Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 23:16-35

16 Ngunit narinig ng pamangking lalaki ni Pablo sa kanyang kapatid na babae ang kanilang balak kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturyon, at sinabi niya, “Dalhin mo ang binatilyong ito sa kapitan sapagkat mayroon itong sasabihin sa kanya.” 18 Kaya't sinamahan nga ng senturyon ang binatilyo sa kapitan, at sinabi niyon, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap na dalhin ko sa iyo ang binatilyong ito sapagkat may sasabihin daw ito sa iyo.” 19 Hinawakan ng kapitan ang binatilyo sa kamay, at sa isang tabi ay palihim siyang tinanong, “Ano'ng sasabihin mo sa akin?” 20 Sumagot ang binatilyo, “Nagkasundo po ang mga Judio na ipakiusap sa inyo na dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, at kunwari'y sisiyasatin siyang mabuti. 21 Subalit huwag kayong maniniwala sa kanila. Aabangan siya ng mahigit apatnapung tao na sumumpang hindi kakain o iinom hanggang siya'y hindi napapatay. Handa na sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” 22 Pinaalis ng kapitan ang binatilyo, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin.”

Si Pablo sa Harap ni Gobernador Felix

23 Pagkatapos ay tinawag ng kapitan ang dalawa sa mga senturyon, at sinabi niyon, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal kasama ng pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong ikasiyam[a] ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ligtas ninyong ihatid kay Gobernador Felix.” 25 At lumiham siya ng ganito:

26 “Sa kagalang-galang na Gobernador Felix, pagbati mula kay Claudio Lisias. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na sana nila. Ngunit nang malaman kong siya'y isang mamamayang Romano, dumating akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko. 28 Sa hangad kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, pinaharap ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nalaman kong ang sakdal sa kanya'y may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang paratang laban sa kanya na sapat upang siya'y ipapatay at ipabilanggo. 30 Nang ipaalam sa akin na may banta sa buhay ng taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at ipinag-utos ko rin sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang mga paratang laban sa kanya.”

31 Sinunod ng mga kawal ang iniutos sa kanila. Kinagabiha'y dinala siya sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinasamahan nila si Pablo sa mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa kampo. 33 Nang makarating sila sa Cesarea ay iniharap nila si Pablo sa gobernador, at ibinigay ang dala nilang liham. 34 Matapos basahin ang liham, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. Nang malamang siya'y taga-Cilicia 35 ay kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niyang bantayan si Pablo sa himpilan ni Herodes.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.