Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 18

Napatay si Absalom

18 Tinipon ni David ang lahat ng mga tauhan niya at pinagpangkat-pangkat ang mga ito. Naglagay siya ng mga pinuno sa mga pangkat na tig-iisanlibo at tig-iisandaan. Pinagtatlo niya ang buong hukbo; ang unang pangkat ay pinamunuan ni Joab, ang pangalawa ay pinamunuan ni Abisai at ang ikatlo'y ibinigay naman kay Itai na Geteo. Sinabi ng hari sa kanila, “Sasama ako sa inyo sa labanan.”

Ngunit tumutol ang mga tauhan at sinabi nila, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Kung kami po'y matalo at mapaatras, iyon po'y walang halaga sa mga kaaway—kahit pa mapatay ang kalahati sa bilang namin. Ngunit ang katumbas ninyo'y sampung libong kawal. Kaya't mas mabuti pong doon na kayo sa lunsod, at padalhan na lamang ninyo kami ng tulong.”

“Gagawin ko kung ano ang inaakala ninyong pinakamabuti,” sagot ng hari. Tumayo na lang siya sa may pintuan ng lunsod habang papalabas ang kanyang mga kawal na nasa pangkat na libu-libo at daan-daan. Pinagbilinan niya sina Joab, Abisai at Itai, “Alang-alang sa aki'y huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.” Narinig ng buong hukbo ang bilin ng hari sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom.

Hinarap ng hukbo ni David ang mga Israelita at naglaban sila sa kagubatan ng Efraim. Natalo ng mga tauhan ni David ang mga Israelita, at dalawampung libong kawal ang napatay nang araw na iyon. Umabot ang labanan hanggang sa mga kabukiran. Nang araw na iyon, mas marami pa ang namatay sa kagubatan kaysa namatay sa tabak.

Nakasalubong naman ni Absalom ang ilang kawal ni David. Nakasakay noon sa mola si Absalom, at pagdaan niya sa ilalim ng isang malaking puno ng ensina, napasabit ang ulo niya sa mga sanga. Nagpatuloy sa pagtakbo ang mola at naiwan si Absalom na nakabitin sa puno. 10 Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang puno ng ensina.”

11 Pagkarinig nito'y sinabi ni Joab sa lalaki, “Nakita mo na palang nakabitin, bakit hindi mo pa siya pinatay doon? Nakatanggap ka sana sa akin ng sampung pirasong pilak at isang sinturon.”

12 Sumagot ang lalaki, “Kahit na po gawin ninyong sanlibong pirasong pilak, hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang anak ng hari. Narinig po naming lahat ang utos ng hari sa inyo at kina Abisai at Itai na huwag sasaktan ang anak niyang si Absalom alang-alang sa kanya. 13 Kung siya'y pinagbuhatan ko ng kamay at namatay, malalaman din po iyon ng hari at hindi naman kayo ang mananagot sa nangyari.”

14 “Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon,” sabi ni Joab. Kumuha siya ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo'y buháy pang nakabitin sa puno. 15 Pagkatapos nito'y pumaligid ang sampung tauhan ni Joab kay Absalom at pinatay ito.

16 Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang kanyang buong hukbo ay huminto na sa pagtugis sa mga Israelita. 17 Kinuha nila ang bangkay ni Absalom, inihulog sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan ng mga bato. Nagsitakas naman at umuwi na ang lahat ng mga Israelita.

18 Noong nabubuhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng isang bantayog sa Libis ng Hari. Ginawa niya ito bilang alaala, sapagkat wala siyang anak na lalaking magpapatuloy ng kanyang pangalan. Isinunod niya sa kanyang pangalan ang bantayog na iyon, at hanggang ngayo'y tinatawag iyong Bantayog ni Absalom.

Ibinalita kay David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Hayaan ninyo akong tumakbo upang maibalita ko agad sa hari na siya'y nailigtas na ni Yahweh sa kanyang mga kaaway.”

20 Ngunit sinabi ni Joab, “Huwag mong gagawin iyan sa araw na ito. Ipagpaliban mo na sa ibang araw sapagkat namatay ang anak ng hari.” 21 At inutusan niya ang isang aliping Cusita para ibalita kay David ang nangyari. Nagbigay-galang muna ito kay Joab, bago patakbong umalis.

22 Nagsumamo kay Joab si Ahimaaz: “Anuman po ang mangyari'y pahintulutan ninyong sundan ko ang Cusita.”

“Bakit, anak ko?” tanong ni Joab. “Wala kang mapapala sa pagbabalita mo.”

23 “Kahit po anong mangyari, basta't pahintulutan ninyo ako,” wika niya.

“Sige, tumakbo ka,” wika ni Joab. Tumakbo nga si Ahimaaz at dumaan sa Libis ng Jordan at naunahan pa niya ang aliping Cusita.

24 Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lunsod. Umakyat naman sa tore ng pader ang isang bantay. Pagtanaw niya'y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit. 25 Sumigaw siya sa hari at sinabi ang kanyang nakita. Sabi ng hari, “Kung nag-iisa siya, tiyak na magandang balita ang dala niya.”

26 Samantala, ang bantay sa tore ay may nakita pang isang lalaking tumatakbong papalapit din. Kaya't tinawag niya ang bantay-pinto at sinabi, “Tingnan mo, may isa pang tumatakbo sa hulihan!”

Sinabi ng hari, “Magandang balita rin ang dala niyan.”

27 “Sa tingin ko'y si Ahimaaz na anak ni Zadok ang nauunang dumarating,” sabi ng bantay.

“Mabuting tao 'yan, at magandang balita ang dala niya,” sabi ng hari.

28 Nauna ngang dumating si Ahimaaz. Yumukod siya sa harapan ng hari at sinabi, “Purihin si Yahweh na inyong Diyos, na siyang dumaig sa mga taong naghimagsik laban sa mahal na hari!”

29 “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.

“Kamahalan, isinugo po ako ng inyong lingkod na si Joab,” sagot ni Ahimaaz, “at noon pong paalis na ako, nagkakagulo sila at hindi ko po alam ang dahilan.”

30 Sinabi sa kanya ng hari, “Tumayo ka muna diyan sa isang tabi,” at ganoon nga ang ginawa ni Ahimaaz.

31 Dumating naman ang Cusita at ganito ang sabi: “Magandang balita, Kamahalan! Ngayong araw na ito'y iniligtas kayo ni Yahweh sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.”

32 “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.

“Mangyari nawa sa lahat ng inyong mga kaaway at sa lahat ng naghihimagsik laban sa inyo ang nangyari kay Absalom!”

33 Nang marinig ito'y naghinagpis ang hari. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng pintuan ng lunsod at buong pait na tumangis. Habang lumalakad siya'y sinasabi niya, “Anak kong Absalom! Anak ko, anak ko, Absalom! Ako na lang sana ang namatay at hindi ikaw, Absalom, anak ko, anak ko!”

2 Corinto 11

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. Ngunit(A) nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay][a] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.

Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon.

Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababà upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? Ibang iglesya ang tumustos sa aking mga pangangailangan. Parang ninakawan ko sila, makapaglingkod lamang sa inyo. At(B) nang ako'y kapusin diyan, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Iniwasan ko, at patuloy kong iiwasan na maging pabigat sa inyo sa anumang paraan. 10 Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi mapapatigil ang pagmamalaki kong ito saanman sa Acaya. 11 Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal!

12 At patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang mawalan ng batayan ang pagmamalaki ng iba na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. 13 Ang mga iyan ay mga huwad na apostol, madadayang manggagawa at nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag. 15 Kaya, hindi kataka-taka na ang kanyang mga lingkod ay magkunwaring lingkod ng katuwiran. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa.

Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!

Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. 22 Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. 23 Sila(C) ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24 Limang(D) beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25 tatlong(E) ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano][b], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. 26 Sa(F) malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. 27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28 Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit.

30 Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Nang(G) ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33 Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas.

Ezekiel 25

Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita

25 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon at magpahayag laban sa kanila. Sabihin mo sa kanila na dinggin ang salita ni Yahweh: Natuwa kayo nang makita ninyong nilapastangan ang aking Templo, nang wasakin ang lupain ng Israel, at pangalatin ang mga taga-Juda. Dahil dito, kayo ay ipapasakop ko sa mga taga-silangan, at sila'y maninirahang kasama ninyo. Sila'y makakahati ninyo sa inyong pagkain at inumin. Ang Rabba ay gagawin kong pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon ay pastulan ng mga tupa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ikaw ay pumalakpak at lumundag sa kagalakan, bilang pagkutya sa Israel. Dahil diyan, paparusahan kita. Pababayaan kong lusubin ka at looban ng ibang bansa. Ikaw ay ganap na mawawasak, anupa't hindi ka na kikilanling isang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Moab

Ito(B) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. 10 Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. 11 Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Edom

12 Ito(C) ang ipinapasabi ni Yahweh sa Edom: “Pinaghigantihan mo ang Juda at ito'y kasalanan mong hindi mapapawi kailanman. 13 Dahil dito, paparusahan kita. Papatayin ko ang iyong mga mamamayan at mga hayop hanggang sa ikaw ay maging pook ng kapanglawan. Mula sa Teman hanggang Dedan, lahat ay papatayin ko sa tabak. 14 Paghihigantihan kita sa pamamagitan ng bayan kong Israel. Sila ang gagawa sa iyo ng dapat kong gawin dahil sa matinding poot ko sa iyo. Sa gayon, malalaman mo kung gaano katindi akong maghiganti.”

Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo

15 Ito(D) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa mga Filisteo: “Pinaghigantihan mo ang Israel at ibig mong lipulin dahil sa matagal na ninyong alitan. 16 Dahil dito, paparusahan ko kayo. Lilipulin ko ang mga taga-Creta pati ang naninirahan sa baybay-dagat. 17 Paparusahan ko sila nang mabigat bilang paghihiganti, at madarama nila ang tindi ng aking galit. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”

Mga Awit 73

IKATLONG AKLAT

Ang Katarungan ng Diyos

Awit ni Asaf.

73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
    sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
    sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
    at sa biglang yaman ng mga masama.
Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
    sila'y masisigla't katawa'y malakas.
Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
    di nila dinanas ang buhay na gipit.
Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
    at ang dinaramit nila'y pandarahas.
Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
    at masasama rin ang nasa isipan;
mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
    ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
    labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
    anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
    walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
    di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
    hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
    sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.

15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
    sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
    mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
    na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
    upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
    kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
    pati anyo nila'y nalimutan na rin.

21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
    at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
    sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
    sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
    marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
    at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
    ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.

27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
    at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
    Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
    ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.