M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Palasyo ni Solomon
7 Labingtatlong taon naman ang ginugol ni Solomon sa pagpapagawa ng kanyang palasyo. 2 Ang gusaling tinatawag na Gubat ng Lebanon ay may apatnapu't limang metro ang haba, dalawampu't dalawa't kalahating metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Ang gusaling ito ay may apat na hanay ng haliging sedar, na siyang kinapapatungan ng mga bigang sedar. 3 Sedar din ang bubong ng mga silid na nakapatong sa apatnapu't limang haligi. 4 Tatlong hanay ang mga bintana, at ang mga ito'y magkakatapat. 5 Parihaba ang mga hamba ng mga pinto at bintana, at pawang magkakatapat.
6 Nagpagawa rin siya ng Bulwagan ng mga Haligi na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang haba at labingtatlo't kalahating metro naman ang luwang. Sa pagpasok nito ay may isang pasilyong may bubong.
7 Ang silid na kinalalagyan ng trono na tinatawag ding Bulwagan ng Katarungan at kung saan nagbibigay ng hatol si Solomon, ay may dingding, sahig at kisame na tablang sedar.
8 Sa(A) likod naman ng bulwagang iyon ay nagpagawa siya ng kanyang tirahan, at ang yari nito'y tulad ng silid Hukuman. Ang kanyang reyna, ang anak ng Faraon, ay ipinagtayo rin niya ng tirahan, at ito'y katulad ng sa kanya.
9 Ang lahat ng gusali ay yari sa naglalakihang bato na tinabas ng lagari sa likod at harap. 10 May tatlo't kalahating metro ang sukat ng mga batong ginamit sa pundasyon, at mayroon ding apat at kalahating metro. 11 Sa paitaas naman, mamahaling batong tinabas at mga trosong sedar ang ginamit. 12 Gaya ng portiko at patyo ng Templo, ang patyo ng palasyo ay naliligid ng tatlong hanay na batong tinabas at isang hanay na trosong sedar.
Ang mga Kagamitan sa Templo
13 Ipinatawag ni Solomon sa Tiro si Hiram, 14 anak ng isang balo mula sa lipi ni Neftali na napangasawa ng isang manggagawa ng mga kagamitang tanso na taga-Tiro. Si Hiram ay matalinong manggagawa, at mahusay gumawa ng anumang kagamitang tanso. Siya ang ipinatawag ni Haring Solomon upang gumawa ng lahat ng kagamitang yari sa tanso.
Ang mga Haliging Tanso(B)
15 Gumawa siya ng dalawang haliging tanso. Walong metro ang taas ng mga ito at lima't kalahating metro ang sukat sa pabilog. 16 Ang bawat haligi ay nilagyan niya ng koronang tanso na dalawa't kalahating metro ang taas. 17 Gumawa pa siya ng dalawang palamuting animo'y kadena na pinalawit niya sa dakong ibaba ng kapitel, pitong likaw bawat kapitel. 18 Naghulma pa siya ng mga hugis granadang tanso na inilagay niya sa ibaba at itaas ng palamuting kadena, dalawang hanay bawat korona ng haligi.
19 Ang mga korona naman ng mga haligi ay hugis bulaklak ng liryo at dalawang metro ang taas. 20 Sa ibaba nito nakapaligid ang mga granadang tanso, 200 bawat kapitel.
21 Ang mga haliging ito ay itinayo sa pasilyong nasa harap ng Templo, sa magkabilang tabi ng pinto. Ang kanan ay tinawag na Jaquin[a] at ang kaliwa'y Boaz.[b] 22 At sa ibabaw ng mga haligi'y nilagyan ng mga kapitel na hugis-liryo. Dito natapos ang paggawa ng mga haligi.
Ang Tansong Ipunan ng Tubig(C)
23 Gumawa si Hiram ng isang malaking ipunan ng tubig apat at kalahating metro ang luwang ng labi nito, dalawa't kalahating metro ang lalim at labingtatlo't kalahating metro naman ang sukat sa pabilog. 24 Sa gilid nito'y nakapaikot ang palamuting hugis upo, sampu sa bawat kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na kasamang hinulma ng ipunan. 25 Ang ipunan ay ipinatong sa gulugod ng labindalawang torong tanso, na magkakatalikuran: tatlo ang nakaharap sa silangan, tatlo sa kanluran, tatlo sa hilaga at tatlo sa timog. 26 Tatlong pulgada ang kapal ng ipunan at ang labi nito'y parang labi ng tasa, hugis bulaklak ng liryo. Ang ipunang tanso ay naglalaman ng 10,000 galong tubig.
Ang mga Patungan ng Hugasan
27 Gumawa pa siya ng sampung patungang tanso para sa mga hugasan. Bawat isa'y dalawang metro ang haba at lapad; isa't kalahating metro naman ang taas. 28 Ang mga ito ay ginawang parisukat na dingding na nakahinang sa mga balangkas. 29 Ang bawat dingding ay may mga nakaukit na larawan ng leon, baka, at kerubin. Ang mga gilid naman ng balangkas sa itaas at ibaba ng leon at baka ay may mga nakaukit na palamuting bulaklak na hugis korona. 30 Ang bawat patungan ay may apat na gulong na tanso at mga eheng tanso. Sa apat na sulok ng patungan ay may apat na tukod na tanso na siyang patungan ng hugasan. 31 Sa ibabaw ng mga tukod na ito ay may pabilog na balangkas para patungan ng hugasan at may taas na kalahating metro. Ang butas ng korona ay bilog at may 0.7 metro ang lalim. Ngunit parisukat ang ibabaw ng patungan, at ito'y may mga dibuhong nakaukit.
32 Ang bastidor ay nakapatong sa mga ehe ng gulong. Ang mga gulong naman ay nasa ilalim ng mga dingding. Dalawampu't pitong pulgada ang taas ng mga gulong, 33 at ang mga ito'y parang mga gulong ng karwahe; ang mga ehe, gilid, rayos at ang panggitnang bahagi ng gulong ay yaring lahat sa tanso. 34 Ang mga tukod naman sa apat na sulok at ang patungan ay iisang piraso. 35 Ang ibabaw ng patungan ay may leeg na pabilog, siyam na pulgada ang taas. Dito nakasalalay ang labi ng hugasan. Ang leeg, ang kanyang suporta at ang ibabaw ng patungan ay iisang piyesa lamang, 36 at ito'y may mga disenyong kerubin, leon, baka at mga punong palma.
37 Ganyan ang pagkayari ng sampung patungang tanso; iisa ang pagkakahulma, iisang sukat at iisang hugis.
38 Gumawa(D) rin siya ng sampung hugasang tanso, tig-isa ang bawat patungan. Dalawang metro ang luwang ng labi, at naglalaman ang bawat isa ng 880 litrong tubig. 39 Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan.
40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon: 41 ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel; 42 ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel; 43 ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan; 44 ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon; 45 ang mga kaldero, pala at mangkok.
Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso. 46 Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47 Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.
48 Nagpagawa(E) rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog; 49 ang(F) mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa; 50 ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.
51 Natapos(G) ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo.
Ang Pagkakaisa sa Espiritu
4 Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. 2 Kayo'y(A) maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. 3 Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. 4 May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos. 5 May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, 6 iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.
7 Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. 8 Ganito(B) ang sinasabi ng kasulatan:
“Nang umakyat siya sa kalangitan,
nagdala siya ng maraming bihag,
at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.”
9 Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.[a] 10 Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang buong sangnilikha. 11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, 13 hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.
20 Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at(C) ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
25 Dahil(D) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(E) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(F) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Ang Libis na Puno ng Kalansay
37 Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu[a] ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay. 2 Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. 3 Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”
Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.”
4 Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. 5 Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. 6 Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
7 Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. 8 Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. 9 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.” 10 Nagpahayag(A) nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.
11 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ 12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. 13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. 14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.”
Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa ng Juda at ng Israel
15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo. 18 Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon, 19 sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang. 20 Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan 21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. 22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. 23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Isang(B) tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. 25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. 27 Ako'y(C) maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. 28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
Panalangin ng Paghingi ng Tulong
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[d] Isang Maskil[e] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.
88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
2 Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
sa aking pagdaing ako ay tulungan.
3 Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
4 Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
5 Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
6 Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
7 Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[f]
8 Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
9 Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.
10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[g]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?
13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.