New Testament in a Year
Walang Lihim na Hindi Mabubunyag(A)
21 Nagpatuloy(B) si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa ilalim ng takalan,[a] o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Walang(C) natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. 23 Makinig ang may pandinig!”
24 Idinugtong(D) pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig.[b] Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. 25 Sapagkat(E) ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag(F) hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin.”
Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(G)
30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”
Ang Paggamit ng mga Talinghaga
33 Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. 34 Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(H)
35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. 37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. 38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?”
39 Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa.
40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”
41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa kanya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.