M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Ikalawang Salot: Ang Napakaraming Palaka
8 Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2-3 Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto. Pupunuin ko ng palaka ang Ilog Nilo. Papasukin ng mga ito ang palasyo at aakyatin pati higaan mo. Papasukin din ng mga ito ang bahay ng mga tauhan mo at ng lahat ng Egipcio, ganoon din ang inyong mga lutuan at lalagyan ng pagkain. 4 Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.”
5 Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapunô ng palaka ang buong Egipto.” 6 Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. 7 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan.
8 Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.”
9 Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.”
10 “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon.
“Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. 11 Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” 12 Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. 13 Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. 14 Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. 15 Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron.
Ang Ikatlong Salot: Ang mga Niknik
16 Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. 17 Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. 18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. 19 Dahil(A) dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.
Ang Ikaapat na Salot: Ang mga Langaw
20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran. 22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. 23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.” 24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.
25 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.”
26 Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. 27 Ang kailangan po'y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin.”
28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong umalis, ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako.”
29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko po rito'y ipapanalangin ko kay Yahweh na alisin sa inyo ang mga langaw, gayon din sa inyong mga tauhan at nasasakupan. Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain; huwag ninyo kaming hahadlangan sa paghahandog namin kay Yahweh.”
30 Umalis si Moises at nanalangin. 31 Tinugon naman siya ni Yahweh, at umalis nga ang mga langaw; walang natira ni isa man. 32 Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon; hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita.
Katuruan tungkol sa Pananalangin(A)
11 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,
‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Dumating nawa ang iyong kaharian.
3 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.[a]
4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.’”
5 Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. 9 Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”[b]
Si Jesus at si Beelzebul(B)
14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit(C) sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.”
16 May(D) mga nagnanais na siya'y subukin kaya't patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 17 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 18 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.
23 “Ang(E) hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(F)
24 “Kapag lumabas sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ 25 Sa pagbabalik niya ay madadatnan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”
Ang Tunay na Pinagpala
27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Pinagpala ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.”
28 Ngunit sumagot siya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(G)
29 Nang(H) dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung(I) paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa(J) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa(K) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.”
Ang Ilaw ng Katawan(L)
33 “Walang(M) nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, [o kaya'y ilagay sa ilalim ng banga].[c] Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 34 Ang iyong mata ang ilaw ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(N)
37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay bago kumain. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.
42 “Kahabag-habag(O) kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Dapat lamang na gawin ninyo ito ngunit hindi dapat kaligtaan ang mas mahahalagang bagay.
43 “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”
45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.”
46 Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. 47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ 50 Sa gayon, pananagutan ng salinlahing ito ang pagpaslang sa lahat ng mga propetang pinaslang mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula(P) kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Dakong Banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, mananagot ang salinlahing ito.
52 “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”
53 At umalis si Jesus doon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.
Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos
25 Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:
2 “Makapangyarihan ang Diyos dapat siyang igalang;
naghaharing mapayapa sa buong sangkalangitan.
3 Ang kanyang mga anghel ay hindi mabibilang,
lahat ay nasisikatan ng kanyang kaliwanagan.
4 Maaari bang maging matuwid ang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harapan ng Maykapal siya ba'y dalisay nang lubos?
5 Para sa Diyos, ang buwan ay walang ningning,
at ang mga bituin ay marumi sa kanyang tingin.
6 Gaano pa ang tao na isa lamang hamak na uod,
may halaga kaya siya sa paningin ng Diyos?”
Inihayag ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos
26 Tumugon naman si Job,
2 “Malaking tulong ka sa akin na isang mahina!
Sa palagay mo'y sumasaklolo ka sa akin na taong kawawa?
3 Ang walang nalalaman ay iyo bang tinuruan,
at ang tao bang hangal ay binigyan ng karunungan?
4 Sino kayang makikinig sa sinasabi mo?
At sino bang espiritu ang nag-udyok na sabihin ito?”
5 Ang sagot ni Bildad,
“Sa takot ay nanginginig maging ang kalaliman,
ganoon din itong dagat at ang doo'y naninirahan.
6 Ang daigdig ng mga patay, lantad sa mata ng Diyos.
Sa paningin niya'y walang maikukubling lubos.
7 Ang kalawakan sa hilaga ay kanyang inilagay,
ibinitin niya ang daigdig sa gitna ng kawalan.
8 Ang tubig ay iniipon sa balumbon ng mga ulap,
at pinipigil niya ito kahit na anong bigat.
9 Ang buwang kabilugan, sa ulap ay kanyang tinatakpan.
10 Pinaghiwalay niya ang liwanag sa kadiliman,
ng bilog na guhit sa ibabaw ng karagatan.
11 Mga haligi nitong langit ay nanginginig sa takot,
nauuga, nayayanig kapag sinaway ng Diyos.
12 Sa kanyang kapangyarihan, pinatahimik niya ang dagat;
sa kanyang karunungan, pinuksa niya ang dambuhalang si Rahab.
13 Sa pamamagitan ng hininga niya, ang langit ay umaaliwalas,
pinuksa ng kamay niya ang dambuhalang tumatakas.
14 Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan,
na hindi pa rin natin lubos na maunawaan.
Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?”
Mga Kaloob ng Espiritu Santo
12 Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. 2 Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y nailigaw sa mga diyus-diyosan na hindi naman nakakapagsalita. 3 Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.
4 Iba't(A) iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. 5 Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. 6 Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. 7 Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. 8 Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. 9 Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.
Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi
12 Si(B) Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
14 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. 15 Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? 18 Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. 19 Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. 20 Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.
21 Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pinapahalagahan. 24 Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Ngunit nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa. 26 Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.
27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay(C) ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila.
At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.