Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Tunay na Katuwiran
3 Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kalabisan para sa akin ang muli kong isulat sa inyo ang dati ko nang naisulat, sa halip, ito'y upang kayo'y ingatan.
2 Mag-ingat kayo sa mga aso, sa mga gumagawa ng masasama, at sa mga sumusugat sa kanilang katawan. 3 Sapagkat tayo ang mga tunay na tuli, na naglilingkod sa tulong ng Espiritu ng Diyos at ang ating pagmamalaki ay nakay Cristo Jesus, at hindi sa anumang ginagawa sa ating katawan. 4 Bagaman maaari kong gawin iyon. Kung sa palagay ng iba may dahilan silang magmalaki, lalo na ako: 5 tinuli ako (A) nang ikawalong araw, akong mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang tunay na Hebreo, at tungkol sa kautusan, ako'y isang Fariseo. 6 Kung ang pag-uusapan (B) ay sigasig, ako ay naging tagausig ng iglesya; at tungkol naman sa katuwirang ayon sa kautusan, ako ay walang kapintasan. 7 Subalit ang mga bagay na maaari ko sanang pakinabangan ay itinuring kong kalugihan dahil kay Cristo. 8 Sa katunayan, ang lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa hindi matatawarang halaga ng pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kanya'y pinawalang-halaga ko ang lahat ng bagay, at itinuring kong basura, upang makamtan ko si Cristo, 9 at ako'y matagpuan na nasa kanya. Wala akong sariling katuwiran batay sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na nakabatay sa pananampalataya. 10 Ang naisin ko'y makilala siya at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at makibahagi sa kanyang mga pagdurusa, at matulad ako sa kanya maging sa kanyang kamatayan, 11 upang hangga't maaari ay makamtan ko ang muling pagkabuhay mula sa kamatayan.
Pagpapatuloy sa Mithiin
12 Hindi sa ito'y nakamit ko na, o ako'y nakarating na sa hangganan; sa halip ay nagpapatuloy ako upang makamit ko ang bagay na ito, yamang ako ay nakamit na ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko itinuturing na iyon ay nakamit ko na; ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang mga bagay na nakaraan, at sinisikap kong abutin ang mga bagay na hinaharap. 14 Patuloy akong tumatakbo patungo sa hangganan para sa gantimpala ng makalangit[a] na pagtawag ng Diyos bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Kaya't tayong mga nasa hustong gulang ay dapat magkaroon ng gayunding pananaw. At kung hindi ganito ang inyong pananaw, ito man ay ipahahayag sa inyo ng Diyos. 16 Gayunman, magpatuloy tayong mamuhay ayon sa pamantayang naabot na natin.
17 Mga (C) kapatid, sama-sama ninyong tularan ang aking halimbawa, at bigyan ninyo ng pansin ang mga lumalakad nang ayon sa huwarang ibinigay namin sa inyo. 18 Sapagkat maraming namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo gaya ng madalas kong sabihin sa inyo noon, at ngayo'y muli kong sinasabi na may kasama pang luha. 19 Ang wakas nila ay kapahamakan; ang diyos nila ay ang sarili nilang tiyan; ang ipinagmamalaki nila ay mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at ang tanging iniisip nila ay ang mga bagay na makalupa. 20 Ngunit tayo'y mamamayan ng langit at naghihintay tayo ng Tagapagligtas mula roon, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang kalagayan ng ating mga hamak na katawan upang maging katulad ng kanyang maluwalhating katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang kumikilos sa kanya upang maipailalim niya sa kanyang sarili ang lahat ng bagay.
4 Kaya nga, mga minamahal at pinananabikan kong kapatid, kayo ang aking tuwa at karangalan. Magpakatatag kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Mga Pangaral
2 Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip bilang bunga ng kanilang pagiging isa sa Panginoon. 3 Hinihiling ko rin sa iyo, tapat kong kasama, na alalayan mo ang mga babaing ito. Kasama ko silang nakipaglaban para sa ebanghelyo, kasama rin si Clemente, at iba ko pang mga kamanggagawa. Ang mga pangalan nila ay nasa aklat ng buhay. 4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin: Magalak kayo. 5 Makilala sana ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit nang dumating. 6 Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, sa halip ay idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan tungkol sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamong may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos, na higit pa sa kaya nating maunawaan, ang magbabantay sa inyong mga puso at mga pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
8 Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kanais-nais, anumang bagay na kahanga-hanga, kung may anumang kahusayan, at kung may karapat-dapat parangalan, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. 9 Ang mga bagay na inyong natutuhan o tinanggap at narinig o nakita sa akin ay patuloy ninyong isagawa; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos
10 Ako'y galak na galak sa Panginoon, na ngayon, pagkalipas ng mahabang panahon, ay muli ninyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin. Sa katunayan, lagi kayong may pagmamalasakit sa akin. Wala nga lamang kayong pagkakataon. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil may pangangailangan ako, sapagkat natutuhan ko na ang masiyahan kahit anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos, alam ko rin kung paano managana. Sa lahat ng bagay at anumang kalagayan ay natutuhan ko ang lihim sa pagkabusog, at sa pagkagutom, at maging sa kasaganaan at sa kasalatan. 13 Ang lahat ay magagawa ko sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay-lakas sa akin. 14 Gayunma'y napakabuti ng ginawa ninyong pagdamay sa aking paghihirap.
15 Alam ninyong mga taga-Filipos na noong mga unang araw ng pangangaral ko ng ebanghelyo, pag-alis ko sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakibahagi sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang. 16 Sapagkat (D) (E) kahit noong ako'y nasa Tesalonica ay makailang ulit na nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan. 17 Hindi dahil nais kong makatanggap ng kaloob, kundi nais kong makakita ng bunga na sumasagana para sa inyong pakinabang. 18 Ngunit (F) sulit na sulit ang natanggap ko ngayon at labis pa. Lubos akong nasisiyahan, ngayong natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga ipinadala ninyo. Ang mga ito'y masarap na samyo at kaaya-ayang alay na nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. 19 At pupunuan ng aking Diyos ang lahat ng inyong mga pangangailangan ayon sa kanyang maluwalhating kayamanan na matatagpuan kay Cristo Jesus. 20 Luwalhati sa ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.
Huling Pagbati
21 Batiin ninyo ang lahat ng banal na nakay Cristo Jesus. Bumabati sa inyo ang mga kapatid na kasama ko. 22 Bumabati sa inyo ang lahat ng mga banal, lalung-lalo na ang mga nasa sambahayan ni Emperador Cesar. 23 Nawa'y sumainyong espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.[b]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.