M’Cheyne Bible Reading Plan
Inulit ng Diyos ang Kanyang Pangako
6 Subalit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ngayo'y makikita mo kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay kanyang paaalisin sila, at sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay ay kanyang palalayasin sila sa kanyang lupain.”
2 Sinabi(A) ng Diyos kay Moises, “Ako ang Panginoon.
3 Ako'y nagpakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan sa lahat;[a] ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pamamagitan ng aking pangalang ‘Ang Panginoon’.[b]
4 Akin ding itinatag ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain na kung saan sila'y nakipanirahan.
5 Bukod dito'y aking narinig ang daing ng mga anak ni Israel na inaalipin ng mga Ehipcio at aking naalala ang aking tipan.
6 Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ako ang Panginoon at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga pasanin ng mga Ehipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may nakaunat na kamay at may mga dakilang kahatulan.
7 Kayo'y aking aariing aking bayan at ako'y magiging Diyos ninyo at inyong malalaman na ako'y Panginoon ninyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa pagpapahirap ng mga Ehipcio.
8 Dadalhin ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob; at aking ibibigay ito sa inyo bilang pamana. Ako ang Panginoon.’”
9 Gayon ang sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel; subalit hindi sila nakinig kay Moises dahil sa panlulupaypay at sa malupit na pagkaalipin.
10 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
11 “Pumasok ka, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto na kanyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.”
12 Ngunit si Moises ay nagsalita sa Panginoon, “Ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang makikinig si Faraon sa akin, ako na isang di-mahusay na tagapagsalita?”[c]
13 Subalit ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila tungkol sa mga anak ni Israel, at kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto.
14 Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel: si Hanoc, si Fallu, si Hesron, at si Carmi. Ito ang mga angkan ni Ruben.
15 Ang mga anak ni Simeon: si Jemuel, si Jamin, si Ohad, si Jakin, si Zohar, at si Shaul na anak sa isang babaing taga-Canaan; ito ang mga angkan ni Simeon.
16 Ito(B) ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang salinlahi: si Gershon, si Kohat, at si Merari, at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.
17 Ang mga anak ni Gershon: sina Libni at Shimei, ayon sa kani-kanilang angkan.
18 Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, ang mga naging taon ng buhay ni Kohat ay isang daan at tatlumpu't tatlong taon.
19 Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ito ang mga sambahayan ng mga Levita ayon sa kanilang salinlahi.
20 Naging asawa ni Amram si Jokebed na kapatid na babae ng kanyang ama, at ipinanganak nito sa kanya si Aaron at si Moises, at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.
21 Ang mga anak ni Izar: si Kora, si Nefeg, at si Zicri.
22 Ang mga anak ni Uziel: sina Misael, Elzafan, at Sitri.
23 Naging asawa ni Aaron si Eliseba, na anak ni Aminadab, na kapatid na babae ni Naashon; at ipinanganak nito sa kanya sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar.
24 Ang mga anak ni Kora: sina Asir, Elkana, at Abiasaf; ito ang mga angkan ng mga Korahita.
25 Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa sa isa sa mga anak ni Putiel; at ipinanganak nito si Finehas. Ito ang mga ulo sa mga sambahayan ng mga ama ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.
26 Ang mga ito'y ang Aaron at Moises na siyang pinagbilinan ng Panginoon: “Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto ayon sa kanilang mga hukbo.”
27 Sila ang mga nagsalita kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Ehipto, ang Moises at ang Aaron na ito.
28 At nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Ehipto,
29 nagsalita ang Panginoon kay Moises, “Ako ang Panginoon; sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto ang lahat ng aking sinasabi sa iyo.”
30 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “Yamang ako'y di-mahusay magsalita,[d] bakit makikinig si Faraon sa akin?”
Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(A)
9 Pagkatapos ay tinipon ni Jesus[a] ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit.
2 Sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit.
3 At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika.
4 Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo.
5 Saanman(B) (C) kayo hindi tanggapin, sa pag-alis ninyo sa bayang iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang patotoo laban sa kanila.”
6 At sila'y umalis at nagtungo sa lahat ng mga nayon na ipinangangaral ang magandang balita at nagpapagaling ng mga sakit sa lahat ng lugar.
Naguluhan si Herodes(D)
7 Nabalitaan(E) noon ni Herodes na tetrarka ang lahat nang nangyari at siya'y naguluhan, sapagkat sinasabi ng ilan na si Juan ay muling binuhay mula sa mga patay,
8 at ng ilan na si Elias ay nagpakita, at ng mga iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay bumangon.
9 Sinabi ni Herodes, “Si Juan ay pinugutan ko ng ulo, subalit sino ang taong ito na marami akong naririnig tungkol sa kanya na gayong mga bagay?” At pinagsikapan niyang makita si Jesus.[b]
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Tao(F)
10 Sa kanilang pagbabalik, ibinalita ng mga apostol kay Jesus[c] ang mga bagay na kanilang ginawa. Kanyang isinama sila at palihim na nagtungo sa isang bayan na tinatawag na Bethsaida.
11 Subalit nang malaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kanya. Sila'y masaya niyang tinanggap at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga nangangailangan ng pagpapagaling.
12 Nang patapos na ang araw na iyon, lumapit ang labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin mo ang mga tao upang sila'y makapunta sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibot at makahanap ng matutuluyan at makakain, sapagkat tayo'y narito sa isang ilang na dako.”
13 Subalit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila, “Mayroon tayong hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, malibang kami'y umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.”
14 Sapagkat mayroon doong halos limang libong lalaki at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila ng pangkat-pangkat na may tiglilimampu bawat isa.”
15 Ginawa nila iyon at pinaupo silang lahat.
16 At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala, at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao.
17 Silang lahat ay kumain at nabusog at pinulot nila ang lahat ng natira, labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(G)
18 Minsan, nang si Jesus[d] ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, “Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?”
19 Sila'y(H) sumagot, “Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”
20 At(I) sinabi niya sa kanila, “Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro, “Ang Cristo ng Diyos.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Pagdurusa at Kamatayan(J)
21 Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,
22 na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”
23 At(K) sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.
24 Sapagkat(L) ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.
25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?
26 Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.
27 Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”
Ang Pagbabagong Anyo(M)
28 At(N) pagkaraan ng mga walong araw pagkatapos ng mga salitang ito, isinama ni Jesus[e] sina Pedro, Juan, at Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.
29 Samantalang siya'y nananalangin, ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti.
30 At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias,
31 na nagpakita sa kaluwalhatian at nag-usap tungkol sa pagpanaw niya na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.
32 Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay nakatulog nang mahimbing, subalit nang sila'y nagising ay nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.
33 At samantalang sila'y papalayo sa kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo'y dumito. Gumawa tayo ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias,” na hindi nalalaman ang kanyang sinabi.
34 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, dumating ang isang ulap, at sila'y nililiman. Sila'y natakot nang sila'y pumasok sa ulap.
35 At(O) may tinig na nanggaling sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili,[f] makinig kayo sa kanya!”
36 Pagkatapos magsalita ng tinig, si Jesus ay natagpuang nag-iisa. At sila'y nanatiling tahimik at hindi sinabi kanino man ng mga araw na iyon ang alinman sa mga bagay na kanilang nakita.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(P)
37 Nang sumunod na araw, pagbaba nila mula sa bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao.
38 At may isang lalaki mula sa maraming tao ang sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa iyo na tingnan mo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya'y aking kaisa-isang anak.
39 Walang anu-ano'y inaalihan siya ng isang espiritu at biglang nagsisigaw. Siya'y pinangingisay nito hanggang sa bumula ang kanyang bibig, at siya'y binubugbog, at halos ayaw siyang hiwalayan.
40 Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito subalit hindi nila kaya.”
41 Sumagot si Jesus, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako makikisama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.”
42 Samantalang siya'y lumalapit ay itinumba siya ng demonyo, at pinapangisay. Subalit sinaway ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kanyang ama.
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(Q)
43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Subalit habang ang lahat ay namamangha sa lahat ng kanyang ginagawa ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,
44 “Hayaang ang mga salitang ito ay pumasok sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.”
45 Subalit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito at ito'y inilihim sa kanila, upang ito'y hindi nila mabatid. At natakot silang magtanong sa kanya tungkol sa salitang ito.
Sino ang Pinakadakila(R)
46 Nagkaroon(S) ng isang pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang pinakadakila.
47 Subalit dahil batid ni Jesus ang iniisip ng kanilang puso, kumuha siya ng isang maliit na bata at inilagay sa kanyang tabi.
48 At(T) sinabi sa kanila, “Sinumang tumanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at ang sinumang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin, sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang dakila.”
Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(U)
49 Sumagot si Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at aming pinagbawalan siya, sapagkat hindi siya sumusunod na kasama namin.”
50 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nayon ng mga Samaritano
51 Nang malapit na ang mga araw upang siya'y tanggapin sa itaas, itinutok niya ang kanyang sarili[g] sa pagpunta sa Jerusalem.
52 Nagpadala siya ng mga sugo na una sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya.
53 Subalit hindi nila tinanggap siya, sapagkat siya[h] ay nakatutok sa Jerusalem.
54 At(V) nang makita ito nina Santiago at Juan na kanyang mga alagad ay sinabi nila, “Panginoon, ibig mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila'y tupukin?”[i]
55 Subalit humarap siya at sila'y sinaway.[j] At sila'y pumunta sa ibang nayon.
Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(W)
57 Habang naglalakad sila sa daan ay may nagsabi sa kanya, “Ako'y susunod sa iyo saan ka man magpunta.”
58 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo.”
59 Sinabi niya sa iba, “Sumunod ka sa akin.” Subalit siya'y sumagot, “Panginoon, hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama.”
60 Subalit sinabi ni Jesus[k] sa kanya, “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.”
61 At(X) sinabi naman ng isa pa, “Ako'y susunod sa iyo, Panginoon, subalit hayaan mo muna akong magpaalam sa mga nasa bahay ko.”
62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
23 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Ang aking sumbong ngayo'y mapait[a] din,
ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing.
3 O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan,
upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan!
4 Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan,
at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
5 Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin,
at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.
6 Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan?
Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan.
7 Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon;
at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom.
8 “Ako'y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon;
at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan;
9 sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan,
bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan.
10 Ngunit nalalaman niya ang daang nilalakaran ko;
kapag ako'y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.
11 Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko,
ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.
12 Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi;
pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib.
13 Ngunit siya'y hindi nagbabago, at sinong makakahimok sa kanya?
Kung ano ang kanyang ninanasa, iyon ang kanyang ginagawa.
14 Sapagkat kanyang lulubusin ang itinakda niya para sa akin;
at maraming gayong mga bagay ang nasa kanyang isipan.
15 Kaya't sa kanyang harapan ako'y nanghihilakbot;
kapag aking binubulay, sa kanya ako'y natatakot.
16 Pinapanlupaypay ng Diyos ang aking puso,
tinakot ako ng Makapangyarihan sa lahat;
17 gayunma'y hindi ako inihiwalay sa kadiliman,
at takpan ng makapal na kadiliman ang mukha ko!
Mga Babala mula sa Kasaysayan ng Israel
10 Mga(A) kapatid, hindi ko nais na hindi ninyo malaman na ang ating mga ninuno ay dumaan sa ilalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat,
2 at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat;
3 at(B) lahat ay kumain ng isang pagkaing espirituwal;
4 at(C) lahat ay uminom ng isang inuming espirituwal. Sapagkat sila'y umiinom sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo.
5 Subalit(D) hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, sapagkat sila'y ibinuwal sa ilang.
6 Ang(E) mga bagay na ito'y naganap bilang halimbawa para sa atin, upang huwag tayong magnasa ng mga bagay na masama na gaya nila.
7 Huwag(F) kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ilan sa kanila, gaya ng nasusulat, “Naupo ang bayan upang kumain at uminom, at tumindig upang sumayaw.”
8 Huwag(G) tayong makiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, at ang namatay[a] sa isang araw ay dalawampu't tatlong libo.
9 Huwag(H) nating tuksuhin si Cristo na gaya ng pagtukso ng ilan sa kanila, at sila'y pinuksa ng mga ahas.
10 Huwag(I) din kayong magbulung-bulungan, gaya ng ilan na nagbulung-bulungan, at sila'y pinuksa ng taga-puksa.
11 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at nasulat bilang pangaral sa atin na dinatnan ng katapusan ng mga panahon.
12 Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal.
13 Walang tuksong dumating sa inyo na hindi karaniwan sa tao, subalit tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayang tiisin.
14 Kaya, mga minamahal ko, lumayo kayo sa pagsamba sa diyus-diyosan.
15 Ako'y nagsasalita sa mga tulad sa marurunong; timbangin ninyo para sa inyong sarili ang sinasabi ko.
16 Ang(J) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikisalo sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikisalo sa katawan ni Cristo?
17 Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.
18 Tingnan(K) ninyo ang bayang Israel;[b] hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay kabahagi sa dambana?
19 Ano kung gayon ang aking sinasabi? Na ang handog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan?
20 Hindi,(L) sinasabi ko na ang mga bagay na inihahandog ng mga pagano ay kanilang inihahandog sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at di ko ibig na kayo'y maging kasama ng mga demonyo.
21 Hindi ninyo maiinuman ang kopa ng Panginoon at ang kopa ng mga demonyo. Kayo'y hindi maaaring makisalo sa mesa ng Panginoon at sa mesa ng mga demonyo.
22 O(M) atin bang papanibughuin ang Panginoon? Tayo ba'y higit na malakas kaysa kanya?
Gawin ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos
23 “Lahat(N) ng mga bagay ay matuwid,” ngunit hindi lahat ng bagay ay makakabuti. “Lahat ng mga bagay ay matuwid,” ngunit hindi ang lahat ng mga bagay ay makakapagpatibay.
24 Huwag hanapin ng sinuman ang kanyang sariling kapakanan kundi ang kapakanan ng iba.
25 Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kainin ninyo na walang pagtatanong dahil sa budhi,
26 sapagkat(O) “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng naririto.”
27 Kung kayo'y anyayahan ng isang hindi sumasampalataya at ibig ninyong pumunta, ang anumang ihain sa inyo ay kainin ninyo na walang pagtatanong dahil sa budhi.
28 Subalit kung sa inyo'y may magsabi, “Ito'y inialay bilang handog,” ay huwag ninyong kainin, alang-alang sa taong nagsabi, at dahilan sa budhi.
29 Ang ibig kong sabihin ay ang budhi niya, hindi ang sa iyo. Sapagkat bakit ang aking kalayaan ay paiilalim sa pasiya ng budhi ng iba?
30 Kung ako'y nakikisalo na may pagpapasalamat, bakit ako'y tutuligsain ng dahil sa bagay na aking ipinagpapasalamat?
31 Kaya kung kayo man ay kumakain, umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.
32 Huwag kayong maging katitisuran para sa mga Judio, o sa mga Griyego, o sa iglesya ng Diyos,
33 kung paanong sinisikap kong makapagbigay-lugod sa lahat ng mga tao sa lahat ng mga bagay, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakanan, kundi ang sa marami, upang sila'y maligtas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001