New Testament in a Year
Ang Pagpapagaling sa Gerasenong Sinasapian ng Masasamang Espiritu(A)
5 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay dumating sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. 3 Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. 4 Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. 5 Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.
6 Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng pakay mo sa akin? Ipangako mo sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!” 8 Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!”
9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”
“Batalyon,[b] sapagkat marami kami,” tugon niya. 10 At nakiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon.
11 Samantala, sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 12 Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, “Papasukin mo na lamang kami sa mga baboy.” 13 Pinahintulutan niya sila kaya't lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at sa mga baboy.
17 Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.
18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, 19 ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo.”
20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.