Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Bilang 7

Ang mga Handog sa Pagtatalaga sa Altar

Nang ganap na matapos na ang tabernakulo, pinahiran ito ni Moises ng langis at ipinahayag na para kay Yahweh, gayundin ang mga kagamitan doon, ang altar at ang lahat ng kagamitang ukol dito. Nang araw na iyon, ang mga pinuno ng Israel na nakatulong sa pagkuha ng sensus, ay naghandog kay Yahweh ng anim na malaking kariton at labindalawang toro: isang kariton sa bawat dalawang angkan at isang toro sa bawat angkan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tanggapin mo ang mga handog nilang ito upang magamit sa paglilipat ng Toldang Tipanan. Ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga Levita ayon sa kanilang nakatakdang gawain.” Kinuha nga ni Moises ang mga kariton at toro at ibinigay sa mga Levita. Ang dalawang kariton at apat na toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Gershon; ang apat na kariton at walong toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Merari; ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ni Aaron. Hindi na niya binigyan ang mga anak ni Kohat sapagkat sila ang nagpapasan ng mga sagradong bagay kapag inililipat ang mga ito.

10 Ang mga pinuno ng Israel ay nagdala rin ng kani-kanilang handog para sa pagtatalaga ng altar. 11 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa kanila na sa loob ng labindalawang araw ay tig-iisang araw sila ng paghahandog para sa pagtatalaga ng altar.”

12-83 Ganito ang pagkakasunud-sunod ng kanilang paghahandog:

ArawLipiPinuno ng Lipi
Unang arawJudaNaason-anak ni Aminadab
Ika-2 arawIsacarNathanael-anak ni Zuar
Ika-3 arawZebulunEliab-anak ni Helon
Ika-4 na arawRubenElizur-anak ni Sedeur
Ika-5 arawSimeonSelumiel-anak ni Zurisadai
Ika-6 na arawGadEliasaf-anak ni Deuel
Ika-7 arawEfraimElisama-anak ni Amiud
Ika-8 arawManasesGamaliel-anak ni Pedazur
Ika-9 na arawBenjaminAbidan-anak ni Gideoni
Ika-10 arawDanAhiezer-anak ni Amisadai
Ika-11 arawAsherPagiel-anak ni Ocran
Ika-12 arawNeftaliAhira-anak ni Enan

Ang mga handog na kanilang inalay kay Yahweh ay magkakapareho: isang malaking platong pilak na tumitimbang ng isa't kalahating kilo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng 800 gramo ayon sa opisyal na timbang. Ang malaking plato at ang mangkok ay parehong puno ng harinang hinaluan ng langis bilang handog na pagkaing butil; isang gintong platito na tumitimbang ng 110 gramo at puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, at isang batang tupa na isang taóng gulang bilang mga handog na susunugin; isang kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; dalawang toro, limang tupa, limang kambing, at limang batang tupa na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan.

84-88 Ito ang kabuuang handog ng mga pinuno ng Israel nang italaga ang altar:

Labindalawang malaking platong pilak at labindalawang mangkok na pilak na ang kabuuang timbang lahat-lahat ay 27.6 kilo.

Labindalawang platitong ginto na ang kabuuang timbang ay 1,320 gramo. Ang mga ito'y puno ng insenso.

Labindalawang toro, labindalawang tupang barako, at labindalawang kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama na ang mga handog na pagkaing butil. Ang lahat ng ito'y para sa mga pagkaing handog.

Labindalawang kambing bilang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

Dalawampu't apat na toro, animnapung tupang barako, animnapung kambing, animnapung kordero na tig-iisang taóng gulang. Ang lahat ng ito'y bilang mga handog pangkapayapaan.

89 Nang pumasok si Moises sa Toldang Tipanan upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang tinig nito mula sa pagitan ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

Awit ni Solomon 5

Mangingibig:

Nasa hardin ako ngayon, aking mahal, aking sinta,
    at ako ay nangunguha ng balsamo at ng mira.
Nilalasap ko ang tamis nitong pulot ng pukyutan,
    iniinom ko ang gatas at alak na malinamnam.

Mga Babae:

Kumain na at uminom, kayong mga mangingibig,
    hanggang kayo ay malango sa tamis ng pag-ibig.

Ang Ikaapat na Awit

Babae:

Kahit na nga sa pangarap kung ako ay natutulog,
naririnig ang mahal ko, sa pintua'y kumakatok.

Mangingibig:

“Ako'y iyong papasukin, aking mahal, aking sinta,
    na tulad ng kalapati, ubod linis at maganda,
basang-basa ang ulo ko nitong hamog sa umaga.”

Babae:

Muli pa bang magbibihis, gayong ako'y naghubad na?
    Akin bang dudumhan muli, nahugasan nang mga paa?

Nang hawakan ng mahal ko ang susian nitong pinto,
    damdamin ko ay sumigla, lumundag ang aking puso.
Ako ay bumangon upang siya ay pagbuksan,
    binasâ ko ng mira itong aking mga kamay,
    at ako ay lumapit sa pinto ng aming bahay.
Ngunit nang siya'y pagbuksan ko, hindi ko na inabutan.
Hinanap ko nang hinanap ngunit hindi natagpuan.
Sa laki ng pananabik na tinig niya'y mapakinggan,
    tinawag ko nang tinawag ngunit walang kasagutan.

Ang mahal ko ay hinanap, di tumigil, di naglubay,
    hanggang ako ay mahuli, mga tanod nitong bayan.
Hinagupit nila ako, walang awang sinugatan,
    balabal ko ay hinatak, pinunit pa at ginutay.
Mga dilag ng Jerusalem, ipangako ninyo sa akin
    kung mahal ko ay makita sa kanya sana'y sabihin,
    “Iyong sinta'y nanghihina, pag-ibig mo'y hanap niya.”

Mga Babae:

O babaing napakaganda, bakit di mo ilarawan
    hinahanap mong lalaki na sabi mo'y iyong mahal?
Sa amin ay sabihin mo kaiba niyang katangian,
    na dahilan ng bilin mo't mahigpit na panambitan.

Babae:

10 Ang irog ko ay makisig, matipuno ang katawan,
    sa sanlibo ay siya lang ang may gayong katangian.
11 Alun-alon ang buhok niya, mahaba at nangingintab
    mahal pa iyon kaysa ginto, kulay uwak ang katulad.
12 Mata niya'y mapupungay parang ibon sa may batis,
    kalapati ang katulad at gatas pa ang panlinis.
13 Ang kanyang mga pisngi'y simbango ng isang hardin,
    mga labi'y parang liryo, nakasasabik na simsimin.
14 Kamay niya ay maganda, O kay inam na pagmasdan,
    suot niyang mga singsing, bato nito'y ubod mahal.
Wari'y garing ang katulad ng buo niyang katawan,
    naliligid ng pahiyas na safirong makikinang.
15 Mga hita niya at binti'y marmol ang kabagay,
    ang mga patungan ay gintong dalisay,
parang Bundok ng Lebanon, na makapigil hininga,
    kung baga sa mga kahoy, mga sedar ang kagaya.
16 Mga labi ay maalab, matamis kung humalik
    buo niyang katauhan, sadyang kaakit-akit.
Iyan ang ayos at larawan nitong aking iniibig.

Mga Hebreo 5

Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. At(A) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. Ang(B) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.

Gayundin(C) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,

“Ikaw ang aking Anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”

Sinabi(D) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Noong(E) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Babala Laban sa Pagtalikod

11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapat(F) sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.