Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang tungkol kay Jesus. 2 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Siyaʼy si Juan na tagapagbautismo! Muli siyang nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”
3 Ipinahuli niya noon si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tamang magsama sila ni Herodias. 5 Gusto sanang ipapatay ni Herodes si Juan pero natakot siya sa mga Judio dahil itinuturing nilang propeta si Juan.
6 Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw para sa mga bisita ang dalagang anak ni Herodias na ikinatuwa naman ni Herodes. 7 Kaya isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito.
8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga, “Gusto ko pong ibigay nʼyo sa akin ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang bandehado.” 9 Nalungkot ang hari sa kahilingang iyon. Pero dahil sa pangako niyang narinig mismo ng mga bisita, iniutos niya na gawin ang kahilingan ng dalaga. 10 Kaya pinugutan ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan, 11 inilagay ang ulo niya sa isang bandehado at dinala sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 12 Ang bangkay ni Juan ay kinuha ng kanyang mga tagasunod at inilibing, at ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(B)
13 Nang mabalitaan iyon ni Jesus, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang tahimik na lugar. Nang malaman ng mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan na nakaalis na si Jesus, lumakad sila patungo sa lugar na pupuntahan niya. 14 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga may sakit sa kanila.
15 Nang gumagabi na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang na lugar po tayo at dumidilim na. Paalisin nʼyo na po ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at nang makabili ng pagkain nila.” 16 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.” 17 Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.” 18 “Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Jesus. 19 Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao. 20 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket. 21 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 5,000, maliban pa sa mga babae at mga bata.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)
22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. 24 Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. 27 Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 28 Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” 29 “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. 30 Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” 31 Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. 33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.”
Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(D)
34 Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret. 35 Nakilala ng mga taga-roon si Jesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Jesus ang mga may sakit sa kanila. 36 Nakiusap sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.
Ang tungkol sa mga Tradisyon(E)
15 Pagkatapos noon, lumapit kay Jesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Jesus, 2 “Bakit nilalabag ng mga tagasunod mo ang tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” 3 Sumagot si Jesus sa kanila, “At kayo, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Halimbawa, sinabi ng Dios, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[b] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[c] 5 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Dios, 6 hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon. 7 Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Dios tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias:
8 ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
9 Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
sapagkat ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ ”[d]
Ang Nagpaparumi sa Tao(F)
10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ang sasabihin ko. 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang mga lumalabas dito.”
12 Lumapit ngayon ang mga tagasunod niya at sinabi, “Alam nʼyo po ba na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?” 13 Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan ninyo sila. Mga bulag silang tagaakay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at idinudumi? 18 Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso ng tao, at ito ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 19 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng sekswal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa. 20 Ang mga bagay na ito ang nagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(G)
21 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon. 22 May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David,[e] maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.” 23 Pero hindi sumagot si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” 24 Sinabi ni Jesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” 25 Pero lumapit pa ang babae kay Jesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako.” 26 Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 27 Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng pananampalataya mo! Mangyayari ang ayon sa hinihiling mo.” At nang sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(H)
32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.
39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®