M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Hayop na Maaari at Di Maaaring Kainin(A)
11 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 2 “Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo 3 ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. 4 Kaya ang kamelyo kahit na ngumunguya ito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin. 5 Ang dagang gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin. 6 Ang kunehong gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko nito; hindi ito malinis. 7 Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kainin. 8 Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng bangkay ng mga hayop na ito; marurumi ito para sa inyo.
9 “Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay ang mga isdang may palikpik at kaliskis. 10 Ngunit ang isdang walang palikpik at kaliskis, malaki man o maliit, sa dagat o ilog ay marumi para sa inyo. 11 Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito. 12 Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay huwag ninyong kainin.
13 “Tungkol naman sa mga ibon, ang mga ito ang huwag ninyong kakainin sapagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat; 14 ang lawin at ang limbas at mga kauri nito; 15 lahat ng uri ng uwak; 16 ang ostrits, panggabing lawin, lawing dagat at mga kauri nito; 17 lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda, 18 ang kuwagong parang may sungay, at ang pelicano; 19 ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag.[a]
20 “Lahat ng kulisap na may pakpak at may apat na paa ay marurumi para sa inyo, 21 maliban sa mga kulisap na lumulundag, 22 tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang. 23 Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay ituturing ninyong marurumi.
24 “Ang sinumang humawak sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 25 Ang sinumang dumampot sa mga ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit. 26 Bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humawak rito. 27 Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humawak sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 28 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang humawak nito at siya ay ituturing ninyong marumi hanggang sa paglubog ng araw.
29 “Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang mga sumusunod: ang bubuwit, ang daga, at lahat ng uri ng bayawak; 30 ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango. 31 Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humawak sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, balat o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan. 33 Kung sa palayok ito mahulog, ituring ding marumi ang laman nito at dapat nang basagin ang palayok. 34 Anumang pagkaing may sabaw o inuming tubig na malagay dito ay ituturing na marumi. 35 Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan o palayok, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon. 36 Ngunit ang batis o ipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman, ang humawak sa patay na hayop ay ituturing na marumi. 37 Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis, 38 ngunit kung ang binhi ay babad na sa tubig, magiging marumi na ito.
39 “Kung mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humawak rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 40 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang kumain o bumuhat nito, at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
41 “Lahat ng maliliit na hayop na gumagapang sa lupa ay huwag ninyong kakainin sapagkat ito'y marurumi, 42 maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa. 43 Huwag ninyong dudumhan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa maruruming hayop na ito. 44 Panatilihin(B) ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 45 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.”
46 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop, sa mga ibon at sa mga nilikha sa tubig, 47 para malaman ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain.
Tuntunin sa Paglilinis ng Nanganak
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla. 3 Pagdating(C) ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol. 4 Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon. 5 Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.
6 “Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 7 Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.
8 “Kung(D) hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
Gaano katagal kang magtatago sa akin?
2 Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?
3 Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
4 Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.
5 Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
6 O Yahweh, ika'y aking aawitan,
dahil sa iyong masaganang kabutihan.
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!
2 Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
tinitingnan kung may taong marunong pa,
na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
3 Silang lahat ay naligaw ng landas,
at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
wala ni isa man, wala nga, wala!
4 Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”
5 Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
6 Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.
7 Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.
26 Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng anihan.
2 Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lang ito ng ibong di dumadapo at lilipad-lipad.
3 Ang latigo'y para sa kabayo, ang bokado'y para sa asno, ang pamalo naman ay sa mangmang na tao.
4 Huwag mong papatulan ang isang mangmang at baka lumabas na higit ka pang mangmang.
5 Sagutin mo ang mangmang ayon sa kanyang kahangalan, upang hindi niya isipin na siya'y may katuwiran.
6 Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo.
7 Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang.
8 Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador.
9 Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.
10 Tulad ng isang namamana ng kahit na sino ang isang taong umupa ng mangmang o lasenggo.
11 Ang(A) taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang sariling suka ay binabalikan nito.
12 Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito.
13 Ano ang idinadahilan ng taong batugan? “May leon sa daan, may leon sa lansangan.”
14 Kung paano lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama.
15 Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa katamaran.
16 Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.
17 Ang nakikisali sa gulo ng may gulo ay tulad ng taong dumadakma sa tainga ng aso.
18-19 Ang taong nandaraya saka sasabihing nagbibiro lang ay tulad ng baliw na naglalaro ng sandatang nakamamatay.
20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy; nahihinto ang away kapag walang nanunulsol.
21 Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo.
22 Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.
23 Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga.
24 Ang tunay na damdamin ng mapagkunwari ay maitatago sa salitang mainam. 25 Matamis pakinggan ngunit huwag paniwalaan sapagkat iyon ay bunga ng kanyang pagkasuklam. 26 Maaaring ang galit niya'y maitago sa magandang paraan ngunit nalalantad din sa mata ng lahat.
27 Ang(B) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon.
28 Ang taong sinungaling ay galit sa kapwa. Ang madayang salita ay nagpapahamak sa iba.
Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, 2 sapagkat(A) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit(B) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Pangwakas na Tagubilin at Pagbati
12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan.
14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
23 Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ito.
25 Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang mga minamahal na kapatid kay Cristo.[a] 27 Inaatasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid.
28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
by