Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Corinto 2-3

Ang Cristong Ipinako sa Krus

Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan.

Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus.

Ako'y(A) nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig.

Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan,

upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang Tunay na Karunungan ng Diyos

Subalit sa mga may gulang na ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng panahong ito, o ng mga pinuno sa panahong ito, na ang mga ito'y mauuwi sa wala.

Kundi nagsasalita kami tungkol sa karunungan ng Diyos, na hiwaga at inilihim, na itinalaga ng Diyos bago ang mga panahon para sa ikaluluwalhati natin.

Walang sinuman sa mga pinuno ng sanlibutang ito ang nakaunawa nito, sapagkat kung naunawaan nila, ay hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian.

Subalit(B) kagaya ng nasusulat,

“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
    at hindi pumasok sa puso ng tao,
    ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”

10 Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos.

11 Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos.

12 Ngayon ay aming tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos.

13 Na ang mga bagay na ito ay aming sinasabi hindi sa mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritu na ipinapaunawa ang mga espirituwal ng mga espirituwal.

14 Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu.

15 Ngunit nauunawaan ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, subalit hindi siya nauunawaan ng sinuman.

16 “Sapagkat(C) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya?” Subalit nasa amin[a] ang pag-iisip ni Cristo.

Tungkol sa Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.

Pinainom(D) ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa ninyo kaya ito. Hanggang ngayon ay hindi pa ninyo kaya,

sapagkat kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi ba kayo'y makalaman, at kayo'y lumalakad ayon sa pamantayan ng mga tao?

Sapagkat(E) kapag sinasabi ng isa, “Ako ay kay Pablo,” at ang iba, “Ako ay kay Apolos,” hindi ba kayo'y mga tao?

Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa.

Ako(F) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.

Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.

Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa.

Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.

11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,

13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.

14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.

15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.

16 Hindi(G) ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?

17 Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong.

19 Ang(H) karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.”

20 At(I) muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”

21 Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.

22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo,

23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001