang damit at hita ay may nakasulat na pangalan, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Pagkatapos, nakita (J) ko ang isang anghel na nakatayo sa araw, at siya'y sumigaw ng malakas na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo, magsama-sama kayo upang dumalo sa malaking piging na inihanda ng Diyos. 18 Halikayo at kainin ninyo ang karne ng mga hari, ang karne ng mga kapitan, ang karne ng mga taong makapangyarihan, ang karne ng mga kabayo at ng mga nakasakay sa kanila—ang karne ng lahat ng tao, malaya man o alipin, hamak man o dakila.” 19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa daigdig kasama ang kanilang mga hukbo na nagsama-sama upang makidigma sa nakasakay sa kabayo at sa kanyang hukbo. 20 Hinuli (K) ang halimaw, kasama ang kanyang huwad na propeta na sa kanyang harapan ay gumawa ng tanda na ginamit niya upang linlangin ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan niya. Ang dalawang ito ay itinapon nang buháy sa lawa ng nagliliyab na asupre. 21 At ang mga iba naman ay pinatay sa pamamagitan ng tabak ng nakasakay sa kabayo, ang tabak na lumabas mula sa kanyang bibig; at lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.
Ang Sanlibong Taon
20 Pagkatapos ay nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, dala ang susi ng walang hanggang kalaliman at ang isang malaking tanikala. 2 Sinunggaban (L) niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos niya ito ng sanlibong taon. 3 Itinapon niya ito sa walang hanggang kalaliman, isinara niya ito at tinatakan sa ibabaw, upang hindi na ito makapanlinlang ng mga bansa, hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Pagkalipas nito ay pakakawalan siya sa maikling panahon.
4 Pagkatapos, (M) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa kanilang patotoo para kay Jesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o kaya'y sa larawan nito at hindi sila tumanggap ng tatak nito sa kanilang mga noo o mga kamay. Nabuhay sila at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. 5 Ang ibang mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Ito ang unang muling pagkabuhay. 6 Pinagpala at banal ang mga nakasama sa unang muling pagkabuhay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.
Ang Pagkagapi ni Satanas
7 Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, 8 at lalabas (N) siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila'y kasindami ng mga buhangin sa dagat. 9 Sila'y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.
Ang Paghuhukom sa Harap ng Puting Trono
11 At (O) nakita ko ang isang malaking puting trono at ang nakaupo roon; mula sa kanyang harapan ay tumakas ang lupa at ang langit, at wala nang matagpuang lugar para sa kanila. 12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Isa pang aklat ang binuksan, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang mga gawa, batay sa nakasulat sa mga balumbon. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kanya, ibinigay rin ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at silang lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. 14 At ang Kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinuman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.