Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 48

Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases

48 Nabalitaan ni Jose na may sakit ang kanyang ama, kaya't isinama niya ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim, at dinalaw ang matanda. Nang sabihin kay Jacob na dumating si Jose, nagpilit siyang bumangon at naupo sa kanyang higaan. Sinabi(A) niya kay Jose, “Nang ako'y nasa Luz, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Diyos at binasbasan ako. Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon. Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin. Ngunit ang susunod mong mga anak ay mananatiling iyo at ibibilang na lamang sa lipi ng dalawa nilang kapatid. Ipinasiya(B) ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.)

Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?”

“Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya.

Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.” 10 Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda. 11 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.”

12 Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito.

13 Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito. 14 Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases. 15 At sila'y binasbasan,

“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,
    ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;
ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,
    simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.

16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,
    pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;
maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras
    ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.
Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”

17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. 18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”

19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”

20 Sinabi(C) pa niya ito:
“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,
    dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.
Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:
    ‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”

Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.

21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”

Lucas 1:39-80

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabeth

39 Hindi nagtagal at si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa bulubundukin ng Juda. 40 Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw(A) siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At(B) sinabi ni Maria,

“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47     at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48     sapagkat(C) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49     dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
    nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(D) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
    at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
    at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
    at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(E) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
    kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”

56 Nanatili si Maria kina Elizabeth nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya.

59 Makalipas(F) ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elizabeth, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”

61 “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.

63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at siya'y nagpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.

Ang Awit ni Zacarias

67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:

68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
    Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
    mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71     na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
    mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
    at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74     na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
    upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(G) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
    ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79     Tatanglawan(H) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
    at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”

80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na nakilala siya ng bansang Israel.

Job 14

Maikli ang Buhay ng Tao

14 “Ang(A) buhay ng tao'y maikli lamang,
    subalit punung-puno ng kahirapan.
Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas,
    parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam.
Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang?
    Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman?
Mayroon bang malinis na magmumula,
    sa taong marumi at masama?
Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw,
    at bilang na rin ang kanyang mga buwan,
nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.
Lubayan mo na siya at pabayaan,
    nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.

“Kahoy na pinutol ay may pag-asa,
    muli itong tutubo at magsasanga.
Kahit pa ang ugat nito ay matanda na,
    at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya,
    ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan,
    pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta?

11 “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos,
    at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos.
12 Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon
    hanggang ang langit ay maparam.
13 Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay,
    hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan,
    at muli mong maalala ang aking kalagayan.
14 Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay?
Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin.
15 Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot,
    sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod.
16 Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan,
    di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan.
17 Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin,
    lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.

18 “Darating ang araw na guguho ang kabundukan,
    malilipat ng lugar mga batong naglalakihan.
19 Sa buhos ng tubig, ang bato ay naaagnas,
    ang lupang matigas sa baha ay natitibag,
    gayon ang pag-asa ng tao, kapag iyong winasak.
20 Nilulupig mo ang tao at tuluyang naglalaho,
    sa sandali ng kamatayan nagbabago ang kanyang anyo.
21 Anak man niya'y parangalan, hindi na niya malalaman,
    hindi na rin mababatid kung bigyan silang kahihiyan.
22 Ang kanya lamang nadarama ay sakit ng sariling katawan,
    ang tanging iniisip ay ang sariling kalungkutan.”

1 Corinto 2

Ang Ipinapangaral ni Pablo

Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga[a] ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong wala akong ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus. Noong(A) ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.

Ang Karunungan ng Diyos

Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. Walang(B) isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Subalit(C) tulad ng nasusulat,

“Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
    ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
    ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”

10 Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos. 11 Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. 12 Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.

13 Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga nagtataglay ng Espiritu. 14 Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. 15 Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng lahat ng bagay, ngunit hindi siya nauunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu.

16 “Sino(D) ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
    Sino ang makapagpapayo sa kanya?”

Ngunit nasa atin[b] ang pag-iisip ni Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.