Read the New Testament in 24 Weeks
11 Maging(A) tulad kayo sa akin, gaya ko kay Cristo.
Tungkol sa Pagtatalukbong
2 Pinupuri ko kayo, sapagkat sa lahat ng mga bagay ay naaalala ninyo ako, at pinananatili ninyong matibay ang mga tradisyon na gaya ng ibinigay ko sa inyo.
3 Subalit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos.
4 Ang bawat lalaking nananalangin, o nagpapahayag ng propesiya na may takip ang ulo ay winawalang-puri ang kanyang ulo.
5 Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya na walang talukbong ang kanyang ulo ay winawalang-puri ang kanyang ulo; sapagkat siya ay gaya at katumbas ng babaing ang ulo ay naahitan.
6 Sapagkat kung ang babae ay walang talukbong, dapat siyang magpagupit ng kanyang buhok, ngunit kung kahiyahiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, ay dapat siyang magtalukbong.
7 Sapagkat(B) ang lalaki ay talagang hindi dapat magtalukbong ng kanyang ulo, palibhasa siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki.
8 Sapagkat(C) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki,
9 ni ang lalaki ay nilalang dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki.
10 Dahil dito, nararapat na ang babae ay magkaroon ng sagisag ng awtoridad sa kanyang ulo, dahil sa mga anghel.
11 Gayunman, sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki at ang lalaki ay kailangan ng babae.
12 Sapagkat kung paanong ang babae ay mula sa lalaki, ang lalaki naman ay sa pamamagitan ng babae. Subalit ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos.
13 Hatulan ninyo sa inyong sarili: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong?
14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kapag ang isang lalaki ay may mahabang buhok, ito ay kahihiyan sa kanya?
15 Subalit kung ang babae ay may mahabang buhok, ito ay kanyang karangalan? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya na pantakip.
16 Subalit kung ang sinuman ay nais maging palatutol, wala kaming gayong ugali, ni ang mga iglesya ng Diyos.
17 Ngayon, sa mga sumusunod na tagubilin ay hindi ko kayo pinupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti kundi para sa ikasasama.
18 Sapagkat una sa lahat, kapag nagkakatipon kayo sa iglesya, ay nababalitaan ko na mayroong mga pagkakahati-hati sa inyo, at pinaniniwalaan ko iyon nang bahagya.
19 Sapagkat kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi upang ang mga tunay sa inyo ay malantad.
20 Kapag kayo ay nagkakatipon, iyon ay hindi upang kainin ang hapunan ng Panginoon.
21 Sapagkat kapag dumating na ang panahon ng pagkain, ang bawat isa'y nauuna sa kanyang sariling hapunan at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing.
22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Kayo ba'y pupurihin ko? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(D)
23 Sapagkat tinanggap ko sa Panginoon ang ibinigay ko naman sa inyo, na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay;
24 at nang siya'y makapagpasalamat, ito ay kanyang pinagputul-putol, at sinabi, “Ito'y aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”
25 Sa(E) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito tuwing kayo'y iinom nito, sa pag-aalaala sa akin.”
26 Sapagkat sa tuwing kainin ninyo ang tinapay na ito at inuman ang kopa, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating siya.
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.
28 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa.
29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili.
30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na.[a]
31 Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan.
32 Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo.
34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang ang inyong pagtitipon ay huwag mauwi sa paghatol. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.
3 Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 May(F) iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.
6 May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.
8 Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,
9 sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.
10 Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.
Iisang Katawan—Maraming Bahagi
12 Sapagkat(G) kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.
13 Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.
18 Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.
19 At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?
20 Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.
21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”
22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.
23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,
24 na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;
25 upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.
26 Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi.
28 At(H) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika.
29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala?
30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag?
31 Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001