Read the New Testament in 24 Weeks
Ginawang Halimbawa si Abraham
4 Bilang halimbawa kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao, isipin ninyo si Abraham na Ama ng mga Judio sa laman. 2 Kung itinuring siya ng Dios na matuwid dahil sa mga nagawa niya, sanaʼy may maipagmamalaki siya. Pero wala siyang maipagmamalaki sa Dios, 3 dahil sinasabi sa Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil ditoʼy itinuring siyang matuwid ng Dios.”[a] 4 Ang ibinibigay sa isang taong nagtatrabaho ay hindi kaloob kundi bayad. 5 Pero itinuring tayong matuwid ng Dios sa kabila ng ating mga kasalanan hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa pananampalataya natin sa kanya. 6 Ito ang ibig sabihin ni Haring David nang banggitin niya ang pagiging mapalad ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios hindi dahil sa kanilang mabubuting gawa. 7 Ang sinabi niya,
“Mapalad ang taong pinatawad at kinalimutan na ng Dios ang kanyang kasalanan.
8 Mapalad ang tao kapag hindi na ibibilang ng Panginoon laban sa kanya ang kanyang mga kasalanan.”[b]
9 Ang mga sinabing ito ni Haring David ay hindi lang para sa mga Judio, kundi pati na rin sa mga hindi Judio. Alam natin ito dahil binanggit na namin na, “itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya.” 10 Kailan ba siya itinuring na matuwid? Hindi baʼt noong hindi pa siya tuli? 11 Tinuli siya bilang tanda na itinuring na siyang matuwid dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya si Abraham ay naging ama[c] ng lahat ng mga mananampalatayang hindi tuli. At dahil nga sa kanilang pananampalataya, itinuring silang matuwid ng Dios. 12 Siya rin ang ama ng mga Judiong tuli, hindi lang dahil silaʼy tuli sa laman, kundi dahil sumasampalataya rin sila tulad ng ating ninunong si Abraham noong hindi pa siya tuli.
Natatanggap ang Pangako ng Dios sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Ipinangako ng Dios kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Dios kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. 14 Kung ang mga nasasakop lamang ng Kautusan ang magiging tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya at ganoon din naman ang pangako ng Dios. 15 Ang Kautusan ang siyang naging dahilan kung bakit may parusa mula sa Dios. Kung walang Kautusan, wala ring paglabag.
16 Kaya nakabatay ang pangako ng Dios sa pananampalataya, para itoʼy maging biyaya ng Dios at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham – hindi lamang ng mga Judio na sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga hindi Judio na sumasampalataya ring tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.”[d] Kaya sa paningin ng Dios, si Abraham ang ating ama. At ang Dios na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Dios na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa. 18 Kahit na wala nang pag-asang maging ama si Abraham, nanalig pa rin siyang magiging ama siya ng maraming bansa; gaya nga ng sinabi ng Dios sa kanya, “Magiging kasindami ng bituin ang bilang ng mga anak mo.”[e] 19 Mag-iisang daang taong gulang na siya noon. Alam niyang matanda na siya at mahina na ang katawan. Alam din niyang si Sara ay baog at hindi maaaring magkaanak. Ganoon pa man, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Dios, kundi lalo pang tumibay ang kanyang pananampalataya. Pinapurihan niya ang Dios 21 dahil lubos siyang umasa na tutuparin ng Dios ang kanyang pangako. 22 Kaya nga, itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 23 Pero ang katagang, “itinuring na matuwid,” ay hindi lamang para kay Abraham, 24 kundi para rin sa atin. Tayo rin ay itinuturing ng Dios na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus. 25 Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayoʼy maituring na matuwid.
Mayroon na Tayong Magandang Relasyon sa Dios
5 Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. 2 Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 3 At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. 4 Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao.[f] At kung mabuti ang ating pagkatao,[g] may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 5 At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
6 Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. 8 Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa[h] ng Dios dahil kay Cristo. 10 Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. 11 Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya.
Si Adan at si Cristo
12 Dumating ang kasalanan sa mundo dahil sa paglabag ni Adan sa utos ng Dios. At dahil sa kasalanan, dumating din ang kamatayan. Kaya lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao, dahil nagkasala ang lahat. 13 Nasa mundo na ang kasalanan bago pa man ibigay ng Dios ang Kautusan. Pero hindi pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan kung wala namang Kautusan. 14 Ganoon pa man, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga taong hindi naman nagkasala nang tulad ni Adan na lumabag sa utos ng Dios.
Si Adan ay larawan ng Cristo na nooʼy inaasahang darating. 15 Pero magkaiba ang dalawang ito, dahil ang kaloob ng Dios ay hindi katulad sa kasalanan ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa maraming tao ang kasalanan ni Adan, pero mas nakakahigit ang biyaya at kaloob ng Dios na dumating sa maraming tao sa pamamagitan ng isang tao na walang iba kundi si Jesu-Cristo. 16 Ibang-iba ang idinulot ng kaloob ng Dios sa idinulot ng kasalanan ni Adan. Ang kasalanan ni Adan ay nagdulot ng kaparusahan, pero ang kaloob na ibinigay ng Dios sa kabila ng maraming kasalanan ay nagdulot ng kapatawaran. 17 Dahil sa kasalanan ng isang tao, naghari ang kamatayan, pero dahil sa ginawa ng isa pang tao na si Jesu-Cristo ang mga taong tumanggap ng masaganang biyaya at kaloob ng Dios ay itinuring niyang matuwid, at maghahari sila sa buhay na walang hanggan. 18 Kaya dahil sa kasalanan ng isang tao, ang lahat ay nahatulang maparusahan. Ganoon din naman, dahil sa matuwid na ginawa ng isang tao, ang lahat ay maituturing na matuwid at mabibigyan ng bagong buhay. 19 Kung sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging makasalanan, ganoon din naman, dahil sa pagsunod ng isang tao marami ang itinuring ng Dios na matuwid. 20 Ibinigay ng Dios ang Kautusan para ipakita sa mga tao na marami ang kanilang pagsuway, at nadadagdagan pa nga dahil sa Kautusan. Pero kung nadadagdagan ang pagsuway, higit na nadadagdagan ang biyaya ng Dios. 21 Kaya kung paanong naghari ang kasalanan at nagdulot ng kamatayan, ganoon din naman, naghahari ang biyaya ng Dios at nagdudulot ng buhay na walang hanggan. At dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo, itinuring tayong matuwid ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®