Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 37

Ang Kaban ng Tipan(A)

37 Yari sa akasya ang ginawa ni Bezalel na Kaban ng Tipan: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. Binalot niya ng ginto ang loob at labas, at ang labi nito'y nilagyan nila ng muldurang ginto. Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. Gumawa rin siya ng kahoy na pampasan na yari sa akasya at binalutan din niya ito ng ginto. Isinuot niya ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid upang maging pasanan nito. Ginawa rin niya ang Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. Ang magkabilang dulo nito ay iginawa niya ng dalawang kerubing yari sa purong ginto, tig-isa sa magkabilang dulo. Ikinabit niya itong mabuti sa Luklukan ng Awa, kaya ito at ang mga kerubin ay naging isang piraso. Magkaharap ang mga kerubin at nakatungo sa Luklukan ng Awa. Nakabuka ang kanilang mga pakpak at nakalukob dito.

Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(B)

10 Gumawa rin ng mesang akasya si Bezalel; 0.9 na metro ang haba nito, 0.5 metro ang lapad at 0.7 metro ang taas. 11 Binalot niya ito ng ginto at pati na ang paligid. 12 Nilagyan niya ito ng sinepa na singlapad ng isang palad at pinaligiran din ng ginto. 13 Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 14 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 15 Iginawa rin niya ang mesa ng mga pampasan na yari sa akasya at binalutan din ng ginto. 16 Gumawa rin siya ng mga kagamitang ginto para sa mesa: mga plato, tasa, banga at mangkok para sa handog na inumin.

Ang Ilawan(C)

17 Gumawa rin siya ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 18 Mayroon itong anim na sanga, tigatlo sa magkabila. 19 Bawat sanga ay may tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 20 Ang tagdan ay may tig-apat ding bulaklak na tulad ng nasa sanga. 21 May tig-iisang usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat sanga. 22 Ang mga usbong, mga sanga at ang tagdan ng ilawan ay iisang piraso na gawa sa purong ginto. 23 Ang ilawan ay iginawa niya ng pitong ilaw na may kasamang pang-ipit ng mitsa at patungan na pawang dalisay na ginto. 24 Ang nagamit sa ilawan ay tatlumpu't limang kilong purong ginto.

Ang Paggawa sa Altar na Sunugan ng Insenso(D)

25 Gumawa siya ng altar na sunugan ng insenso. Ito ay yari sa punong akasya. Ito ay parisukat, 0.5 metro ang haba, gayundin ang lapad at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar. 26 Binalutan niya ang ibabaw nito ng purong ginto. Ang mga gilid at ang mga sungay ay binalot din ng ginto. 27 Gumawa siya ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa magkabilang gilid sa ibaba para pagsuutan ng pampasan. 28 Gumawa rin siya ng pampasan na yari sa punong akasya at ito'y binalot din ng ginto.

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso(E)

29 Si(F) Bezalel din ang naghalo ng sagradong langis na pampahid at ng purong insenso at ito'y parang ginawa ng isang dalubhasa sa paggawa ng pabango.

Juan 16

16 “Sinabi ko ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananalig sa akin. Ititiwalag kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag dumating na ang oras na gagawin na nila ang mga ito, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo tungkol sa kanila.”

Ang Gawain ng Espiritu Santo

“Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. Subalit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit pag-alis ko, isusugo ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos. Patutunayan niya ang tungkol sa kanilang kasalanan sapagkat hindi sila naniwala sa akin. 10 Patutunayan niya ang tungkol sa katuwiran sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; 11 at ang tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito.

12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. 13 Ngunit(A) pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”

Kalungkutang Magiging Kagalakan

16 “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”

17 Nag-usap-usap ang ilan sa kanyang mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin na kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ 18 Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”

19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ 20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at tatangis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan.

21 “Kapag manganganak na ang isang babae, siya'y nalulungkot sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, nakakalimutan na niya ang kanyang paghihirap; sapagkat nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.

22 “Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. 23 Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”

Pagtatagumpay sa Pangalan ni Jesus

25 “Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinghaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos.[a] 28 Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo'y aalis na ako sa sanlibutan at babalik na sa Ama.”

29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! 30 Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.”

31 Sumagot si Jesus, “Talaga bang naniniwala na kayo? 32 Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwan ninyo ako. Gayunma'y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”

Mga Kawikaan 13

13 Ang anak na may unawa'y nakikinig sa kanyang ama,
    ngunit walang halaga sa palalo ang paalala sa kanya.
Natatamo ng mabuti ang bunga ng kanyang kabaitan,
    ngunit ang ninanasa ng masama ay puro karahasan.
Ang(A) maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay,
    ngunit ang taong madaldal ay nasasadlak sa kapahamakan.
Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad,
    ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.
Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,
    ngunit ang salita ng masama ay nakakahiyang pakinggan.
Ang mabuti'y iniingatan ng kanyang katuwiran,
    ngunit ang masama'y ipinapahamak ng likong pamumuhay.
May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman,
    ngunit ang iba'y nag-aayos mahirap bagaman sila ay mayaman.
Ang yaman ng isang tao ay pantubos sa kanyang buhay,
    ngunit sa isang mahirap ito ay hindi nakababahala.
Ang matuwid ay tulad ng maningning na ilaw,
    ngunit ang masama ay lamparang namamatay.
10 Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan,
    ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.
11 Ang kayamanang tinamo sa daya ay madaling nawawala,
    ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala.
12 Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban,
    ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.
13 Ang nagwawalang-bahala sa payo ay hahantong sa sariling kapahamakan,
    ngunit ang nagpapahalaga sa utos ay gagantimpalaan.
14 Ang mga turo ng matalino ay bukal ng buhay,
    ito ay maglalayo sa bitag ng kamatayan.
15 Ang katalinuhan ay umaani ng paggalang,
    ngunit ang kataksilan ay naghahatid sa kapahamakan.
16 Ang katalinuhan ng isang tao'y nakikita sa kanyang gawa,
    sa kilos ay nakikilala ang taong walang unawa.
17 Ang masamang tagapagbalita ay lumilikha ng kaguluhan,
    ngunit ang mabuting tagapamagitan ay lumulutas ng alitan.
18 Kahihiyan ang kasasadlakan ng hindi nakikinig sa saway,
    ngunit ang tumatanggap ng payo ay mag-aani ng karangalan.
19 Ang pangarap na natupad ay may dulot na ligaya,
    ngunit ayaw iwan ng masama ang kasamaan niya.
20 Ang(B) nakikisama sa may unawa ay magiging matalino,
    ngunit ang kasama ng mangmang ay masusuong sa gulo.
21 Ang hinaharap ng masama ay kahirapan sa buhay,
    ngunit sagana ang pagpapalang sa matuwid ay naghihintay.
22 Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan,
    at sa matuwid nauuwi ang naipon ng isang makasalanan.
23 Ang bukid ng mahihirap, may pangakong kasaganaan,
    ngunit ito'y nasasayang dahil sa kawalan ng katarungan.
24 Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina,
    anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang.
25 Ang matuwid ay sagana sa lahat ng kailangan,
    ngunit ang masama ay palagi namang nagkukulang.

Efeso 6

Tagubilin sa mga Magulang at mga Anak

Mga(A) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, [alang-alang sa Panginoon,][a] sapagkat ito ang nararapat. “Igalang(B) mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako: “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.”

Mga(C) magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.

Katuruan para sa mga Alipin at mga Amo

Mga(D) alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.

Mga(E) amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo.

Mga Sandatang Kaloob ng Diyos

10 Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 11 Isuot(F) ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. 13 Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.

14 Kaya't(G)(H) maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; 15 isuot(I) ninyo ang sapatos ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. 16 Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. 17 Isuot(J) ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. 18 Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. 19 Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. 20 Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.

Mga Pangwakas na Bati

21 Si(K)(L) Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa. 22 Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob.

23 Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. 24 Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumainyong lahat na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.