Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Levitico 20

Mga Parusa sa Lalabag sa Tuntunin

20 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang sinuman sa Israel, katutubo o dayuhan, na mag-aalay ng kanyang anak bilang handog kay Molec ay babatuhin hanggang sa mamatay. Kasusuklaman ko siya at ititiwalag sa sambayanan ng Israel. Dahil sa kanyang ginawa, dinungisan niya ang banal kong tahanan at nilapastangan ang aking banal na pangalan. Kapag ipinagwalang-bahala ng mga taong-bayan ang ganoong kasamaan at hindi nila pinatay ang gumawa niyon, kasusuklaman ko ang taong iyon at ang kanyang sambahayan. Ititiwalag ko rin sa sambayanan ang mga sumasamba kay Molec.

“Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan. Ilaan ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ang inyong Diyos. Ingatan ninyo at sundin ang aking mga tuntunin. Ako si Yahweh. Inilalaan ko kayo para sa akin.

“Ang(A) sinumang magmura sa kanyang ama at ina ay dapat patayin. Mananagot ang sinumang lumait sa kanyang ama at ina.

10 “Ang(B) lalaking mangangalunya sa asawa ng iba ay dapat patayin, gayundin ang babae. 11 Inilalagay(C) sa kahihiyan ng isang lalaki ang kanyang sariling ama kung siya'y nakikipagtalik sa ibang asawa nito; siya at ang babae'y dapat patayin. 12 Ang(D) lalaking nakikipagtalik sa kanyang manugang ay nagkasala, at pareho silang dapat patayin. 13 Ang(E) lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ay gumagawa ng karumal-dumal na gawain at pareho silang dapat patayin. 14 Ang(F) lalaking makipag-asawa sa isang babae at sa ina nito ay karumal-dumal; silang tatlo ay dapat sunugin upang mawala ang gayong kasamaan. 15 Ang(G) lalaking nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop. 16 Ang babaing nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop.

17 “Ang(H) lalaking nag-asawa sa kanyang kapatid, maging ito'y kapatid sa ama o ina, at sila'y nagsama ay gumawa ng isang kahihiyan. Dapat silang itiwalag sa sambayanan. Nilagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan, kaya dapat siyang parusahan. 18 Kapag(I) nakipagtalik ang isang lalaki sa babaing may regla, nilabag nila ang tuntunin tungkol sa karumihan. Kapwa sila ititiwalag sa sambayanan.

19 “Kapag(J) nakipagtalik ang isang lalaki sa kapatid ng kanyang ama o ina, sila'y nagkasala at dapat parusahan. 20 Kapag ang isang lalaki'y nakipagtalik sa asawa ng kanyang tiyo, dinungisan niya ang dangal nito. Ang lalaking iyon at ang babae ay nagkasala at dapat parusahan; mamamatay silang walang anak. 21 Kapag(K) kinasama ng isang lalaki ang kanyang hipag, dinungisan niya ang dangal ng kanyang kapatid. Mamamatay silang walang anak.

22 “Sundin ninyo ang lahat ng utos at tuntunin ko upang hindi kayo mapalayas sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo. 23 Huwag ninyong tularan ang gawain ng bansang pupuntahan ninyo sapagkat iyon ang dahilan kaya ko sila itinakwil. 24 Ngunit kayo'y pinangakuan ko na ibibigay ko sa inyo ang kanilang lupain, isang lupain na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Pinili ko kayo sa mga bansa. 25 Kaya, dapat ninyong makilala ang marumi at malinis na mga hayop at ibon. Huwag ninyong dudungisan ang inyong mga sarili sa pagkain ng mga hayop at ibong ipinagbabawal ko sa inyo. 26 Magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ay banal. Kayo'y pinili ko sa gitna ng mga bansa upang maging akin.

27 “Sinumang kumakausap sa mga espiritu ng mga patay na o mga manghuhula, maging lalaki o babae, ay babatuhin hanggang sa mamatay. Sila na rin ang may kagagawan sa sarili nilang kamatayan.”

Mga Awit 25

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
    sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
    at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
    at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
    at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
    na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
    ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
    itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
    sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
    sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.

11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
    ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
    matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
    mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
    ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.

15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
    na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
    pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
    mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
    at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.

19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
    at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
    huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
    pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.
21 Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan,
    sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.

22 Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel,
    sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!

Mangangaral 3

May Takdang Panahon para sa Lahat

Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.

Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.

Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran? 10 Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. 11 Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas. 12 Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. 13 Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. 14 Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag, wala ring dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya. 15 Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari.

Kawalan ng Katarungan

16 Nakita ko rin sa mundong ito na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran pa rin ng kasamaan. 17 Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay. 18 Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay tulad lamang ng mga hayop. 19 Ang hantungan ng tao at ng hayop ay iisa; lahat ay mamamatay. Ang tao'y walang kaibahan sa hayop, sapagkat ang lahat ay walang kabuluhan.[a] 20 Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi. 21 Sino ang nakakatiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng hayop ay mahuhulog sa kalaliman? 22 Kaya naisip kong walang pinakamabuti sa tao kundi pakinabangan ang kanyang pinagpaguran; ito ang ating bahagi. At sino ang makakapagsabi sa kanya kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?

1 Timoteo 5

Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya

Huwag mong pagagalitan ang nakatatandang lalaki, kundi pagsabihan mo siya nang mahinahon na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. Ituring mong parang sariling ina ang nakatatandang babae, at pakitunguhan mo nang may lubos na kalinisan ang mga kabataang babae na tulad sa iyong mga kapatid.

Igalang mo ang mga biyudang wala nang ibang maaasahan sa buhay. Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. Ang(A) biyuda na walang ibang maaasahan sa buhay ay sa Diyos na lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin araw at gabi. Samantala, ang biyudang mahilig sa kalayawan ay maituturing nang patay, bagaman siya'y buháy. Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya.

Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taong gulang, naging tapat sa kanyang asawa,[a] 10 kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob[b] sa mga hinirang ng Diyos, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.

11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. 12 Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. 13 Bukod dito, sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahihilig makialam sa buhay ng may buhay at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo, 15 sapagkat may ilan nang biyudang sumunod kay Satanas.

16 Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang maaasahan sa buhay.

17 Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. 18 Sapagkat(B) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.”

19 Huwag(C) mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.

20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.

21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. 22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.

23 Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.

24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli. 25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon.