New Testament in a Year
31 Samantala, pinilit siya ng mga alagad niya at sinabi, “Rabbi, kumain po kayo.” 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing hindi ninyo alam.” 33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “Wala namang nagdala sa kanya ng pagkain, hindi ba?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko'y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin, at tuparin ang kanyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan na lang at anihan na?’ Sinasabi ko sa inyo, imulat ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo ang mga bukirin at handa na ang mga iyon para anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran, at nagtitipon ng bunga tungo sa buhay na walang hanggan. Sa gayon, ang nagtatanim at ang umaani ay magkasalong magagalak. 37 Dahil dito, totoo nga ang kasabihan, ‘Iba ang nagtatanim, at iba naman ang nag-aani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod, at kayo'y umaani sa kanilang pinagpaguran.” 39 Maraming taga-Samaria mula sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa patotoong ito ng babae: “Sinabi niya ang lahat ng ginawa ko.” 40 Kaya noong pumunta sa kanya ang mga taga-Samaria, hiniling nila kay Jesus na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili roon. 41 At marami pa ang sumampalataya dahil sa salita ni Jesus. 42 Sinabi nila sa babae, “Hindi na dahil sa mga salita mo kung bakit kami sumasampalataya, sapagkat kami mismo ang nakarinig sa kanya. Nalalaman naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Mayamang Pinuno
43 Pagkalipas ng dalawang araw, pumunta si Jesus sa Galilea, 44 (A)sapagkat siya mismo ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa sarili niyang bayan. 45 (B)Kaya nang dumating siya sa Galilea, tinangkilik siya ng mga tagaroon, dahil nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa sa Jerusalem noong kapistahan, sapagkat sila man ay naroroon din. 46 (C)Muli siyang nagpunta sa Cana ng Galilea. (Doon niya ginawang alak ang tubig.) Sa Capernaum, may isang mayamang pinunong may anak na lalaki na nagkasakit. 47 Nang mabalitaan nito na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, nagpunta ito sa kanya. Hiniling ng pinuno kay Jesus na puntahan ang kanyang anak na lalaki upang pagalingin, sapagkat malapit na iyong mamatay. 48 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung hindi pa kayo makakita ng mga himala at mga kababalaghan, hinding-hindi kayo maniniwala.” 49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta na po kayo bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka na, mabubuhay ang anak mo.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus at siya'y umalis na. 51 Habang siya'y naglalakad, sinalubong siya ng kanyang mga lingkod at ibinalita sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Tinanong niya sila kung anong oras ito gumaling, at ang sabi nila, “Ala-una[a] po kahapon nang mawalan siya ng lagnat.” 53 Naalala ng ama na iyon ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus na mabubuhay ang kanyang anak. At siya'y sumampalataya, pati na rin ang buo niyang sambahayan. 54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito nang siya'y dumating sa Galilea mula sa Judea.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.