Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 17

Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(A)

17 Mula(B) sa disyerto ng Sin, naglakbay ang mga Israelita, sila'y humihinto at nagpapatuloy kapag sinabi ni Yahweh. Sila'y nagkampo sa Refidim ngunit walang tubig doon, kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”

“Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?” tanong ni Moises.

Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?”

Kaya, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin?” Sumagot si Yahweh, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai.[a] Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Iyon nga ang ginawa ni Moises; at ito'y nasaksihan ng mga kasama niyang pinuno ng Israel.

Ang lugar na iyon ay pinangalanan niyang “Masah”[b] at “Meriba”[c] sapagkat nagtalu-talo doon ang mga Israelita at sinubok nila si Yahweh. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan nga sila ni Yahweh o hindi.

Ang Labanan ng mga Israelita at ng mga Amalekita

Nang ang mga Israelita'y nasa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol.” 10 Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalekita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. 11 Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. 13 Dahil dito'y natalo ni Josue ang mga Amalekita.

14 Sinabi(C) ni Yahweh kay Moises, “Isulat mo ang pangyayaring ito upang hindi ninyo malimutan, at sabihin mo naman kay Josue na lilipulin ko ang mga Amalekita.” 15 Nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag niya itong, “Si Yahweh ang aking Watawat.” 16 At sinabi niya sa mga tao, “Itaas ninyo ang watawat ni Yahweh! Patuloy niya tayong pangungunahan sa ating pakikipaglaban sa mga Amalekita.”

Lucas 20

Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus(A)

20 Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nangangaral ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”

Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!”

Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.”

Ang Talinghaga ng Ubasan at sa mga Magsasaka(B)

Pagkatapos, isinalaysay(C) ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. 10 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa mga magsasaka ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang bahagi. Ngunit binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinauwing walang dala. 11 Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. 12 Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. 13 Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa'y papuntahin ko ang minamahal kong anak. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ 14 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, nag-usap-usap sila at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 Siya'y inihagis nila sa labas ng ubasan at pinatay.

“Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. 16 “Pupunta siya roon at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ipapaupa niya sa iba ang ubasan.”

Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong mangyari!” 17 Tiningnan(D) sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng nasusulat na ito,

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-panulukan’?

18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.”

Tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(E)

19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang tinutukoy niya sa talinghaga, ngunit natakot sila sa mga tao. 20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring tapat na naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon ay mapasailalim siya sa karapatan at kapangyarihan ng gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. 22 Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”

23 Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, 24 “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakaukit dito?”

“Sa Emperador po,” tugon nila.

25 Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”

26 Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkamangha sa kanyang sagot.

Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay(F)

27 Ilang(G) Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong walang muling pagkabuhay ng mga patay. 28 Sabi(H) nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang batas na ito, ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki'y dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 29 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito. At silang lahat ay namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan, namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?”

34 Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga lalaki't babaing karapat-dapat na mapasama sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y napabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging(I) si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa salaysay tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ 38 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y nabubuhay ang lahat.”

39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.

Katanungan tungkol sa “Anak ni David”(J)

41 Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga tao na ang Cristo ay anak ni David? 42 Si(K)(L) David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
43     hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

44 Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga tao na siya'y anak ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(M)

45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. 47 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila.”

Job 35

35 Nagpatuloy pa si Elihu,
“Ikaw, Job, ay wala sa katuwiran,
    di mo masasabing sa harap ng Diyos, ika'y walang kasalanan.
Sa iyong sinasabi, ang mapapala ko'y ano?
    Hindi kaya mabuti pang nagkasala na nga ako?
Ika'y aking sasagutin sa sinabi mong ito.
    Sasagutin kita, pati mga kaibigan mo.

“Tumingala ka sa langit at igala ang paningin, masdan mo ang mataas na ulap sa papawirin.
Di(A) napipinsala ang Diyos sa mga kasalanan mo,
    walang magagawa sa kanya gaano man karami ito.
Wala kang naitulong sa kanya sa iyong pagiging matuwid,
    wala kang naibigay kahit bagay na maliit.
Kung nagkakasala ka'y kapwa mo ang nagdurusa,
    sa paggawa ng mabuti'y natutulungan mo sila.

“Kapag ang mga tao'y inaapi, sila ay dumaraing,
    sila'y nagmamakaawa upang ang tulong ay kamtin.
10 Ngunit hindi naman sila lumalapit sa Diyos,
    na nagbibigay ng pag-asa kung dinaranas ay lungkot.
11 Ayaw nilang lumapit sa Diyos na nagbibigay sa atin ng karunungan,
    higit sa taglay ng mga hayop o ibon sa kalawakan.
12 Humihibik sila sa Diyos ngunit hindi pinapakinggan,
    pagkat sila'y mga palalo at puno ng kasamaan.
13 Huwag sabihing ang Makapangyarihang Diyos ay di nakikinig,
    na di niya pinapansin ang kanilang sinapit.

14 “Ikaw na rin ang nagsabing ang Diyos ay hindi mo nakikita,
    maghintay ka na lamang sapagkat ang kalagayan mo'y alam niya.
15 Akala mo'y hindi siya marunong magparusa,
    at ang kasamaa'y ipinagwawalang-bahala niya.
16 Wala nang saysay kung magsasalita ka pa,
    mga sinasabi mo nama'y walang kuwenta.”

2 Corinto 5

Alam(A) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, upang kung mabihisan[a] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.

Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. 10 Sapagkat(B) lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito.

Pakikipagkaibigan sa Diyos sa Pamamagitan ni Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. 12 Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. 13 Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.

16 Kaya ngayon, ang pagtingin namin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. 17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. 18 Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinagkatiwalaan niya kami upang maglingkod nang sa gayon ang mga tao ay maging kaibigan rin niya. 19 Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.

20 Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.