M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Gagawa ng Tabernakulo(A)
31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. 3 Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[a] at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. 4 Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. 5 Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. 6 Pinili ko rin para makatulong niya si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula naman sa lipi ni Dan. Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo. 7 Sila ang gagawa ng Toldang Tipanan, ng Kaban ng Tipan, ng Luklukan ng Awa at lahat ng kasangkapan sa tabernakulo. 8 Sila rin ang gagawa ng mesang patungan ng handog na pagkaing butil at ng lahat ng kagamitan nito; ng ilawang ginto at mga kagamitan nito; ng altar na sunugan ng insenso; 9 ng altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito; ng palangganang hugasan at ng patungan nito. 10 Sila ang gagawa ng mga kasuotan ni Aaron at ng kanyang mga anak. 11 Sila rin ang maghahalo ng langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal. Sundin mong lahat ang sinasabi kong ito sa iyo.”
Ang Araw ng Pamamahinga
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 13 “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko. 14 Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito'y sagrado. Papatayin ang sinumang hindi magpahalaga rito at ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito. 15 Anim(B) na araw kayong magtatrabaho ngunit ang ikapitong araw ay araw ng ganap na pamamahinga at nakalaan para sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. 16 Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi bilang tanda ng tipan. 17 Ito'y(C) isang palatandaan ko at ng bansang Israel, at ito'y mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw.”
18 Matapos sabihin ni Yahweh kay Moises ang lahat ng ito sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng Kautusan na si Yahweh mismo ang sumulat.
Ang Tunay na Pastol
10 “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. 5 Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
6 Sinabi ni Jesus ang paglalarawang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. 8 Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.
11 “Ako(A) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(B) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.
17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama.”
19 Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”
Itinakwil ng mga Judio si Jesus
22 Taglamig(C) na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”
25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(D) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[a] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”
31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”
33 Sumagot(E) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”
34 Tumugon(F) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”
39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.
40 Muling(G) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”
42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.
7 Aking anak, salita ko sana ay ingatan,
itanim sa isip at huwag kalimutan.
2 Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,
turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.
3 Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,
at sikapin mong matanim sa iyong isipan.
4 Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,
at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.
5 Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,
nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.
Ang Babaing Mapangalunya
6 Ako ay dumungaw sa bintanang bukás,
at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,
7 ang aking nakita'y maraming kabataan,
ngunit may napansin akong isang mangmang.
8 Naglalakad siya sa may panulukan,
ang tinutungo'y sa babaing tahanan.
9 Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,
sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla.
10 Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan,
mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.
11 Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot,
di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.
12 Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,
walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang.
13 Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,
at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit:
14 “Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,
katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos.
15 Ako ay narito upang ika'y salubungin,
mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.
16 Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,
linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay.
17 Ito'y aking winisikan ng pabangong mira,
bukod pa sa aloe at mabangong kanela.
18 Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa,
ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya.
19 Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo,
pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo.
20 Marami ang baon niyang salapi,
pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.”
21 Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok,
sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog.
22 Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok,
parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod,
mailap na usa, sa patibong ay nahulog,
23 hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos.
Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad,
hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas.
24 Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,
at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig.
25 Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,
ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis,
26 sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,
at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak.
27 Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,
tiyak na patungo sa malagim na kamatayan.
Magtulungan sa mga Pasanin
6 Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2 Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad[a] ninyo ang kautusan ni Cristo. 3 Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, 5 sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Pangwakas na Babala at Pagbati
11 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang mga titik na ginagamit ko sa pagsulat sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.
12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyo na kayo'y magpatuli na makita silang gumagawa ng magagandang bagay. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumupad sa tuntuning iyon. 14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. 15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.
17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus.
18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.