New Testament in a Year
22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit(A) siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, 25 gaya(B) ng sinabi ni David tungkol sa kanya,
‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama,
hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Dahil dito, natuwa ang puso ko at
ang mga salita ko'y napuno ng galak,
at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,[a]
At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay,
dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’
29 “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y(C) propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay,[b] at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. 33 Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. 34 Hindi(D) si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’
36 “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!”
37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”
38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”
40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”
41 Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. 42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.
Ang Pamumuhay ng mga Sumasampalataya
43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem],[c] naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama(E) ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.