Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 43

Nagbalik kay Jose ang Magkakapatid

43 Lalong tumindi ang taggutom sa Canaan. Nang maubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Bumili uli kayo kahit kaunting pagkain sa Egipto.”

Sinabi ni Juda sa kanya, “Mahigpit po ang bilin sa amin ng gobernador doon na huwag na kaming magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang kapatid naming bunso. Kung pasasamahin ninyo siya, bibili po kami ng pagkain doon. Kung hindi ninyo pahihintulutan, hindi po kami maaaring humarap sa gobernador.”

Sinabi ni Israel, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid? Ako ang pinahihirapan ninyo sa nangyayaring ito.”

Nagpaliwanag sila, “Inusisa pong mabuti ang ating pamilya. Itinanong sa amin kung mayroon pa kaming ama at iba pang kapatid. Sinagot po lamang namin ang kanyang mga tanong. Hindi po namin alam na pati si Benjamin ay pipiliting iharap namin sa kanya.”

Kaya sinabi ni Juda kay Israel, “Ama, mamamatay tayo sa gutom. Pasamahin na ninyo si Benjamin at nang makaalis na kami. Itinataya ko ang aking buhay para sa kanya. Ako po ang bahala sa kanya. Kung hindi ko siya maibalik nang buháy, ako ang buntunan ninyo ng lahat ng sisi. 10 Kung hindi ninyo kami pinaghintay nang matagal, marahil ay nakadalawang balik na kami ngayon.”

11 Sinabi ni Israel, “Kung iyon ang mabuti, sige, payag na ako. Ngunit magdala kayo ng handog sa gobernador, kaunting balsamo, pulot-pukyutan, astragalo, laudano, alponsigo at almendra. 12 Doblehin ninyo ang dalang salapi, sapagkat kailangan ninyong ibalik ang salaping nailagay sa inyong mga sako. Maaaring isang pagkakamali lamang iyon. 13 Isama na ninyo ang inyong kapatid at lumakad na kayo. 14 Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon upang mabalik sa akin si Simeon at si Benjamin. Kung hindi man sila maibalik, handa na ang loob ko.”

15 Nagdala nga sila ng mga kaloob at salaping dapat dalhin, at nagbalik sa Egipto, kasama si Benjamin. 16 Nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa aliping namamahala sa kanyang tahanan, “Isama mo sila sa bahay. Sila'y kasalo ko mamayang pananghalian. Magkatay ka ng hayop at iluto mo.” 17 Sinunod ng alipin ang utos ni Jose at isinama ang magkakapatid.

18 Natakot sila nang sila'y dalhin sa bahay ni Jose. Sa loob-loob nila, “Marahil, dinala tayo rito dahil sa salaping ibinalik sa ating mga sako nang una tayong pumarito. Maaaring bigla na lamang tayong dakpin, kunin ang ating mga asno, at tayo'y gawing mga alipin.”

19 Kaya't nilapitan nila ang katiwala ni Jose at kinausap sa may pintuan ng bahay nito. 20 Sinabi nila, “Ginoo, galing na po kami ritong minsan at bumili ng pagkain. 21 Nang kami'y nagpapahinga sa daan, binuksan namin ang aming mga sako at nakita sa loob ang lahat ng salaping ibinayad namin sa pagkain. Heto po't dala namin para ibalik sa inyo. 22 May dala po kaming bukod na pambili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng mga salaping iyon sa mga sako namin.”

23 “Huwag kayong mag-alaala,” sabi ng alipin. “Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon. Tinanggap ko na ang inyong kabayaran sa binili ninyong una.” Pagkatapos ay inilabas ng katiwala si Simeon at isinama sa kanila.

24 Sila'y pinapasok ng katiwala sa bahay ni Jose, pinaghugas ng mga paa, at pinakain ang kanilang mga asno. 25 Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo. 26 Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog. 27 Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?”

28 “Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya.

29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!” 30 Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak. 31 Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain. 32 Si Jose ay ipinaghaing mag-isa sa isang mesa, at ang kanyang mga kapatid ay sa ibang mesa. Magkakasalo naman ang mga Egipcio, sapagkat ikinahihiya nilang makasalo ang mga Hebreo. 33 Kaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid na sunud-sunod ang pagkaupo ayon sa gulang. Nagkatinginan sila at takang-taka sa gayong pagkakaayos ng kanilang upô. 34 Idinudulot mula sa mesa ni Jose ang pagkain nila, at limang beses ang dami ng pagkaing idinulot kay Benjamin. Masaya silang kumain at nag-inuman.

Marcos 13

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!”

Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.

“Mag-ingat(C) kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. 10 Ngunit kailangan munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita. 11 Kapag kayo'y dinakip nila at nilitis, huwag kayong mabahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sabihin ninyo ang mga salitang ibibigay sa inyo, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 13 Kapopootan(D) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling matatag hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”

Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(E)

14 “Kapag(F) nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. 15 Ang(G) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 16 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. 17 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 18 Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, 19 sapagkat(H) sa mga araw na iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. 20 At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw na iyon, walang sinumang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, pinaikli niya ang mga iyon.

21 “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 23 Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”

Ang Pagbabalik ng Anak ng Tao(I)

24 “Subalit(J) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, 25 malalaglag(K) mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 26 Pagkatapos,(L) makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. 27 Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(M)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na. 30 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi. 31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(N)

32 “Ngunit(O) walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33 Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34 Ang(P) katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35 Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36 Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”

Job 9

Ang Sagot ni Job

Ito naman ang tugon ni Job:

“Matagal(A) ko nang alam ang mga bagay na iyan,
    ngunit sino bang matuwid sa harap ng Maykapal?
Mayroon bang maaaring makipagtalo sa kanya?
    Sa sanlibo niyang tanong,
    walang makakasagot kahit isa.
Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
    sinong lumaban na sa kanya at nagtagumpay?
Walang sabi-sabing inuuga niya ang bundok,
    sa tindi ng kanyang galit, ito'y kanyang dinudurog.
Ang buong lupa ay kanyang niyayanig,
    at inuuga niya ang saligan ng daigdig.
Maaari(B) niyang pigilan ang pagsikat ng araw,
    pati ang mga bituin sa kalangitan.
Mag-isa niyang inilatag ang sangkalangitan,
    kanyang tinapakan ang dambuhalang karagatan.
Siya(C) ang gumawa ng mga bituin sa kalawakan, sa ‘Oso,’ sa ‘Orion,’
    sa ‘Pleyades’ at sa mga kumpol ng mga bituin sa katimugan.
10 Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
    ang kanyang mga himala ay hindi mabibilang.
11 Siya'y nagdaraan ngunit hindi ko mamasdan, siya'y kumikilos ngunit hindi ko maramdaman.
12 Nakukuha niya ang anumang magustuhan, at sa kanya'y walang makakahadlang,
    walang makakapagtanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?’

13 “Ang poot ng Diyos ay hindi maglulubag
    sa mga tumulong sa dambuhalang si Rahab.
14 Paano ko masasagot ang tanong niya sa akin? Maghahanap pa ako ng mga salitang aking bibigkasin.
15 Kahit ako'y walang sala, ang tangi kong magagawa,
    sa harap ng Diyos na hukom ay magmakaawa.
16 Kahit bayaan niyang ako'y magsalita,
    hindi ko rin matiyak kung ako'y papakinggan nga.
17 Malakas na bagyo at mga sugat ang sa aki'y ibinigay,
    kahit wala naman siyang sapat na dahilan.
18 Ang hininga ko ay halos kanya nang lagutin,
    puro kapaitan ang idinulot niya sa akin.
19 Sa lakas niyang taglay hindi siya kayang talunin,
    hindi siya maaaring pilitin at sa hukuman ay dalhin.
20 Ako'y walang kasalanan at tapat na namumuhay,
    ngunit bawat sabihin ko ay laban sa aking katauhan.
21 Wala nga akong sala, ngunit hindi na ito mahalaga,
    wala nang halaga ang aking sarili, pagod na akong mabuhay.
22 Iisa ang pupuntahan ng lahat, ito ang aking nasabi.
    Kapwa wawasakin ng Diyos ang masama at ang mabuti.
23 Kung ang taong matuwid ay biglang namatay,
    tinatawanan ng Diyos ang sinapit ng kawawa.
24 Hinayaan niyang ang daigdig ay pagharian ng masama,
ang paningin ng mga hukom ay tinatakpan niya.
Kung di siya ang may gawa nito, sino pa nga kaya?

25 “Ang aking mga araw ay mabilis lumilipas, walang mabuting nangyayari kaya't nagmamadaling tumatakas.
26 Parang mabilis na bangka ang buhay kong ito,
    kasing bilis ng agila kung dumadagit ng kuneho.
27 Kung kakalimutan ko na lang ang aking pagdurusa,
    at tatawanan ko na lang ang aking problema,
28 nangangamba ako na inyong ipalagay,
    na ang kasawian ko ay bunga ng aking kasalanan.
29 Kung ako'y napatunayan nang nagkasala, anong pagsisikap ang magagawa ko pa?
30     Hindi ako malilinis ng kahit anong sabon, hindi na ako puputi kuskusin man ng apog,
31 matapos mo akong ihagis sa napakaruming balon.
    Ikinahihiya ako maging ng aking sariling damit.
32 Kung ang Diyos ay tao lang, siya'y aking sasagutin,
    kahit umabot sa hukuman ang aming usapin.
33 Ngunit sa aming dalawa'y walang tagapamagitan,
    upang alitan namin ay kanyang mahatulan.
34 Ang pamalo ng Diyos sana'y ilayo na sa akin,
at huwag na sana niya akong takutin.
35 At ihahayag ko ang nais kong sabihin,
    sapagkat ako ang nakakaalam ng sarili kong damdamin.

Roma 13

Paggalang sa Pamahalaan

13 Ang(A) bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa.[a] Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.

Iyan(B) din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.

Mga Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. Ang(C) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.

11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.[b] 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.