M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinagaling ang Ketong ni Naaman
5 Sa(A) Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong. 2 Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang dalagitang Israelita. Naging katulong ang dalagitang ito ng asawa ni Naaman. 3 Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta na nasa Samaria, tiyak na pagagalingin siya niyon.” 4 Nang marinig ito ni Naaman, pumunta siya sa hari at ibinalita ang sinabi ng dalagitang Israelita.
5 Sinabi naman ng hari, “Sige, pumunta ka at magpapadala ako sa iyo ng sulat para sa hari ng Israel.”
Pumunta nga si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuotan. 6 Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.”
7 Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”
8 Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.”
9 Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe. 10 Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”
11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin. 12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”
13 Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” 14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.
15 Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay bumalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong aking nakayanan.”
16 Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos na aking pinaglilingkuran,[a] hindi ako tatanggap ng kahit ano.” Pinilit siya ni Naaman ngunit talagang ayaw niyang tumanggap.
17 Dahil dito, sinabi ni Naaman, “Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po bang mag-uwi ako ng lupa mula rito? Kakargahan ko ng lupa ang aking dalawang mola. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng handog na susunugin sa sinumang diyos liban kay Yahweh. 18 At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba, isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon.”
19 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Humayo kang payapa.”
Nang malayu-layo na si Naaman, 20 naisaloob ni Gehazi na lingkod ni Eliseo, “Hindi tinanggap ng aking panginoon ang ibinibigay sa kanya ni Naaman? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] hahabulin ko ang taga-Siriang iyon at hihingi ako sa kanya ng kahit ano.”
21 Sinundan nga niya si Naaman. Nang makita siya nitong tumatakbo, bumabâ ito ng karwahe. Sinalubong siya nito at tinanong, “May problema ba?”
22 Sumagot siya, “Wala naman po. Pinasunod lang ako ng aking panginoon para sabihing may dumating na dalawang mahirap na propeta mula sa Efraim. Kung maaari raw ay bigyan mo sila ng 35 kilong pilak at dalawang bihisang damit.”
23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana itong 70 kilong pilak.” At pilit niyang ibinigay ang 70 kilong pilak. Isinilid ito sa dalawang supot kasama ng dalawang bihisang damit at ipinapasan sa dalawa niyang tauhan. At ang mga ito'y naunang lumakad kay Gehazi. 24 Pagdating sa burol, kinuha niya sa dalawa ang mga dala nito at pinabalik na kay Naaman. At itinago niya sa bahay ang mga supot at mga damit. 25 Pagkatapos, bumalik siya sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, “Saan ka galing, Gehazi?”
“Hindi po ako umaalis,” sagot niya.
26 Sinabi ni Eliseo, “Hindi ba't kasama mo ang aking espiritu nang bumabâ sa karwahe si Naaman at salubungin ka. Hindi ngayon panahon ng pagtanggap ng salapi, damit, taniman ng olibo, ubasan, tupa, baka at mga alipin! 27 Kaya't ang sakit sa balat ni Naaman na parang ketong ay mapupunta sa iyo at sa mga susunod mong salinlahi.” Nang umalis si Gehazi, nagkaroon siya ng maputing sakit sa balat na parang ketong.
Mga Tagubilin tungkol sa Panalangin
2 Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. 2 Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. 3 Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. 5 Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. 7 Dahil(A) dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!
8 Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.
9 Ang(B) mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. 12 Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. 13 Sapagkat(C) unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at(D) hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya[a] sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.
Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan
9 Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. 2 Akong(A) si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.
3 Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. 4 Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:
“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. 5 Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. 6 Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. 7 Panginoon,(B) lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. 8 Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. 9 Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik 10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang(C) buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. 12 Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. 13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. 14 Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa. 15 Panginoon(D) naming Diyos, ipinakilala ninyo ang inyong kapangyarihan mula nang ilabas ninyo ang inyong bayan mula sa lupain ng Egipto hanggang ngayon. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa inyo. 16 Kaya nga, O Panginoon, alang-alang sa inyong mabuting gawa, huwag na po kayong mapoot sa Jerusalem na inyong lunsod, ang inyong banal na bundok. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang inyong bayan ay hinahamak ng mga bansang nakapaligid sa amin. 17 Dahil(E) dito, O aming Diyos, pakinggan po ninyo ang pakiusap at daing ng inyong alipin at alang-alang sa inyo O Diyos, kahabagan po ninyo ang inyong Templong nawasak. 18 O(F) Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin. 19 Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pahayag
20 Habang ako'y nananalangin at ipinapahayag ko ang aking kasalanan at ang kasalanan ng bayan kong Israel, nakikiusap ako Yahweh, aking Diyos, alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos, 21 ang(G) anghel na si Gabriel, na nakita ko sa aking unang pangitain, ay mabilis na lumipad palapit sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi. 22 Sinabi niya, “Daniel, naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa. 23 Sa simula pa lamang ng iyong pakikiusap ay tinugon ka na ng Diyos. Labis ka niyang minamahal. Naparito ako para sabihin sa iyo ang kanyang tugon, kaya makinig ka upang maunawaan mo ang pangitain.
24 “Pitumpung linggo[a] ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod upang tigilan ang pagsuway, wakasan ang kasamaan, at pagbayaran ang kasalanan. Pagkatapos, maghahari na ang walang hanggang katarungan, magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag; itatalaga na rin ang Kabanal-banalan. 25 Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo.[b] Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang linggo;[c] ito ay panahon rin ng kaguluhan. 26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang linggo,[d] papatayin ang hinirang ng Diyos. Ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang wakas ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan at pagkawasak na itinakda ng Diyos. 27 Ang(H) haring ito'y gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao sa loob ng isang linggo.[e] Pagkaraan ng kalahating linggo,[f] papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. Mananatili ito roon hanggang sa wakasan ng Diyos ang naglagay nito.”
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
117 Purihin(A) si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
2 Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagtatagumpay
118 Purihin(B) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
3 Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
4 Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
5 Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
6 Kung(C) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
7 Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
8 Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
9 Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(D) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
22 Ang(E) (F) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(G) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
26 Pinagpala(H) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.
28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.