Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 7:44-60

44 “Kasama(A) ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45 Minana(B) ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46 Kinalugdan(C) ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos[a] ng Israel. 47 Ngunit(D) si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon.

48 “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang(E) langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon,
    ‘at ang lupa ang aking tuntungan.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin,
    o anong lugar ang pagpapahingahan ko?
50 Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’

51 “Napakatigas(F) ng ulo ninyo! Ang mga puso at tainga ninyo ay parang sa mga pagano! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon. Lagi ninyong nilalabanan ang Espiritu Santo. 52 Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na Lingkod na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nagngitngit sa matinding galit kay Esteban ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio nang marinig ang mga ito. 55 Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.”

57 Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at nagsigawan. Pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban 58 at kinaladkad siya palabas ng lungsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. 59 At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”

At pagkasabi nito, siya'y namatay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.