Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 4-5

Pinatay si Isboset

Nang malaman ni Isboset na si Abner ay pinatay sa Hebron, pinagharian siya ng takot, pati ang buong Israel. Noo'y may dalawa siyang pinuno sa pagsalakay, sina Baana at Recab. Sila'y mga anak ni Rimon na taga-Beerot at mula sa lipi ni Benjamin. Ang Beerot ay dating sakop ng Benjamin, ngunit ang mga tagaroon ay tumakas at nagpunta sa Gitaim at doon na nanirahan.

Isa(A) pa sa mga apo ni Saul ay si Mefiboset na anak ni Jonatan. Limang taon siya noon nang mapatay sa Jezreel sina Saul at Jonatan. Nang dumating ang malagim na balita, dinampot siya ng tagapag-alaga upang itakas. Ngunit sa pagmamadali ay nabitawan siya at iyon ang dahilan ng kanyang pagkalumpo.

Isang tanghali, sina Recab at Baana ay pumasok sa tahanan ni Isboset samantalang ito'y namamahinga. Hindi sila namalayang pumasok sapagkat ang babaing bantay-pinto ay nakatulog dahil sa pagod sa paglilinis ng trigo.[a] Kaya't tuluy-tuloy sila sa silid ni Isboset at pinatay nila habang ito'y natutulog. Pinutol nila ang kanyang ulo saka sila tumakas. Magdamag silang naglakbay sa lupain ng Araba patungo sa Hebron. Dinala nila ang ulo ni Isboset kay David at ang sabi rito, “Narito ang ulo ng anak ni Saul, ang nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ngayon ni Yahweh ang inyong kadakilaan!”

Sumagot na may sumpa si David sa magkapatid na Recab at Baana, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] at tumulong sa akin sa lahat kong kagipitan. 10 Hinuli(B) ko at pinatay sa Ziklag ang taong nagbalita sa aking patay si Saul sa pag-aakalang matutuwa ako sa balitang iyon. 11 Gaano pa kaya ang aking gagawin sa mga taong pumatay sa walang malay na natutulog sa sariling tahanan! Hindi kaya dapat kayong lipulin sa daigdig na ito dahil sa ginawa ninyong iyan?” 12 Kaya't iniutos ni David na sila'y patayin at ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid at ibinitin sa may lawa sa Hebron. Ang ulo naman ni Isboset ay dinala sa Hebron at isinama sa libingan ni Abner.

Naghari si David sa Israel at Juda(C)

Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. Tatlumpung(D) taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.

Nang(E) siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon.

Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!”

Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. 10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

11 Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David. 12 Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel.

13 Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak. 14 Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, 16 Elisama, Eliada at Elifelet.

Nalupig ang mga Filisteo(F)

17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay kinilala nang hari ng Israel, tinipon nila ang kanilang hukbo upang siya'y digmain. Umabot ito sa kaalaman ni David, kaya't nagpunta siya sa isang kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at humanay sa kapatagan ng Refaim. 19 Sumangguni si David kay Yahweh, “Lalabanan ko ba ang mga Filisteo? Matatalo ko ba sila?” tanong ni David.

Sumagot si Yahweh, “Lumusob ka at magtatagumpay ka.”

20 Lumusob nga si David at tinalo niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim.[c] Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Kaya, Baal-perazim ang itinawag sa lugar na iyon. 21 Naiwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan at ang mga iyo'y kinuha nina David.

22 Ngunit nagbalik ang mga Filisteo at humanay muli sa kapatagan ng Refaim. 23 Sumangguni na naman kay Yahweh si David at ito ang sagot: “Huwag mo silang lulusubin nang harapan. Lumigid ka sa kanilang likuran sa tapat ng mga puno ng balsam. 24 Pagkarinig mo ng mga yabag sa itaas ng mga kahuyan, lumusob ka agad, sapagkat ako ang nangunguna upang gapiin sila.” 25 Sinunod ni David ang iniutos ni Yahweh at tinalo nga nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang Gezer.

1 Corinto 15

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naliligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; maliban na lamang kung walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya.

Sapagkat(A) ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing(B) siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan; at(C) siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. At nagpakita rin siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol.

Sa(D) kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang wala sa panahon. Sapagkat(E) ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? 13 Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 15 Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. 16 Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. 17 At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 18 Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito,[a] tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat(F) si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito(G) ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat.

29 Kung(H) hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? 30 At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? 31 Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!][b] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! 32 Kung(I) ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway[c] sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”

33 Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.” 34 Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.

Ang Uri ng Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”

36 Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. 37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.

39 At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.

40 May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. 41 Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang ningning ng mga bituin, at maging ang mga bituin ay magkakaiba ang ningning.

42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay; 43 walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay; 44 inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal. 45 Ganito(J) ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi nauna ang espirituwal; ang pisikal muna bago ang espirituwal. 47 Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. 49 Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.

50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi nasisira.

51 Isang(K) hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, 52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54 Kapag(L) ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”

55 “Nasaan,(M) O kamatayan, ang iyong tagumpay?
    Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”

56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.

57 Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!

58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.

Ezekiel 13

Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propeta

13 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propeta ng Israel sapagkat ang ipinapahayag nila sa mga tao ay sarili nilang kaisipan at hindi mula sa akin. Sabihin mo sa kanilang makinig sa mensahe ni Yahweh!”

Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang kalagayang sasapitin ng mga propetang nagpapahayag ng sariling kaisipan at hindi ang mula sa akin. Bayang Israel, ang iyong mga propeta ay parang mga alamid sa mga pook ng lagim. Hindi nila ginawa ang sirang bahagi ng pader ng sambahayan ni Israel para ito'y manatiling nakatayo sa araw ni Yahweh. Pawang kasinungalingan ang ipinahayag nila. Ang pahayag nila'y, ‘Sinasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko sila sinusugo. Sa kabila noon, inaasam nilang pangyayarihin ko ang kanilang ipinahayag. Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang pahayag sapagkat sabi nila'y ipinapasabi ko iyon bagama't wala akong sinasabing ganoon.”

Kaya't ipinapasabi sa kanila ng Panginoong Yahweh: “Huwad ang inyong pangitain at kasinungalingan ang inyong pahayag. Ako'y laban sa inyo. Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 10 Dinadaya(A) ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo. 11 Sabihin mo sa kanila na guguho ang pader na iyon sapagkat bubuhos ang malakas na ulan, babagyo ng yelo at magpapadala ako ng unos. 12 At pagbagsak ng pader na iyon, itatanong sa inyo kung nasaan ang inyong itinapal.”

13 Kaya, ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dahil sa aking galit, magpapadala ako ng unos. Dahil sa tindi ng aking poot, ibubuhos ko ang malakas na ulan. Dahil sa laki ng aking galit, magpapaulan ako ng yelo upang sirain ang pader na iyon. 14 Ang pader na inyong tinapalan ng kalburo ay iguguho ko hanggang sa pundasyon nito. Pagguho nito, matatabunan kayo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 15 Ang matinding galit ko'y ibubuhos ko sa pader na iyon at sa mga nagtapal niyon. Pagkatapos, sasabihin kong wala na ang pader pati ang mga nagtapal niyon. 16 Ang mga nagtapal ng pader ay ang mga propeta ng Israel na nagsabing maayos ang lahat sa Jerusalem ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.

Ang Pahayag Laban sa mga Babaing Bulaang Propeta

17 Ang sabi ni Yahweh, “Ngayon, Ezekiel, magpahayag ka laban sa mga kababayan mong babae na nagpahayag ayon sa kanilang sariling isipan. 18 Ganito ang sabihin mo sa kanila: Kahabag-habag ang mga babaing bumibihag sa kalooban ng mga tao sa pamamagitan ng pulseras nila sa kamay at belo sa ulo ayon sa lahi ng tao. Binibihag ba ninyo ang kalooban ng aking bayan para sa inyong kapakinabangan? 19 Ginawan ninyo ako ng malaking kalapastanganan sa harap ng aking bayan sa pamamagitan ng kaunting harina at ng durog na tinapay. Sa pamamagitan ng inyong pagsasabi ng kasinungalingan sa mga mahilig makinig ng kasinungalingan, pinapatay ninyo ang dapat mabuhay at binubuhay ang dapat mamatay.”

20 Kaya nga ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Nasusuklam ako sa mga pulseras ninyong may salamangka para mabihag ang kalooban ng mga tao. Hahablutin ko iyan sa inyong mga kamay, at palalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo. 21 Hahaltakin ko rin ang inyong mga belo, at palalayain ko ang aking bayan mula sa inyong kapangyarihan. Hindi na ninyo sila masasakop. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 22 Tinakot ninyo ang mga matuwid dahil sa inyong kasinungalingan at pinalakas ninyo ang loob ng masasama para lalong magpatuloy sa kanilang kasamaan. 23 Kaya naman, hindi na ninyo makikita ang huwad ninyong pangitain at hindi na ninyo magagawang magpahayag ng inyong mga kasinungalingan. Ililigtas ko mula sa inyong kapangyarihan ang aking bayan, at malalaman ninyong ako si Yahweh.”

Mga Awit 52-54

Ang Hatol at Habag ng Diyos

Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.

52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.

Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
“Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”

Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.

Ang Kasamaan ng Tao(B)

Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[d]

53 Sinabi(C) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.

Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.

Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”

Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.

Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!

Panalangin Upang Saklolohan

Isang Maskil[e] (D) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
    ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
    iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
Ang nagmamataas ay laban sa akin,
    hangad ng malupit ang ako'y patayin,
    kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[f]

Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
    tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
    ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.

Buong galak naman akong maghahandog
    ng pasasalamat kay Yahweh,
    dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
    at aking nakitang sila ay talunan!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.