M’Cheyne Bible Reading Plan
Ginawang Hari ng Israel si Jehu
9 Samantala, tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, “Magbihis ka. Pumunta ka sa Ramot-gilead at dalhin mo ang langis na ito. 2 Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimshi. Sabihin mong iwan muna niya ang kanyang mga kasamahan at isama mo siya sa isang silid. 3 Doo'y ibuhos mo ang langis na ito sa kanyang ulo. Sabihin mong pinili siya ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na agad.”
4 Pumunta nga sa Ramot-gilead ang kabataang propeta. 5 Nadatnan niyang nagpupulong ang mga opisyal ng hukbo. Sinabi niya, “Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.”
Si Jehu ang sumagot, “Sino sa amin ang kailangan mo?”
“Kayo po,” sagot ng propeta. 6 Tumindig(A) si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay.
Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: binubuhusan kita ngayon ng langis upang maging hari ng Israel na kanyang bayan. 7 Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay. 8 Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya. 9 Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias. 10 Si(B) Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta.
11 Nang bumalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, “Ano ang nangyari? Anong kailangan sa iyo ng luku-lukong iyon?”
Sinabi niya, “Alam na ninyo kung anong gusto ng luku-lukong iyon.”
12 “Ano nga ang sinabi niya?” tanong nila.
At sinabi niya, “Ganito ang sabi niya: ‘Inutusan ako ni Yahweh na buhusan kita ng langis upang ika'y maging hari ng Israel.’”
13 Pagkarinig nito'y dali-dali nilang inalis ang kanilang mga balabal at inilatag sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trumpeta at saka sumigaw: “Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!”
Pinatay ni Jehu si Joram
14 Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya mapapatay si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria. 15 Si Haring Joram ay bumalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga tauhan nito. Sinabi ni Jehu, “Kung talagang kakampi ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta sa Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.” 16 Sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ahazias ng Juda.
17 Mula sa tore ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, “May isang pangkat na dumarating.”
Sumagot si Joram, “Sabihin mong salubungin ng isa nating mangangabayo at itanong kung mga kaibigan ba sila o mga kaaway.”
18 Kaya sinalubong sina Jehu ng isang mangangabayo at sinabi, “Ipinatatanong po ng hari kung kayo'y kaibigan o kaaway.”
Sumagot si Jehu, “Kaibigan man o kaaway, wala akong pakialam. Sumunod ka na lang sa akin.”
Dahil dito sinabi ng bantay, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin dito ang pangkat.”
19 Inutusan niyang muli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kaibigan ba sila o kaaway. Sinabi ni Jehu, “Anong kaibigan o kaaway? Sumunod ka na lang sa akin.”
20 Sinabi uli ng bantay kay Joram, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin ang pangkat. Parang isang sira-ulo sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng karwahe ang kanilang pinuno; parang si Jehu na anak ni Nimshi.”
21 Sinabi ni Joram, “Ihanda ninyo ang aking sasakyan.” Dali-daling sumakay sina Joram at Ahazias at sinalubong ang pangkat ni Jehu. Nagkasalubong sila sa lupain ni Nabot. 22 Nang makilala siya ni Joram, itinanong nito, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Jehu?”
Sumagot si Jehu, “Magkakaroon ba ng kapayapaan habang naglipana ang pagsamba sa diyus-diyosan at pangkukulam na pinalaganap ng ina mong si Jezebel?”
23 Nang marinig ito, biglang ibinuwelta ni Joram ang kanyang karwahe upang tumakas kasabay ng sigaw kay Ahazias, “Pinagtaksilan tayo!” 24 Ngunit buong lakas na pinana ni Jehu si Joram. Tinamaan siya sa likod at tumagos ang palaso sa puso. Bumagsak si Joram sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu sa kanyang katulong na si Bidcar, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot ng Jezreel. Alalahanin mo ang pahayag ni Yahweh laban sa ama niyang si Ahab noong tayo'y kasama pa niya. 26 ‘Nakita(C) mo ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak, gagantihan kita sa lupaing ito.’ Kaya nga, buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot, upang matupad ang sinabi ni Yahweh.”
Pinatay ni Jehu si Ahazias
27 Nang makita ni Ahazias ang nangyari, tumakas siya papuntang Beth-agan. Ngunit ipinapana rin siya ni Jehu at siya'y bumagsak sa loob ng karwahe nang paahon ito sa Gur na malapit sa Ibleam. Gayunman, nakatakas siya sa Megido at doon namatay. 28 Ang bangkay niya'y kinuha ng kanyang mga tagapaglingkod at isinakay sa karwahe. At siya'y inilibing nila sa Jerusalem, sa libingan ng kanyang mga ninuno sa bayan ni David.
29 Si Ahazias ay naging hari ng Juda noong ika-11 taon ng paghahari ni Joram sa Israel.
Ang Pagkamatay ni Jezebel
30 Bumalik si Jehu sa Jezreel at ito'y nabalitaan ni Jezebel. Kinulayan ni Jezebel ang kanyang mga mata, inayos na mabuti ang buhok at dumungaw sa bintana ng palasyo. 31 Nang makita niyang pumapasok si Jehu, itinanong niya, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Zimri, mamamatay ng sariling panginoon?”
32 Tumingala si Jehu at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang aking kakampi?” Nang dumungaw ang dalawa o tatlong eunuko 33 sinabi niya sa mga ito, “Ihulog ninyo ang babaing iyan.” Inihulog nga nila si Jezebel. Nang ito'y bumagsak sa lupa, tumilamsik sa pader at sa mga kabayo ang kanyang dugo. At ang bangkay ay pinasagasaan niya sa karwahe. 34 Pumasok si Jehu sa palasyo upang kumain at uminom. Maya-maya, sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaing iyon at ilibing ninyo sapagkat anak din naman siya ng hari.” 35 Nang puntahan nila ang bangkay upang ilibing, wala na silang nadatnan kundi ang ulo, mga buto ng kamay at paa nito. 36 Nang(D) ibalita nila ito kay Jehu, sinabi nito, “Ito'y katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Elias na, ‘Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa mismong nasasakupan ng Jezreel. 37 Parang duming sasambulat ang kanyang bangkay at walang makakakilala sa kanya.’”
6 Ang mga alipin ay dapat magpakita ng buong paggalang sa kanilang mga amo upang walang masabing masama laban sa pangalan ng Diyos at sa ating aral. 2 At kung ang kanila namang amo ay kapwa nila mananampalataya, ang kanilang pagiging magkapatid ay hindi dapat maging dahilan ng hindi nila paggalang sa mga ito. Sa halip, dapat pa nga nilang pagbutihin ang kanilang paglilingkod sapagkat ang nakikinabang sa kanilang paglilingkod ay mga mananampalatayang minamahal nila. Ituro mo't ipatupad ang mga bagay na ito.
Mga Huwad na Guro at ang Tunay na Kayamanan
3 Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos, 4 siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at masasamang hinala. 5 Mahilig din siyang makipagtalo sa mga taong baluktot ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan. Ang mga taong ito'y nag-aakala na ang relihiyon ay paraan ng pagpapayaman.
6 Sa katunayan, may malaki ngang pakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan. 7 Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. 8 Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo'y may pagkain at pananamit. 9 Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.
Mga Tagubilin para kay Timoteo
11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. 12 Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. 13 Iniuutos(A) ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.
17 Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. 18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. 19 Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.
20 Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang lumalapastangan sa Diyos at ang mga pagtatalo tungkol sa hindi totoong karunungan. 21 Dahil sa kanilang pag-aangking mayroon sila nito, may mga nalihis na sa pananampalataya.
Sumainyo ang kagandahang-loob ng Diyos.
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh kay Hosea, na anak ni Beeri. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias. Si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari noon ng Israel.
Ang Asawa at mga Anak ni Hosea
2 Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.”
3 Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. 4 Sinabi(B) ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel[a] ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. 5 Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”
6 Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama[b] sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. 7 Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”
8 Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. 9 At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi,[c] sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”
Ang Israel ay Panunumbalikin
10 Gayunma'y(C) magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”
11 Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Yod)
73 Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan;
bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
74 Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita,
matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa.
75 Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas,
kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat.
76 Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
77 Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,
ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.
78 Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain,
sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim.
79 Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,
maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.
80 Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan,
upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Kap)
81 Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas;
lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
82 Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,
ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?”
83 Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,
gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
84 Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,
sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
85 Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin,
nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
86 Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,
sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
87 Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,
ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan.
88 Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin,
at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin.
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.