Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mateo 3-4

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Dumating ang panahon na si Juan na tagapagbautismo ay pumunta at nangaral sa ilang ng Judea. Ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na[a] ang paghahari ng Dios.”[b] Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon.
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[c]

Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kinakain niya ay balang at pulot-pukyutan. Nagpuntahan sa kanya ang maraming tao galing sa Jerusalem, sa mga bayan ng Judea, at sa mga bayan na malapit sa Ilog ng Jordan. Ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.

Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 10 Tandaan ninyo, ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol para putulin ang mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi, ngunit may isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[d] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Tulad siya ng isang taong nagtatahip upang ihiwalay ang ipa sa butil. Ilalagay niya ang mga butil sa bodega, at ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

Ang Pagbabautismo kay Jesus(B)

13 Dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula sa Galilea at pinuntahan niya si Juan upang magpabautismo. 14 Tumutol si Juan na bautismuhan si Jesus at sinabi, “Bakit magpapabautismo ka sa akin? Ako ang dapat magpabautismo sa iyo.” 15 Pero sumagot si Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Bumukas ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Dios na bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati. 17 At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”

Ang Pagtukso kay Jesus(C)

Pagkatapos nito, dinala ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon ay nag-ayuno si Jesus ng 40 araw at 40 gabi, kaya nagutom siya. Dumating ang Manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios.’ ”[e]

Dinala naman siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, doon sa pinakamataas na bahagi ng templo. At sinabi niya kay Jesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. At aalalayan ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.’ ”[f] Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[g]

Pagkatapos, dinala pa siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung luluhod ka at sasamba sa akin.” 10 Pero sinagot siya ni Jesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”[h]

11 Pagkatapos nito, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel ng Dios at naglingkod sa kanya.

Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(D)

12 Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali. 14 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:

15 “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa[i] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.
    Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
    Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”[j]

17 Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na[k] ang paghahari ng Dios.”

Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(E)

18 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon (na tinatawag na Pedro) at Andres na naghahagis ng lambat. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[l] 20 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

21 At habang patuloy sa paglalakad si Jesus, nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedee. Nakaupo sila sa bangka kasama ng kanilang ama at nag-aayos ng lambat. Tinawag din ni Jesus ang magkapatid. 22 Iniwan nila agad ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Nangaral at Nagpagaling ng mga May Sakit si Jesus(F)

23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Pinagaling din niya ang ibaʼt ibang uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Naging tanyag siya sa buong Syria, at dinala sa kanya ng mga tao ang lahat ng may sakit, mga naghihirap dahil sa matinding karamdaman, mga sinaniban ng masamang espiritu, mga may epilepsya at mga paralitiko. Pinagaling niya silang lahat. 25 Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, at iba pang mga bayan sa Judea, at maging sa kabila ng Ilog ng Jordan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®