Read the New Testament in 24 Weeks
Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.
2 Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.
3 Sapagkat(A) si Cristo man ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, “Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin.”
4 Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
5 Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,
6 upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Ebanghelyo sa mga Hentil
7 Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
8 Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,
9 at(B) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,
“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(C) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(D) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(E) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
sa kanya aasa ang mga Hentil.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Dahilan ng Ganitong Sulat ni Pablo
14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo man ay punung-puno ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na may kakayahang magturo sa isa't isa.
15 Ngunit sa ibang bahagi ay sinulatan ko kayong may katapangan bilang pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang sa akin ay ibinigay ng Diyos,
16 upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Hentil, na naglilingkod sa banal na gawain sa ebanghelyo ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging kalugud-lugod, yamang ito'y ginawang banal ng Espiritu Santo.
17 Kay Cristo Jesus, kung magkagayon, ay mayroon akong dahilan upang ipagmalaki ang tungkol sa aking gawain para sa Diyos.
18 Sapagkat hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, maliban sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang sumunod ang mga Hentil, sa salita at sa gawa,
19 sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos;[a] kaya't buhat sa Jerusalem at sa palibot-libot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang ebanghelyo ni Cristo.
20 Kaya't ginawa kong mithiin na maipangaral ang ebanghelyo hindi doon sa naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba,
21 kundi,(F) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nabalitaan tungkol sa kanya ay makakakita, at silang hindi pa nakarinig ay makakaunawa.”
Ang Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma
22 Ito(G) ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo.
23 Subalit ngayon, yamang ako ay wala nang lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo,
24 inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon.
25 Ngunit(H) ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal.
26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.
27 Ito'y(I) kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman.
28 Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.
29 At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo.
30 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin,
31 upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal;
32 upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo.
33 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.
Mga Pagbati
16 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesya na nasa Cencrea,
2 upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anumang bagay na kakailanganin niya sa inyo, sapagkat siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili.
3 Batiin(J) ninyo si Priscila at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus,
4 na ipinain ang kanilang leeg para sa aking buhay, sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi pati ang lahat ng mga iglesya ng mga Hentil.
5 Batiin din ninyo ang iglesya na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang unang nahikayat kay Cristo sa Asia.
6 Batiin ninyo si Maria, na lubhang maraming nagawa para sa inyo.
7 Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamag-anak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo. Sila'y kilala sa mga apostol at sila ay nauna sa akin kay Cristo.
8 Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon.
9 Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko.
10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Aristobulo.
11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Narciso, yaong nasa Panginoon.
12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na manggagawa ng Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na marami ang nagawa para sa Panginoon.
13 Batiin(K) ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kanyang ina at ina ko rin.
14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila.
15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kanyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila.
16 Magbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.
Mga Dagdag na Tagubilin
17 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran na laban sa mga aral na inyong natutunan; lumayo kayo sa kanila.
18 Sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati[b] ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang.
19 Ang inyong pagsunod ay naging bantog sa lahat ng mga tao, kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong kayo'y maging marurunong sa kabutihan, at walang sala tungkol sa kasamaan.
20 At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.
21 Binabati(L) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, at nina Lucio, Jason at Sosipatro, na aking mga kamag-anak.
22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.
23 Binabati(M) kayo ni Gayo na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng kapatid na si Cuarto.
[24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Amen.]
25 At ngayon, sa Diyos[c] na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon,[d]
26 subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan—
27 sa iisang Diyos na marunong, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001