New Testament in a Year
Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia
20 Pagkatapos ng kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Matapos na palakasin ang kanilang loob, nagpaalam si Pablo sa kanila at nagtungo sa Macedonia. 2 Pinuntahan ni Pablo ang mga lupain doon, at pinalakas ang loob ng mga alagad, at nagtungo siya sa Grecia. 3 Nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang maglalakbay na siya patungong Syria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. 4 Sinamahan siya ni Sopatro na taga-Berea, anak ni Pirro, gayundin ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gaio na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo. 5 Nauna sila at naghintay sa amin sa Troas. 6 Naglayag naman kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.
Ang Pagdalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang unang araw ng sanlinggo, nagtipon kami upang magpira-piraso ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila hanggang hatinggabi sapagkat aalis siya kinabukasan. 8 Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin. 9 Nakaupo sa bintana ang isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Eutico. Nakatulog siya nang mahimbing habang patuloy sa pagsasalita si Pablo. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag, kaya't patay na nang damputin. 10 Bumaba si Pablo at siya'y niyakap. “Huwag kayong mabahala,” wika niya. “Buháy siya!” 11 Matapos pumanhik at magpira-piraso ng tinapay, nakipag-usap si Pablo sa kanila hanggang pagsikat ng araw, at siya ay umalis. 12 Iniuwi naman nilang buháy ang bata, at lubusan silang naaliw.
Mula sa Troas Patungo sa Mileto
13 Nauna kaming sumakay sa barko at naglayag patungong Asos. Doon kami makikipagkita kay Pablo, sapagkat ipinasya niyang sa lupa maglakbay. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barko, at sama-sama kaming nakarating sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Chios. Tumawid kami nang sumunod na araw patungong Samos, at pagkaraan ng isang araw pa ay nakarating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablo na lampasan ang Efeso upang hindi na siya magtagal sa Asia, sapagkat siya'y nagmamadali. Ibig niyang makarating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.