M’Cheyne Bible Reading Plan
Si David sa Lupain ng mga Filisteo
27 Sinabi ni David sa kanyang sarili, “Balang araw ay mahuhuli rin ako ni Saul kapag hindi ako umalis dito. Ang mabuti pa'y magtago na lang ako sa lupain ng mga Filisteo. Baka hindi na niya ako habulin kung hindi na niya ako makita sa lupain ng Israel. Ito na lamang ang paraan upang makaligtas ako sa kanya.” 2 Kaya, isinama niya ang animnaraan niyang tauhan at nagpunta sila kay Aquis na anak ni Maoc at hari ng Gat. 3 Doon nanirahan sina David, kasama ang mga asawa niyang si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Kasama naman ng kanyang mga tauhan ang kani-kanilang pamilya. 4 Nang mabalitaan ni Saul na si David ay nasa Gat, itinigil nga niya ang paghahanap dito.
5 Sinabi ni David kay Aquis, “Kung mamarapatin mo, bigyan mo kami ng isang maliit na bayan sa lalawigan upang doon manirahan. Hindi nararapat na kami ay kasama mong naninirahan dito sa iyong maharlikang lunsod.” 6 Ibinigay naman sa kanya ni Aquis ang Ziklag, kaya hanggang ngayon, ito ay sakop ng hari ng Juda. 7 At sila'y isang taon at apat na buwang nanirahan sa lupain ng mga Filisteo.
8 Sa loob ng panahong iyon, sinalakay nina David ang mga Gesureo, ang mga Girzita at ang mga Amalekita na matagal nang naninirahan doon; umabot sila sa Shur at hanggang sa Egipto. 9 Bawat lugar na salakayin nila ay wala silang itinitirang buháy, maging lalaki man o babae. At bago bumalik kay Aquis, sinasamsam nila ang lahat ng kanilang makita: tupa, baka, asno, kamelyo at mga damit. 10 Kapag tinatanong siya ni Aquis kung alin ang sinalakay nila, sinasabi niyang ang gawing timog ng Juda, timog ng Jerameel o kaya'y ang lupain ng Cineo. 11 Pinapatay nga niyang lahat ang nakatira sa alinmang lugar na salakayin niya para walang makapagbalita sa Gat na ang lugar na iyon ang kanilang nilusob. Palaging ganoon ang ginagawa nina David sa buong panahon ng paninirahan nila sa lupain ng mga Filisteo. 12 Si Aquis naman ay labis na nagtiwala sa kanya, sapagkat akala niya'y masamang-masama na si David sa mga Israelita at dahil doo'y maaalipin na niya ito habang panahon.
Tungkol sa Pagkaing Inihandog sa Diyus-diyosan
8 Ngayon, ipaliliwanag ko naman sa inyo ang tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Alam nating “may kaalaman tayong lahat,” gaya ng sabi ng iba. Ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. 2 Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. 3 Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos.
4 Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. 5 Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, 6 subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.
7 Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil mahina ang kanilang budhi, ang akala nila'y nagkakasala sila kapag kumain sila niyon. 8 Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan.
9 Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina sa kanyang paniniwala. 10 Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng kapatid na mahina ang budhi, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? 11 Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. 12 Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo sa inyong mga kapatid kaya't nagkakasala kayo kay Cristo dahil sinugatan ninyo ang kanilang budhi. 13 Kaya nga, kung dahil sa pagkain ay itinutulak ko sa pagkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang hindi siya magkasala.
Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Humarap ka sa mga bundok ng Israel at magpahayag laban sa kanila. 3 Sabihin mo, ‘Mga bundok ng Israel, dinggin ninyo itong ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: Tutugisin ko kayo ng tagâ. Gigibain ko ang inyong dambana sa mga burol. 4 Gagawin kong pook ng lagim ang inyong mga altar. Gigibain ko ang dambanang sunugan ninyo ng insenso, at papatayin ko kayo sa harap ng inyong mga diyus-diyosan. 5 Ang mga patay na Israelita'y ibubunton ko sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan, at ikakalat ko sa inyong altar ang mga buto ninyo. 6 Saanman kayo magtayo ng bayan, ito'y gigibain ko. Wawasakin ko ang inyong dambana sa mataas na dako. Dudurugin ko ang inyong mga diyus-diyosan, ibabagsak ang inyong mga dambanang sunugan ng insenso, at ipagtatatapon ang inyong mga ginawa. 7 Maraming mamamatay sa inyo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’
8 “May ilan akong ititira sa inyo ngunit mangangalat sila sa iba't ibang panig ng daigdig, 9 at mabibihag ng ibang bansa. Kapag sila'y naroon na sa dakong pagdadalahan sa kanila, maaalala nila kung gaano kalaki ang pagdaramdam ko dahil sa pagtalikod nila sa akin upang maglingkod sa mga diyus-diyosan. At sila mismo'y masusuklam sa kanilang sarili dahil sa ginawa nilang kasamaan. 10 Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh at malalaman nilang hindi panakot lamang ang parusang ipapataw ko sa kanila.”
Ang mga Kasalanan ng Israel
11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Pumalakpak ka't pumadyak, at sabihing mabuti nga sa sambahayan ng Israel. Uubusin kayo sa pamamagitan ng tabak, ng salot at ng taggutom. 12 Ang nasa malayo ay mamamatay sa salot, at sa tabak naman ang nasa malapit. Ang matirang buháy ay papatayin naman sa gutom. Ganyan ang gagawin ko upang ipadama sa kanila ang aking matinding galit. 13 Makikilala nga nilang ako si Yahweh kapag nakita nilang naghalang ang patay sa harap ng kanilang mga diyus-diyosan, sa mga burol, mga bundok, sa ilalim ng mga punongkahoy at malalagong puno ng ensina, o sa alinmang dakong handugan nila ng mababangong samyo para sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 Paparusahan ko nga sila at alinmang lugar na tirahan nila'y paghaharian ko ng lagim mula sa kaparangan ng Diblat. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Panalangin Upang Iligtas
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
2 Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
3 hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
4 O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
5 Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
6 Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
7 Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
8 Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
9 Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.