M’Cheyne Bible Reading Plan
Sinamba si Baal-peor
25 Samantalang ang Israel ay naninirahan sa Shittim, ang taong-bayan ay nagpasimulang makiapid sa mga anak na babae ng Moab.
2 Sapagkat inanyayahan ng mga ito ang taong-bayan sa mga paghahandog sa kanilang mga diyos; at ang bayan ay kumain at yumukod sa mga diyos ng Moab.
3 Ang Israel ay nakipag-isa sa Baal ng Peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.
4 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo ang lahat ng pinuno sa bayan at bitayin mo sila sa harap ng araw sa harap ng Panginoon, upang ang matinding galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.
5 Sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, “Patayin ng bawat isa sa inyo ang mga taong nakipag-isa sa Baal ng Peor.”
6 At dumating ang isa sa mga anak ni Israel at nagdala sa kanyang mga kapatid ng isang babaing Midianita sa paningin ni Moises at ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel, habang sila'y umiiyak sa pintuan ng toldang tipanan.
7 Nang makita ito ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ay tumindig siya sa gitna ng kapulungan at hinawakan ang isang sibat.
8 Pumunta siya sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at tinuhog silang pareho, ang lalaking Israelita at ang babae, tagos sa katawan nito. Sa gayon ang salot ay huminto sa mga anak ni Israel.
9 Ang mga namatay sa salot ay dalawampu't apat na libo.
10 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
11 “Pinawi ni Finehas na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nanibugho dahil sa aking paninibugho sa kanila, na anupa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking paninibugho.
12 Kaya't sabihin mo, narito, ibinibigay ko sa kanya ang aking tipan ng kapayapaan.
13 At magiging kanya at sa binhing susunod sa kanya ang tipan ng walang hanggang pagkapari, sapagkat siya'y mapanibughuin para sa kanyang Diyos at ginawa ang pagtubos para sa mga anak ni Israel.”
14 Ang pangalan ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kasama ng babaing Midianita ay Zimri na anak ni Salu, na pinuno sa isang sambahayan ng mga Simeonita.
15 Ang pangalan ng babaing Midianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y pinuno sa bayan ng isang sambahayan ng mga sambayanan sa Midian.
16 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 “Guluhin ninyo ang mga Midianita, at inyong daigin sila;
18 sapagkat ginulo nila kayo ng kanilang mga pandaraya sa inyo sa nangyari sa Peor, at sa pangyayari kay Cozbi, na anak na babae ng pinuno sa Midian, na kanilang kapatid na namatay nang araw ng salot dahil sa pangyayari sa Peor.
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12 “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13 kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.
15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
samakatuwid ay libu-libo.
Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.
21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
“Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”
24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.
28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.
32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
ang Diyos ng Israel,
nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.
Purihin ang Diyos!
Ang Pahayag tungkol sa Moab
15 Ang(A) pahayag tungkol sa Moab.
Sapagkat sa loob ng isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba,
ang Moab ay wala na;
sapagkat sa loob ng isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab,
ang Moab ay wala na.
2 Ang anak na babae ng Dibon ay umahon
sa matataas na dako upang umiyak;
tinatangisan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Ang lahat ng ulo ay kalbo,
bawat balbas ay ahit.
3 Sa kanilang mga lansangan ay nagbibigkis sila ng damit-sako,
sa mga bubungan at sa mga liwasan,
tumatangis ang bawat isa at natutunaw sa pag-iyak.
4 Ang Hesbon at ang Eleale ay sumisigaw,
ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahaz.
Kaya't ang mga lalaking may sandata sa Moab ay sumigaw nang malakas;
ang kanyang kaluluwa ay nanginginig.
5 Ang aking puso ay dumadaing para sa Moab;
ang kanyang mga tao ay nagsisitakas sa Zoar,
sa Eglat-shelishiya.
Sapagkat sa ahunan sa Luhith
ay umaahon silang nag-iiyakan;
sa daan patungong Horonaim
ay humahagulhol sila sa kapahamakan.
6 Ang mga tubig ng Nimrim
ay natuyo,
ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta,
walang sariwang bagay.
7 Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo,
at ang kanilang tinipon
ay kanilang dinala
sa Sapa ng Sauce.
8 Sapagkat ang daing ay nakarating
sa paligid ng lupain ng Moab;
ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Eglaim,
ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Beer-elim.
9 Sapagkat ang mga tubig ng Dimon ay punô ng dugo,
gayunma'y magpapadala pa ako sa Dimon ng higit pa,
isang leon para sa nakatakas sa Moab,
para sa nalabi sa lupain.
Dalisay na Pamumuhay ng Mag-asawa
3 Gayundin(A) naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong sariling asawa, kahit na ang ilan sa kanila ay hindi sumusunod sa salita, upang mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae;
2 kapag nakikita nila ang dalisay at magalang ninyong pag-uugali.
3 Ang(B) inyong kagayakan ay huwag maging panlabas na pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng ginto, o pagbibihis ng maringal na damit.
4 Sa halip, ay ang panloob na pagkatao na may kagandahang walang paglipas, ng isang mahinhin at maamong espiritu na napakahalaga sa paningin ng Diyos.
5 Sapagkat nang unang panahon ay ganito ginayakan ng mga banal na babae na umaasa sa Diyos ang kanilang sarili, at sila'y nagpasakop sa kani-kanilang mga asawa,
6 tulad(C) nang pagsunod ni Sarah kay Abraham, na kanyang tinawag na panginoon. At kayo ngayon ay mga anak niya kung gumagawa kayo ng mabuti, at hindi kayo natatakot sa anumang pananakot.
7 Gayundin(D) naman kayong mga lalaki, maging mapagbigay kayo sa inyu-inyong mga asawa sa inyong pagsasama, na binibigyan ng karangalan ang babae bilang isang mas marupok na sisidlan, yamang sila man ay tagapagmana rin ng biyaya ng buhay, upang walang makahadlang sa inyong mga panalangin.
Pagdurusa Dahil sa Paggawa ng Mabuti
8 Katapus-tapusan, magkaisa kayong lahat sa pag-iisip, maging madamayin, mapagmahal sa mga kapatid, mababait at may mapagpakumbabang pag-iisip.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama, o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi ng pagpapala; sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, upang kayo'y magmana ng pagpapala.
10 Sapagkat,(E)
“Ang nagmamahal sa buhay,
at nais makakita ng mabubuting araw,
ay magpigil ng kanyang dila sa masama,
at ang kanyang mga labi ay huwag magsalita ng daya,
11 lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan;
hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y lakaran.
12 Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid,
at ang kanyang mga tainga ay bukas sa kanilang mga panalangin.
Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”
13 At sino ang gagawa ng masama sa inyo kung kayo'y masigasig sa paggawa ng mabuti?
14 Subalit(F) magdusa man kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pananakot, ni mabahala,
15 kundi(G) sa inyong mga puso ay pakabanalin ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa inyo ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo,
16 ngunit gawin ito nang may kaamuan at paggalang.[a] Ingatan ninyong malinis ang budhi, upang kapag kayo ay inalipusta, ang mga nagsasalita ng laban sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo ay mapahiya.
17 Sapagkat mas mabuting magdusa dahil sa paggawa ng mabuti kung iyon ay kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama.
18 Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa[b] dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang kayo[c] ay madala niya sa Diyos. Siya ay pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu;
19 sa gayundin, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,
20 na(H) noon ay mga suwail, nang ang Diyos ay matiyagang naghintay noong mga araw ni Noe, habang ginagawa ang daong, na noon ay kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa, ang naligtas sa pamamagitan ng tubig.
21 At ang bautismo, na siyang kalarawan nito, ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo,
22 na umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos, na ipinasakop sa kanya ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001