M’Cheyne Bible Reading Plan
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi kay Jose, “Ang iyong ama ay may sakit.” Kaya't isinama niya ang kanyang dalawang anak, sina Manases at Efraim.
2 Nang sabihin kay Jacob, “Narito, pinuntahan ka ng anak mong si Jose;” siya[a] ay nagpalakas at umupo sa higaan.
3 Sinabi(A) ni Jacob kay Jose, “Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nagpakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako,
4 at sinabi sa akin, ‘Palalaguin at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi pagkamatay mo, bilang isang pag-aari magpakailanman.’
5 Kaya't akin na ngayon ang dalawa mong anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Ehipto bago ako pumarito sa iyo: sina Efraim at Manases, gaya nina Ruben at Simeon.
6 Ang iyong mga anak na ipinanganak pagkaraan nila ay magiging iyo; sila'y tatawagin sa kanilang mana ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid.
7 Sapagkat(B) nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa lupain ng Canaan sa daan, nang malapit nang makarating sa Efrata; at inilibing ko siya roon sa daan ng Efrata” (na siya ring Bethlehem).
8 Nang nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, ay sinabi niya, “Sinu-sino ang mga ito?”
9 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Sila'y aking mga anak, na ibinigay ng Diyos sa akin dito.” Kanyang sinabi, “Dalhin mo sila sa akin, at sila'y aking babasbasan.”
10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, at hindi na siya makakita. Kanyang hinagkan sila, at niyakap.
11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ko akalaing makikita ko pa ang iyong mukha, at ngayon ay ipinakita rin sa akin ng Diyos ang iyong binhi.”
12 Sila'y inalis ni Jose mula sa kanyang mga tuhod, at iniyuko ang kanyang mukha sa lupa.
13 Kapwa sila dinala ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay patungo sa kaliwang panig ni Israel, at si Manases sa kanyang kaliwang kamay patungo sa kanang panig ni Israel, at kanyang inilapit sila sa kanya.
14 Iniunat ni Israel ang kanyang kanang kamay at ipinatong sa ulo ni Efraim, na siyang bunso, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manases, na pinagkrus ang kanyang mga kamay; sapagkat si Manases ang panganay.
15 Kanyang binasbasan si Jose, at sinabi, “Ang Diyos na sa harapan niya ay lumakad ang aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, ang Diyos na naging pastol ko simula nang ako'y ipanganak hanggang sa araw na ito,
16 ang anghel na tumubos sa akin sa bawat kasamaan, nawa'y pagpalain niya ang mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na sina Abraham at Isaac, at nawa'y dumami sila sa ibabaw ng lupa.”
17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ito ay naging masama sa kanyang paningin. Kaya't hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim tungo sa ulo ni Manases.
18 At sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Hindi ganyan, ama ko. Yamang ang isang ito ang panganay, ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo.”
19 Subalit tumanggi ang kanyang ama, “Nalalaman ko, anak ko, nalalaman ko. Siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila. Subalit ang kanyang kapatid na mas bata ay magiging higit na dakila kaysa kanya, at ang kanyang binhi ay magiging napakaraming mga bansa.”
20 Kaya't(C) kanyang binasbasan sila nang araw na iyon, na sinasabi, “Sa pamamagitan mo ang Israel ay magpapala, na magsasabi, ‘Gawin ka nawa ng Diyos na gaya ni Efraim at gaya ni Manases.’”
21 At sinabi ni Israel kay Jose, “Ako'y malapit nang mamatay, ngunit ang Diyos ay lagi ninyong kasama, at ibabalik kayong muli sa lupain ng inyong mga ninuno.
22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang libis ng bundok na higit kaysa iyong mga kapatid, na kinuha ko sa pamamagitan ng aking tabak at busog sa kamay ng mga Amoreo.”
Dinalaw ni Maria si Elizabeth
39 Nang mga araw na iyon ay tumindig si Maria at nagmadaling pumunta sa isang bayan ng Judea, sa lupaing maburol.
40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth.
41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo.
42 Sumigaw siya nang malakas at sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan!
43 Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon?
44 Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.
45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Umawit ng Papuri si Maria
46 Sinabi(A) ni Maria,
47 “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
48 Sapagkat(B) nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay
at banal ang kanyang pangalan.
50 Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya
sa lahat ng sali't-saling lahi.
51 Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso.
52 Ibinaba(C) niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono,
at itinaas ang mga may abang kalagayan.
53 Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay,
at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Tulad(D) nang sinabi niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”
56 Si Maria ay nanatiling kasama niya nang may tatlong buwan, at umuwi siya sa kanyang bahay.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki.
58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya.
59 Nang(E) ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama,
60 ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, “Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan.”
61 At sinabi nila sa kanya, “Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan.”
62 Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[a]
63 Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat.
64 Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos.
65 Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea.
66 Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.
Ang Propesiya ni Zacarias
67 Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito,
68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin
sa sambahayan ni David na kanyang lingkod,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon,
71 upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin,
72 upang ipakita ang habag sa ating mga magulang,[b]
at alalahanin ang kanyang banal na tipan,
73 ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At(F) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan,
sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay[c] sa atin,
79 upang(G) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kanyang pagpapakita sa Israel.
Maikli ang Buhay ng Tao
14 “Ang tao, na ipinanganak ng babae
ay may kaunting araw, at punô ng kaguluhan.
2 Siya'y umuusbong na gaya ng bulaklak, at nalalanta;
siya'y nawawalang gaya ng anino, at hindi namamalagi.
3 At iyo bang iminumulat ang iyong mga mata sa isang gaya nito,
at dinadala siya sa kahatulan na kasama mo?
4 Sinong makakakuha ng malinis na bagay mula sa marumi?
Walang sinuman.
5 Yamang ang kanyang mga araw ay itinakda na,
at ang bilang ng kanyang mga buwan ay nasa iyo,
at iyong itinalaga ang kanyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;
6 ilayo mo sa kanya ang iyong paningin, at ikaw ay huminto,
upang siya'y masiyahan sa kanyang araw tulad ng isang taong upahan.
7 “Sapagkat may pag-asa sa isang punungkahoy,
na kung ito'y putulin ay muling sisibol,
at ang sariwang sanga niyon ay hindi hihinto.
8 Bagaman ang kanyang ugat ay tumanda sa lupa,
at ang tuod niyon ay mamatay sa lupa;
9 gayunma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol iyon,
at magsasanga na gaya ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao ay namamatay at ibinabaon;
ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon?
11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat,
at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12 gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon;
hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising,
ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog.
13 O sa Sheol ay ikubli mo ako nawa,
itago mo ako hanggang sa ang iyong poot ay mawala,
takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at ako'y iyong alalahanin!
14 Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?
Lahat ng araw ng aking pagpupunyagi ay ipaghihintay ko,
hanggang sa dumating ang pagbabago ko.
15 Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo;
iyong nanasain ang gawa ng mga kamay mo.
16 Kung magkagayo'y bibilangin mo ang aking mga hakbang,
at hindi mo babantayan ang aking kasalanan.
17 Ang aking pagsalangsang ay itatago sa isang lalagyan,
at iyong tatakpan ang aking kasamaan.
18 “Ngunit ang bundok ay natitibag at nawawala,
at ang bato ay inalis sa kinaroroonan niyon;
19 inaagnas ng tubig ang mga bato;
tinatangay ng mga baha niyon ang alabok ng lupa;
sa gayon mo winasak ang pag-asa ng tao.
20 Ikaw ay nananaig kailanman laban sa kanya, at siya'y pumapanaw;
iyong binabago ang kanyang mukha, at iyong pinalayas siya.
21 Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman;
sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata.
22 Ngunit ang sakit lamang ng kanyang katawan ay nagbibigay ng sakit sa kanya,
at nagluluksa lamang siya para sa kanyang sarili!”
Ang Cristong Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan.
2 Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus.
3 Ako'y(A) nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig.
4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan,
5 upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Tunay na Karunungan ng Diyos
6 Subalit sa mga may gulang na ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng panahong ito, o ng mga pinuno sa panahong ito, na ang mga ito'y mauuwi sa wala.
7 Kundi nagsasalita kami tungkol sa karunungan ng Diyos, na hiwaga at inilihim, na itinalaga ng Diyos bago ang mga panahon para sa ikaluluwalhati natin.
8 Walang sinuman sa mga pinuno ng sanlibutang ito ang nakaunawa nito, sapagkat kung naunawaan nila, ay hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian.
9 Subalit(B) kagaya ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos.
11 Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos.
12 Ngayon ay aming tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos.
13 Na ang mga bagay na ito ay aming sinasabi hindi sa mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritu na ipinapaunawa ang mga espirituwal ng mga espirituwal.
14 Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu.
15 Ngunit nauunawaan ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, subalit hindi siya nauunawaan ng sinuman.
16 “Sapagkat(C) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya?” Subalit nasa amin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001