Read the New Testament in 24 Weeks
Pagbati
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kay Timoteo na ating kapatid, 2 Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.
Pasasalamat para sa mga Taga-Colosas
3 Nagpapasalamat kami sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa tuwing kami ay nananalangin para sa inyo, 4 sapagkat nabalitaan namin ang tungkol sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang inyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal, 5 dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit. Nang nakaraang panahon ay narinig ninyo ang tungkol dito sa pamamagitan ng mensahe ng katotohanan, ang ebanghelyo, 6 na dumating sa inyo. Kung paanong sa buong daigdig ay namumunga at lumalaganap ang ebanghelyong ito, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong narinig at naunawaan ang tunay na kahulugan ng biyaya ng Diyos. 7 Natutuhan (A) ninyo ito kay Epafras, ang minamahal naming kapwa lingkod. Siya ay tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo,[a] 8 at siya ang nagpahayag sa amin tungkol sa inyong pag-ibig sa pamamagitan ng Espiritu.
9 Dahil dito, mula nang araw na mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, ay walang tigil kaming nananalangin para sa inyo. Hinihiling namin sa Diyos na kayo'y mapuspos ng kaalaman tungkol sa kanyang kalooban sa lahat ng espirituwal na karunungan at pang-unawa. 10 Ang kayo'y magpatuloy sa pamumuhay nang karapat-dapat sa Panginoon, nagbibigay-kasiyahan sa kanya sa lahat ng bagay, namumunga sa lahat ng uri ng mabuting gawa, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. 11 Palakasin nawa kayo na taglay ang buong kapangyarihan, ayon sa kanyang maluwalhating kalakasan—upang kayo'y maging matatag at makaya ninyong tiisin ang lahat ng bagay, habang may galak 12 na nagpapasalamat sa Ama, na siyang nagbigay sa atin ng karapatang makibahagi sa pamana para sa mga banal na nasa liwanag. 13 Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kadiliman at naglipat sa atin tungo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 (B) Sa kanya ay mayroon tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.[b]
Si Cristo, Ang Pangunahin sa Lahat
15 Siya ang larawan ng Diyos na di-nakikita, ang pangunahin sa lahat ng mga nilikha; 16 sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga hindi nakikita, maging ang mga trono o mga pamamahala, o mga pamunuan o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya mismo ay una sa lahat, at ang lahat ng mga bagay ay nananatiling sama-sama sa pamamagitan niya. 18 Siya (C) ang ulo ng katawan, ang iglesya. Siya ang pasimula, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, upang sa lahat ng bagay ay siya ang maging kataas-taasan. 19 Sapagkat ikinalugod ng Diyos na ang kanyang buong kalikasan ay manirahan kay Cristo, 20 at (D) sa pamamagitan niya ay ipagkasundo sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, nasa lupa man o sa langit, na sa pamamagitan ng kanyang dugo na dumanak sa krus ay nakamtan ang kapayapaan.
21 At kayo, dati'y napakalayo, mga sumasalungat sa kanya sa inyong pag-iisip at namumuhay sa masasamang gawa. 22 Ngayon ay ipinakipagkasundo niya kayo sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang katawang laman na namatay, upang sa paningin ng Diyos kayo'y maiharap na mga banal, hindi mapaparatangan ng anuman at walang dungis, 23 kung kayo nga'y nananatili sa pananampalataya, naninindigang mabuti, matatag at hindi natitinag sa pag-asang mula sa ebanghelyo. Ito'y inyong narinig at naipangaral na sa lahat ng tao sa silong ng langit; para sa ebanghelyong ito, akong si Pablo ay naging lingkod.
Paglilingkod ni Pablo sa Iglesya
24 Ikinagagalak ko ngayon ang aking mga pagdurusa para sa inyo, at sa pamamagitan ng aking katawan ay nadaragdagan ko ang anumang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, ang iglesya. 25 Ako'y naging lingkod nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin, upang maipahayag sa inyo nang lubusan ang salita ng Diyos. 26 Ito ang hiwaga na iningatang lihim sa napakahabang panahon at sa mga salinlahi, ngunit ngayo'y malinaw na inihayag sa kanyang mga banal. 27 Ninais ng Diyos na ipaunawa sa kanila ang napakaluwalhating kayamanan ng hiwagang ito sa gitna ng mga bansa, na ito'y si Cristo na nasa inyo, ang pag-asa tungo sa kaluwalhatian. 28 Siya ang aming ipinangangaral. Binabalaan namin at tinuturuan ang bawat isa nang buong karunungan, upang ang bawat tao ay maiharap naming nasa ganap na kalagayan kay Cristo. 29 Dahil dito'y nagpapakahirap ako, nagsisikap sa pamamagitan ng kanyang lakas na makapangyarihang kumikilos sa akin.
2 Nais ko ngang malaman ninyo kung gaano katinding laban ang pinagdaraanan ko para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang mukhaan. 2 Ito'y upang lumakas ang kanilang loob, at mabuklod sila sa pag-ibig, nang sa gayon ay makamtan nila ang lahat ng mga kayamanan na nagmumula sa buong katiyakan ng pagkaunawa, upang kanilang makilala ang hiwaga ng Diyos, samakatuwid ay si Cristo. 3 Sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman. 4 Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ng sinuman sa pamamagitan ng mga nakabibighaning pangangatuwiran. 5 Bagama't sa katawan ay wala ako riyan, sa espiritu naman ay kasama ninyo ako, at nagagalak na pagmasdang kayo'y namumuhay nang maayos, at matatag sa inyong pananampalataya kay Cristo.
Mamuhay ayon kay Cristo
6 Kaya't yamang tinanggap ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, patuloy kayong mamuhay ayon sa kanya, 7 na nakaugat at nakatayo dahil sa kanya, matatag sa pananampalataya, kung paanong kayo'y tinuruan, at nag-uumapaw sa pasasalamat. 8 Mag-ingat kayo upang huwag kayong maging bihag ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, batay sa tradisyon ng mga tao, batay sa mga mapamahiing aral ng sanlibutan, at hindi batay kay Cristo. 9 Sapagkat sa kanya ay naninirahan ang kabuuan ng kalikasan ng pagka-Diyos sa anyong katawan. 10 At kayo'y ginawang buung-buo dahil sa pakikipag-isa ninyo na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at pamamahala. 11 Sa kanya ay nakaranas kayo ng pagtutuling hindi ginamitan ng mga kamay, sa pamamagitan ng pagwawaksi sa makasalanang hilig ng laman, sa pagtutuling ayon kay Cristo. 12 Yamang (E) inilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo'y muling binuhay na kasama niya sa bisa ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan. 13 At noong (F) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at kayo'y nasa di-pagtutuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya. Pinatawad niya tayo sa lahat ng ating mga pagsuway, 14 matapos pawiin ang nakasulat na katibayan laban sa atin na naglalaman ng ating pagkakautang. Pinawalang-bisa niya ito, matapos niyang ipako sa krus. 15 At matapos niyang tanggalan ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga pamamahala, sila'y inilantad niya sa madla upang ipakita ang kanyang pagwawagi laban sa kanila sa pamamagitan ng krus.
16 Kaya't (G) huwag ninyong hayaan ang sinuman na kayo'y hatulan sa mga bagay na may kinalaman sa pagkain at inumin, o sa kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabbath. 17 Ang mga ito ay anino lamang ng mga bagay na darating, ngunit ang totoong bagay ay kay Cristo. 18 Huwag ninyong hayaang mawalan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Pinanghahawakan ng gayong tao ang mga bagay na diumano'y kanyang nakita at nagmamalaki nang walang kadahilanan bunga ng kanyang makamundong pag-iisip. 19 Ang taong iyon ay hindi (H) nakaugnay kay Cristo, na siyang Ulo, na mula sa kanya ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasama-sama sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalaking paglagong naaayon sa Diyos.
Babala Laban sa Maling Turo
20 Kung kayo'y namatay kasama ni Cristo mula sa mga pamahiing aral ng sanlibutan, bakit nabubuhay pa kayo na parang saklaw pa rin ng sanlibutan? Bakit nagpapasakop kayo sa mga tuntuning, 21 “Bawal humipo, bawal tumikim, bawal humawak”? 22 Ang mga ito'y may kinalaman sa lahat ng mga bagay na nasisira pagkatapos gamitin. Ang mga ito'y mga utos ayon sa aral na nagmula sa mga tao. 23 Ang mga ito'y mayroong anyo ng karunungan na nakaugnay sa pagsambang itinakda ng sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala namang halaga sa pagsupil sa hilig ng laman.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.